Chapter 673: CAKE

65 9 0
                                    

🏰DARYLLE🏰

Tahimik kami buong biyahe. Wala ni isa ang sumubok magsalita tungkol sa nangyari, dahil pare-pareho kaming gulat. Wala maski isa sa nangyari ang inasahan ko, kaya hindi talaga ako makapag-isip nang maayos.

Akala ko kasi ay simpleng problema lang 'yon at maaayos din kaagad, pero hindi pala. Kaya pala galit na galit si Tita pagdating, dahil hindi lang basta problema ang dala niya. Bitbit niya ang kahihiyan ng aming pamilya.

Hindi ko lubos akalain na totoo ang narinig ko kanina. Parang panaginip lang ang lahat at talagang hindi ko mapaniwalaan. Para akong nanonood ng teleserye kanina.

"We're here," sabi ni Tito Morgan. Siya ang naghatid sa amin ngayon dito sa bahay dahil ayaw niya kaming pag-drive-in—lalo na si Mama. Hindi kasi maayos ang lagay niya.

Lumabas na kami ni Ate at hinayaan na lang muna silang dalawa. Ang duplicate ng bahay ang ginamit niya pambukas. Mabilis kaming naghanda ng kahit ano'ng p'wedeng kainin dahil nakakahiya kay Tito Morgan. Binuksan ko muna ang dispenser para makapag-init ng tubig.

"Ano'ng lulutuin natin?" tanong ko kay Ate.

"Hindi ko alam. Hindi ko na alam, Darling."

Hinila ko ang upuan ng dining at doon ay naupo muna. Wala rin akong maisip dahil talagang windang na windang ako sa nangyari. Kung wala nga si Tito Morgan ay baka nagkulong na ako sa kuwarto ngayon. Nahihiya lang ako sa kaniya kaya nag-aasikaso ako.

"Kayong dalawa pabayaan niyo na 'yan diyan, mag-asikaso na kayo," utos ni Mama nang makapasok sila. Doon ko lang napansin ang oras. Umaga na pala talaga. "Pumasok kayong dalawa."

"Hindi ako papasok," wika ko at patay malisyang nagpunta sa living area kung nasaan sila ni Tito. Hindi ko alam kung kaya ko bang humarap sa klase nang ganito.

"Darylle wala kayong gagawin dito. Pumasok na lang kayo."

Naikuyom ko ang kamao ko sa sobrang inis, dahil heto na naman siya—sa pag-arteng ayos lang ang lahat at wala kaming problema. Pamilya nga kami, pero lahat ng aberya siya lang ang pumapasan. Ayaw niya kaming pahatiin, kahit na kung tutuusin ay malalaki naman na kami at hindi na bata.

"Hindi rin ako papasok," ani Ate kaya ikinagulat 'yon ni Mama. Nandito na rin siya at wala na sa kusina.

"Ang tigas ng ulo niyo, sumasabay pa kayo."

"Mama magsabi ka nga nang totoo, nagbakasiyon ka ba talaga?" naiiyak na tanong ni Ate. Mukhang pareho rin kami ng hinala nito. "Bakit may pasa ka sa mukha? 'Wag mong sabihin na si Tita ang may gawa niyan dahil kanina lang kayo nagkita."

"Pumasok kayong dalawa, mag-asikaso na kayo, male-late kayo." It is pretty obvious na iniiba niya lang ang usapan.

"Hindi kami papasok," matigas na sabi ni Ate. "Pupunta tayo sa hospital at magpapagamot ka!" 

"Kagagaling lang ng Mama niyo ro'n," sabat ni Tito Morgan. Kitang-kita ko na kinurot siya ni Mama. "Doon talaga siya nanggaling. Ayaw niya lang na mag-alala kayo kaya sinabi niya na nasa bakasiyon ka."

"Ano ka ba?!" inis turan ni Mama sa kaniya.

"Hindi rin sila maniniwala sa 'yo na nagbakasiyon ka kaya bakit ka pa magsisinungaling?" Tila natameme si Mama sa sinabi ni Tito. Hindi siya makasagot.

Ako naman ay napailing na lang. Hindi ko lubos maisip na ang saya namin dahil akala namin nag-e-enjoy siya pero hindi pala, nasa hospital pala talaga siya. At hindi man lang siya nagsabi na may panibago na namang problema.

"'Yong tunay na Papa ni Tita, siya ba may gawa no'ng pananakot sa atin? Pati ba 'yan?" Ang pasa niya sa mukha ang tinutukoy ko.

Nasapo ni Mama ang noo dahil sa naging tanong ko. Alam ko nang wala siyang balak sumagot pero nagbaka-sakali pa rin ako na baka may makuha maski kay Tito Morgan.

HIM & I [SEASON 4] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon