🏰GLYDEL🏰
Kumagat na ang dilim, pero narito pa rin ako sa labas. Mararamdaman na ang lamig sa paligid, pero hindi ko magawang pumasok sa loob. Nahihiya na talaga akong bumalik do'n. Ayaw ko na ring makitulog kay Tío, dahil sa naging usapan namin. Kung tatakas naman ako ay baka lalo lang madagdagan ang kasalanan ko.
Ayaw ko nang gumawa ng kahit ano'ng ikagagalit ni Papá. Siya na lang ang kakampi ko rito, dahil si Tío parang may sama rin ng loob sa akin, pero hindi lang sinasabi. Si Alex malamang ay gano'n din. At ngayong mukhang okay na sila ni Ate, hindi ko na alam kung ano'ng mangyayari sa akin.
Marahil ay tapos na nga talaga ang maliligayang araw ko. Siguro kailangan ko na talagang tanggapin ang katotohanang mag-isa na lang talaga ako. Ngayon ko naaalala ang sinabi ni Tío tungkol sa pagpapamilya.
Tama siya, dapat nag-anak pa nga ako. Dapat nagpamilya ako, para may kakampi sa akin o maski iintindi man lang sa kamalian ko. Dapat nag-asawa ako, para naman hindi ako nagmumukhang matandang gurang na walang nagmamahal dito. Mukhang puro kapalpakan lang ang ambag ko.
Maling-mali talaga...
Isa akong malaking kahihiyan sa pamilya. Kaya kung makikita lang ako nila Mama, malamang ay ikakahiya ulit nila ako. Siguro noon pa lang alam na nilang wala akong mararating, kaya hindi na sila nag-abalang pangaralan ako dahil hindi nga naman ako nagtatanda.
Wala akong kuwentang tao...
Tao nga ba akong maituturing?
Kanina ko pa iniisip lahat ng kasalanan ko mula no'ng bata pa ako. Sa murang edad ay nakapatay ako ng hindi lang basta tao, maraming tao. Hindi ko alam kung maituturing na ba akong makasalanan no'n, pero oo siguro—kasi grabe ang karma ko. Bumalik sa akin nang triple ang sakit na tinatawanan ko lang noon.
Sadyang dati pa ay matigas na ang bungo ko. Wala talagang aasahang tibay sa akin. Kaya nga siguro ako binawian agad ng anak, dahil alam ng nasa taas na wala akong kuwenta, na puro kasamaan lang ang ituturo ko sa iba.
Hindi ko mapigilan ang maluha, dahil nahihiya ako sa sarili ko. Ang tanda-tanda ko na pero wala akong pinagkakatandaan. Naturingang mayaman, pero walang silbi. Ni wala nga akong impluwensiyang maganda sa iba, kita naman 'yon kay Alex. Lumaki tuloy na balasubas ang Nguso ko.
Sayang...
"Mamaw?"
Napatayo ako nang marinig ko ang boses ni Alex. Talagang napakunot ang noo ko nang makita ko si Alex na nakapanlamig at tila tuwang-tuwa na makita ako.
"Nakita ko si Mamaw!" pakanta niyang sabi at halos magsasayaw na naman sa sobrang saya. Nakatingin siya sa kabilang banda na para bang naghahantay ng kasama.
"Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Ikaw nga dapat tanungin ng ganiyan eh. Lagot ka kay Lolow, kanina ka pa niya hinahanap."
Imbes na kumustahin ay tinakot niya pa ako. Lalapit sana ako sa kaniya nang bigla siyang manakbo. Sinalubong niya ng yakap ang Mama niya.
Nakakunot ang noo ni Hermana habang nakamasid sa akin. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kaniya, kaya mas pinili ko na lang na manahimik.
"Dalian mo," aniya sabay talikod mula sa akin. Inayos niya ang pandong ni Alex at inikay ito pabalik sa pinanggalingan nila.
Ang mga kasunod nilang bodyguard ang naghantay sa akin at hindi umalis sa tabi ko hangga't hindi ako kumikilos. Kakamot-kamot ako, dahil hindi ko na naman alam kung ano ang sasabihin ko sakaling guisahin na naman ako. Pihadong mayayari na naman ako nito kay Tanda.
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 4]
Ficção GeralContinuation of Him & I STARTED: 07/21/22 COMPLETED: