🏰CLARISSA🏰
Nitong mga nakalipas na araw ay maganda naman ang mood ng mga tao, kahit na paminsan-minsan ay hindi maiiwasan ang ilangan. Nando'n pa rin ang tensiyon, pero hindi na kapareho no'ng una.
Nakikisama na rin sa amin si Alex, kaya hindi na masiyadong mainit ang ulo ni Mamá. Madalas silang magkasama nitong nakaraan—literal na hindi mo mapaghiwalay.
Masaya akong makita silang nasusulit ang mga araw na hindi sila magkasama. Kaya nga kahit wala na siyang oras sa akin ay ayos lang, siya naman kasi ang tunay na anak at hindi naman ako. Bukod pa ro'n, matagal nga silang hindi magkasama—'yon na lang ang iniisip ko.
Nakakaramdam ako ng kakaibang lungkot na hindi ko maipaliwanag kung saan nagmumula. Siguro kasi ay dahil wala nang pumapansin sa akin dito ngayon. Si Abuelo at Lolo ay abala sa negosyo nila. Si Mamá naman ay kay Alex, at si Glydel..? Mayro'n siyang sariling mundo, kaya wala akong paki sa kaniya at gano'n din siya sa akin.
Gusto ko mang puntahan ang mga kasama ko sa grupo ay hindi ko makagawa, dahil alam kong hindi na 'ko papayagan ni Abuelo na lumabas lalo pa't may banta rin sa buhay ko. Hindi ko rin sila magawang tawagan, dahil bawal din. Naiintindihan ko rin na para 'yon sa seguridad ng pamilya namin.
"Ano bang magandang gawin, Umbag?" tanong ko sa aso na wala namang kamalay-malay. Hindi ko na siya masiyadong binibigyan ng pagkain, dahil masama sa kaniya ang kain nang kain.
Dahil wala akong makausap ay natutunan kong makipag-usap sa hayop. Ewan ko ba, hindi naman siya sumasagot pero parang naiintindihan ko siya. Makikita mo sa galaw niya ang reply niya sa mga sinasabi ko. Kapag nalulungkot ako, kumakandong siya sa akin at nagpapalambing. "Gutom ka na?" Agad siyang nagtatahol. "Kakakain mo lang ah?"
Natawa ako nang makita kong tila nalungkot siya. Talagang parang tao siya minsan kung makaasta, at 'yon ang dahilan kung bakit ako natutuwa sa kaniya.
Napalingon ako sa pinto, dahil sa sunod-sunod na malalakas na katok doon. "Sandali..." sabi ko, dahil tila nagmamadali ang nasa labas.
"Open... sesame!"
"Akala ko naman kung ano na," inis kong sabi, dahil gulat na gulat ako. Pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto ay sumigaw na siya.
"Surprise," dagdag pa niya. "Umbag surprise!" Pumasok siya kaagad sa kuwarto ko at kinarga ang aso niya. Iniangat niya pa sa ere, kaya takot na takot ang alaga niya.
"Hoy, kakakain lang niyan."
"Na-miss mo ako?" Napangiwi ako nang paghahalikan niya ito. "Ako, hindi kita na-miss kasi pangit ka eh."
"Ba't ka pala nandito?"
"Mag-e-exchange gift tayo. Si Umbag muna sa akin, tapos si Mama raw muna sasama sa 'yo."
Napakurap ako, bago bumalik sa ulirat. "Okay lang sa 'yo?"
"Oo naman," nakangiti niyang sagot. "Nami-miss ko na rin kasi si Umbag." Nagsimula na niyang ihele ang alagang aso. "Punta ka na raw do'n. Wine-wait ka ni Mama. Nami-miss ka na rin no'n, kahit pangit ka." Tinawanan niya ako, pero hinayaan ko na lang. Pakanta-kanta pa siyang lumabas ng kuwarto ko bitbit si Umbag.
Sumunod na rin ako at hinanap si Mamá. Ang babaeng 'yon, hindi man lang sa akin sinabi kung nasaan eksakto, basta puntahan ko lang daw.
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 4]
General FictionContinuation of Him & I STARTED: 07/21/22 COMPLETED: