Jai
Mga imahe ng nakaraan. Kasabay nito ay mga boses na sabay-sabay na bumubulong sa hangin na parang bang may ibig iparating ngunit hindi ko labis na maintindihan. Mabibingi na ako sa pag-alingawngaw ng mga boses sa isipan ko hanggang sa napasigaw ako.
Bumalik ang aking malay at ako'y bumagsak sa lupa na parang bang galing ako sa ere. Habol ko ang aking hininga habang inaalalayan ako ni Lino. "Ayos ka lang ba?" kaagad niyang tanong sa akin.
Sasagot na sana ako ngunit naagaw ang aming atensyon nang bumagsak rin sa lupa si Chonsela. Kahit nanghihina'y pinilit kong lumapit kay Chonsela at nadatnan naming siyang nawalan ng malay.
Tumayo naman sa harap ko si Lino at tinutukan ng patalim si Grietta. "Pinaglalaruan mo lang ata kami," may halong galit na sabi niya sa binibini.
"Darating na ang araw, Ginoo. Magwawakas rin ang pinagsimulan ng lahat," walang emosyong binitaw ni Grietta ngunit pansin naming nag-iba ang kulay ng mga mata niya. Malakas ang kutob kong hindi na si Grietta ang kaharap namin.
Dumako ang kanyang tingin sa akin. "Maghanda ka na sa paparating na delubyo dala ng iyong kapangyarihan, Mahal na Hari," sabi niya na siyang napakaba sa akin. "Hindi na ako magtatagal pa, ngunit ako'y gagabay pa rin sa iyo patungo sa iyong paroroonan. Pakinggan mo lang ako, Ave Fénix."
Iyon na huling sambit niya bago siya bumagsak rin sa lupa. Tila hindi maproseso ng aking isipan ang lahat ngunit mabuti't andito ang aking mga kaibigan upang tulungan ako sa kung anumang kababalaghan na nangyayari ngayon.
Nasa isang silid na kami at inaantay na magising ang dalawa. Kinakamusta rin nila ako ngunit bumuti na ang pakiramdam ko. Sadyang may mabigat sa aking kalooban pagkatapos ng aking narinig kanina.
Nasabi rin ng tatlo na wala silang narinig na kahit anuman kay Grietta kanina pagkatapos bumagsak si Chonsela. Nalilito talaga ako sa nangyayari.
Biglang nagising si Chonsela at hingal na hingal. Pinakalma naman siya ni Leia at mabuti naman ay huminahon siya. Pinagpapawisan pa siya na parang bang binabangungot siya sa kalagitnaan ng kanyang mahimbing na tulog.
"Kamahalan," panimula niya. "Isang propesiya. Isang propesiya ang nakita ko."
Dumako ang tingin niya sa akin. "Ang mga alahas."
Sa kanyang binanggit ay may namuong kaba sa aking kalooban. Napahawak pa sa kanyang sentido si Chonsela. Sinusubukan pa ata niyang inintidihin ang kanyang nakita.
"Kaguluhan."
Isang salita lamang ang kanyang binitaw ngunit pinatahimik nito ang lahat ng nasa silid. Nagsipagtinginan lang kami ngunit nag-abang pa kami sa susunod na sasabihin niya.
"Ang kaguluhan noon, mauulit ngayon at magpakailanman," dagdag niya.
"Ano ang kinalaman ng mga Alahas nito?" naitanong ko sa kanya.
Nagdadalawang-isip pa siyang sabihin ang nalalaman niya. Tila palinga-linga siya sa paligid at tuluyan niyang napansin na ang atensyon namin ay nasa kanya lamang, bago pa dumako muli ang kanyang paningin sa akin.
Bago pa man siya magkapagsalita ay bumangon sa kabilang kama si Grietta. "Hangga't buhay pa rin ang mga alahas, paulit-ulit na mangyayari ang madugong kahapon, Kamahalan," sabi niya.
Balak pa sana niyang lumapit ngunit tinutukan kaagad siya ni Lino ng patalim. "Manatili ka lamang sa iyong pwesto," utos niya.
"Lino, kumalma ka muna. Wala namang siyang masamang binabalak sa aking palagay," bulong ko sa kanya ngunit ayaw niya pa ring ibaba ang patalim.
"Baka nililinlang lang tayo nito, Mahal na Hari, sapagkat marami nang naging interesado sa inyong alahas mula umpisa pa lamang," katwiran niya.
Walang halong kaba ang mababakas sa mukha ng binibini. "Hindi ko na hawak ang kapangyarihan ng Aire Quimera ngunit nararamdaman ko ulit ang presenya niya na umaaligid sa akin. Kung kaya't sinasabi ko lang kung ano ang naririnig kong bumubulong sa hangin."
"Sa aking palagay, Kamahalan, may punto rin siya," ani ni Chonsela. "Kung iisipin kung sino ang puno't dulo ng mga digmaan sa nakalipas na mga taon—pasensya ngunit ikaw ang naiisip ko, Mahal na Hari."
Kumislap naman ang kwintas ko nang sinabi niya iyon.
"Simula umpisa pa lang, may dala nang panganib ang kwintas mo sa buhay mo, Kamahalan. Biyaya man sa ibang tagapaghawak ang kanilang alahas ngunit mayroong magdadala ng kamalasan ang isa sa mga ito," dagdag naman ni Grietta.
Parang akong pinana ng ilang beses nang mapagtanto ko lahat ng kanilang sinabi. Hindi ko maiwasang ang paninikip ng damdamin ko sa aking narinig mula sa kanila.
"Walang dalang panganib ang Mahal na Hari, sapagkat simula noong umupo siya bilang Hari ng kahariang ito ay wala man lang isang kaguluhang naganap dito at tila mas umusbong pa ang pamumuhay ng mga mamamayan dito," depensa ni Lino sa sinabi ng binibini.
"Kamahalan, 'wag kang kikinig sa kanya. Ramdam kong nililito lamang tayo ng isang it—"
Pinigilan ko na siyang magsalita. "Lino, pakiusap."
"Ngunit—"
"Pinunong Lino, inuutusan kitang sumunod sa akin."
Hindi nagtagal ay binaba niya ang patalim at naglakad palabas ng silid. Napabuntong-hininga na lamang ako sa kanyang inasta.
"Ano ang propesiya, Chonsela?" tanong ko sa kanya. Dumako ang paningin ko sa kanya ngunit siya makatingin ng diretso sa akin.
"Ang propesiya, Kamahalan: kaguluhan ang magaganap hangga't hindi pa nasisira ang apat na Banal na Alahas," sagot niya.
"Paano? Dalawa lamang ang naririto at hindi ko alam kung saan napadpad ang mga Alahas na hawak ni Eirob," sabi ko sa kanila. "Ni hindi ko alam kung buhay o sira na ang mga alahas—"
"Buhay ang mga alahas, Mahal na Hari," sabi naman ni Grietta at nagdadalawang-isip pa akong paniwalaan siya.
"Teka," singit ni Raphael. "Kung buhay ang dalawa pang mga alahas, ibig sabihin rin ba nito ay buhay rin ang mga tagapaghawak nito?"
"Posibleng oo," sagot niya na bumuhay sa aking kalooban ngunit saglit lang iyon ng may kasunod pa sa kanyang sinabi. "Posibleng ring hindi."
Ibig sabihin, may posiblidad na buhay pa rin ang kakambal ko o 'di kaya si Xandrus. Ngunit, hangga't hindi ako naliliwanagan sa nangyari, natatakot akong aasa ako sa wala at pangambang hindi ko na makikita pa si Xandrus.
"Saan natin sila mahahanap? Saan ba sila dinala ng mga Alahas? Paano natin mahahanap ang mga Alahas kung wala tayong ideya kung saan sila dinala ng mga alahas?" sunod-sunod kong katanungan sa kanya.
Dumako ang kanyang tingin sa nakabukas na bintana. "Hindi natin malalaman ang tiyak na sagot sa inyong mga katanungan, ngunit kung hindi ka kikilos sa lalong madaling panahon, babangon muli sa hukay ang kadiliman at magtatangkang muling maghasik ng kasamaan sa sankalupaan ng Titania."
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...