Kabanata XXIII

38 2 0
                                    


Isang kay tahimik na ang gabi ang bumalot sa Kaharian ng Silangang Serentos, habang sumisikat ang buwan sa kalangitan kasama ang nagniningning na mga bituin. Mahimbing na ang tulog ng lahat ng mga taumbayan at ng mga nasa Palasyo. Isang ordinaryong gabi lamang ito sa lahat, maliban na lamang sa tagapayo ng Hari.

Dulot ng mga nakita niya, siya'y napabalikwas sa kanyang higaan, at hinahabol ang sariling hininga. Sinusubukan pa niyang intindihin ang lahat, hanggang sa naging malinaw sa kanya ang mga tagpuan sa kanyang isipan. At iisa lamang ang ibig sabihin ng kanyang mga nakita.

Nasa panganib ang Haring Jai.

Ang pag-ahon ng mga malalaking nilalang. Ang pag-atake ng mga mababangis na sirena. At, ang bagsik ng kalangitan at karagatan.

Lahat ng iyon ay nakita niya sa iisang panaginip na siyang imposibleng paniwalaan para sa kanya, ngunit malakas ang kutob niyang totoo ang mga nakita niya. Mahirap sa kanyang sitwasyon gayong hindi niya makumpirma ang lahat.

Sa kanyang silid, mapapansin na may mga nagkalat na mga papel na may guhit na gawa niya. Lingid sa kaalaman ng lahat na may natatangi siyang galing sa pagguhit, at paminsan-minsan, ginagamit niya ito sa tuwing may nakikita siyang mga pangitain, maganda man o 'di kaaya-aya.

Kaya naman, kaagad siyang kumuha ng kanyang kwaderno at iginuhit ang lahat ng pangitain. Kasabay ng iyon ay sumibol ang hangin na siyang tumatangay sa mga kurtina ng kanyang silid. Hindi siya mapakali sa bawat pagguhit niya sa papel, ngunit sa kabila ng panginginig ng kanyang kamay ay malinaw ang mga tagpuang naguguhit niya.

Nang matapos ay kanyang pinagmasdan ang mga naguhit niya na kaagad niyang sinara't nilayo. Napasapo na lamang siya nang maiguhit niya na tinangay ng isang ipu-ipo ang Haring Jai. Dinarasal niyang hindi sana totoo ang lahat ng iyon, gayong hindi matitiis ang lahat ng ito na itago mula kay Haring Lino.

Alam niyang hanggang ngayon ay nag-aalala pa rin ang kasalukuyang Hari sa kalagayan ng kanyang minamahal, ngunit sa tuwing, may gusto na siyang ipaalam kay Haring Lino ay pinapaalala naman siya ng pangako niya kay Haring Jai. Doon niya mapagtanto na mahirap maiipit sa gitna ng magkasintahan.

Wala rin naman siyang ibang magagawa. Minsan, iniiisip niyang sana iba na lamang ang kakayahang taglay niya dahil hindi niya matitiis na ang mga bagay na nakikita niya na siya lamang nakakakita. Malaki man ang kanyang naiambag sa Palasyo, ngunit habang palala ng palala ang sitwasyon, nagsisimula muli siyang panliliitan ang sarili.

"Tama ba itong ginagawa ko?" kanyang katanungan sa sarili at parang bang inaantay niyang may magsasagot nito.

Tanging bulong lamang ng hangin ang kanyang narinig sa gitna ng katahimikan ng gabi, habang yakap-yakap niya ang sarili.

Hindi niya maitatangging nananabik rin siya kay Haring Jai, gayong siya ang rason kung bakit nasa Palasyo siya't naglilingkod bilang tagapayo't kaliwang kanan ng Hari. Noon pama'y hindi niya makita ang halaga ng kanyang sarili hanggang sa pinili siya ni Haring Jai. Nakaukit na sa kanyang mga alaala ang sinabi ng Hari na may nakita siyang espesyal sa kanya kaya't siya ang pinili. Bagama't wala siyang kumpyansa, iyon naman ang unang pagkakataon na pinaramdam sa kanya na may halaga siya.

Sa loob ng ilang taong paglilingkod niya, hindi niya naramdamang pinagsasamantalahan siya, gayong tinatrato na rin siyang parang kapatid ng Hari. Hindi lang iyon, dahil pinaramdam rin ng Hari na parte ng isang pamilya ang buong tauhan ng Palasyo. Doon niya mas napagtantong may busilak na puso ang Hari na siyang dahilan kung bakit siya ang naging daan sa kapayapaan at pagkakaisa ng taumbayan ng Kaharian, sa kabila ng mapait na nakaraan ng kanyang pamilya.

Saksi rin siya sa mga panahong inuuna talaga ng Haring Jai ang kapakanan ng lahat bago ang kanyang sarili. Kaya naman, lagi niya itong pinapayuhan na magpahinga, kumain sa tamang oras, at maglibang, ngunit paminsan-minsan, hindi na siyang pinapakinggan nito dahil pursigidong tapusin ng Hari ang tambak na gawain sa tamang panahon.

Hindi naman siya magtataka kung may mahuhulog na kalooban sa kanya, gayong isang mabuting ehemplo ang Hari sa lahat. Matagal na niya ring alam na may gusto ang punong-kawal sa Hari dahil sa napapansin niyang mga nakaw na tingin ni Lino sa Hari. Sa pagkakaalam niya, dati nang nagkita ang dalawa nang dinakip ng grupo ni Lino si Haring Jai. Iniisip niya na si Haring Jai ang dahilan kung bakit nabihag si Lino sa kanya, at tinalikuran ang sarili niyang angkan.

Noong nalaman niyang galing sa isang masamang grupo si Lino, may kaunting takot pa siya sa kanya at dahil na rin sa walang ka emo-emosyon nitong mukha. Lumipas naman ang panahon at mas nakilala pa niya si Lino at napagtantong parehas lang din ng sitwasyon: pinaramdam rin ni Haring Jai na may halaga si Lino at may natatangi siyang kakayahan na si Jai lamang na nakakapansin.

Medyo nagulat nga lamang siya noong nagpasya silang magpakasal sa gitna ng masamang panahon. Sa tingin niya'y sobrang aga pa para magkaisang-loob sila ngunit napagtanto niyang iyon na rin ang tanging paraan upang hindi mapapabayaan ang Kaharian habang maglalakbay ang Haring Jai.

Naguguluhan man siya sa dapat niyang pagpasyahan, ngunit ayaw rin niyang magkagulo ang lahat kung isisiwalat niya ang lahat ng mga pangitaing nakita niya kay Haring Lino.

Kinuha niya muli ang kanyang kwaderno at pinagmasdan ang mga huling pahina ng mga iginuhit niya.

Binuklat niya ang isang bakanteng pahina at gumuhit. Gusto niyang mabuhay ang Hari. Hinihiling niya na sana'y magtagumpay silang lahat sa kanilang misyon. Handa siyang magdarasal araw-araw, dinggin lamang siya ng Diyos ng Titania na protektahan ang lahat at ilayo sa kapahamakan.

Doon sa kanyang kwaderno, kanyang iginuhit ang isang tanawin na hindi pamilyar sa kanya ngunit naiisip niyang isa itong malaparaisong isla na kailanma'y 'di pa naaabot ng kahit ninuman. At, sa baybayin nito, iginuhit niya ang Haring Jai na nakatayo, buhay na buhay at handa ulit sumabak sa mga hamon ng kanyang kapalaran.

"Mabuhay ka, Haring Jai. Mabuhay ka."

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon