Kabanata L

49 4 0
                                    


Tila hinayaan na lamang ni Jai na hilahin siya ng misteryosong pwersa sa kung saan man siya nito dadalhin. Pinanood niya ang sarili na tumagos sa mga tao't pader na parang bang kaluluwa na lang na pagala-gala. Bigla namang bumilis ang kanyang kilos, at sa isang iglap, nasa harapan na niya ang Palasyo ng Reino del Agua. Bantay-sarado ang paligid nito, ngunit hindi na ito ikinatataka pa't gayong minsan na nitong nilusob nina Jai at ngayo'y, nilulusob na ng mga taga-Agua ang karatig-reino.

Hindi pa rin siya pansin ng mga bantay, gayong hindi siya nito nakikita. Kinuha na niya ang pagkakataon na makapasok sa Palasyo.

Tumagos siya sa pintuan at parehas pa rin ang bumungad sa kanya—mga bantay. Batid niya ang higpit ng seguridad para sa Reina at Rei nito. Sa harapan niya'y isang engrandeng hagdan na biglang hahati sa dalawa patungo sa susunod na palapag. Sa itaas naman ay matatanaw ang malaking aranya na gawa sa yelo't krystal, habang bawat sulok ng paligid ay may palamuti't detalye na nakakaagaw rin ng pansin.

Ito na ata ang pinakamagarang Palasyo na napasukan niya sa apat ng Reino, ngunit sa kabila nito ay hindi niya gusto ang pakikitungo ng Reina dito. "Naalala ko sa kanya si Reyna Valentina," anya.

Nakaramdam ulit siya ng pwersa kaya't sinundan niya ito. Lumutang siya sa ere hanggang sa dinala siya ng hangin sa tapat ng isang pinto. Doon ay nakarinig na siya ng boses, at nakikilala niya ito. Tumagos siya sa pinto at nadatnan niyang nagtatalo si Xandrus at ang Reina ng mga taga-Agua.

"Kailanma'y hindi ako naghangad na manira ng karatig-Reino, Naida," diin ni Xenos sa Reina.

"Ngunit sila ang nagsimula at muntik pang mapahawak ang ating anak dahil sa mga invasor na iyon," pangangatwiran ni Reina Naida. "Ito ang kinatatakutan ko, Xenos. Dumating na ang araw na babalik sa kanila ang biyaya ng mga Alagad ng Diyos at manganganib ulit ang Reino del Agua."

Humakbang naman palapit ang Reina kay Xenos. "Ibinigay mo ba sa kanila ang Pulseras?" tanong niya.

Nangamba si Jai sa naging direksyon ng pag-uusap ng dalawa. Nalalagay na rin sa kapahamakan ang buhay ni Xandrus dahil sa kanya.

Napamewang si Xenos sa kanyang narinig. "Sa tingin mo, ba't ko iyon gagawin?"

"Dahil nililinlang ka nila. Ginagawa nila ang lahat upang makuha ka nila mula sa akin," biglang pag-amo ng Reina na kani-kanina lamang ay napakabalisa.

Itinaas ni Xenos ang manggas mula sa kanyang pulsuhan at ipinakita ang Pulseras na suot niya.

Nagtaka naman si Jai dahil suot rin niya ang Pulseras. Halos pareho ito sa suot ni Xenos.

Ibinaba ni Xenos ang manggas matapos ipakita sa Reina. "Hinding-hindi kita pagtatraydoran, Naida. Pero sana naman, makinig ka sa akin alang-alang sa kapamahakan ng ating Reino. Iniipit mo ang lahat sa kaguluhan," wika niya saka ito iniwan ang Reina sa sala.

Napansin ni Jai ang pagkuyom ng kamay ng Reina. "Hindi ko iniipit ang lahat sa kaguluhan; bagkus, prinoprotektahan ko lamang ang ating Reino," sambit ni Reina Naida.

Dahil sa pag-uusap ng dalawa, may mga bagay na napagtanto si Jai. Iniisip niyang walang kontrol si Xandrus sa nangyayari ngayon at desisyon ito ng Reina Naida. At isa pa, hindi mangyayari ang kaguluhang ito kung hindi nila nilusob ang Reino del Agua para hanapin si Xandrus.

Hindi niya masisisi kung maghahasik ng ganti ang Reina.

"Ngunit, ang mali dito ay ang pagtago ng Reina sa Pulseras ng Aire Quimera," kanyang sabi sa kanyang isipan.

Kita naman niya ang Reina na hawak-hawak ang suot niyang kwintas at kumislap bigla ang bato nito. Iyon ang kwintas na minsang sinuot ng kanyang kapatid.

Nilapitan ni Jai ang Reina at sinubukan abutin ang kwintas. Nang dumapo ang kanyang hintuturo sa bato ay sunod-sunod nagpakita sa kanyang isipan ang mga imahe ng nakaraan. Nakita niya ang panahong magkasama pa sila ni Xandrus, at ang mga panahong kaharap niya ang kanyang kapatid.

Naghalo-halo ang lahat ng iyon sa kanyang isipan, hanggang sa lumayo na ang kanyang daliri sa kwintas at tumagos siya sa Reina. Dito ay nakapansin ng kakaiba ang Reina Naida sa kanyang paligid.

Bago pa man makumpas ng Reina ang kanyang kamay sa gawi ni Jai ay lumayo na ito sa kinatatayuan niya at nagpunta sa gilid. Doon ay nasaksihan ni Jai ay biglang pagtapon ng tubig sa puwesto niya kanina. "Magpakita ka," wika ng Reina habang sinusubukan niyang matunton si Jai.

Bigla namang bumalik si Xenos sa sala. "Anong nangyayari?" nagtataka niyang tanong.

"May umaaligid nang pasikreto. Ramdam ko ang presensya ng isang invasor," anya at bumalik muli ang pagkabalisa niya.

Ikinumpas niya muli ang kanyang kamay at muntikang matamaan si Jai. Nakailag ito at nag-iisip pa ng paraan upang maagaw ang kwintas mula sa Reina.

"Naida, tumigil ka na. Baka pinaglalaruan ka lamang ng iyong isipan," pagpigil ni Xenos.

Tila walang narinig ang Reina mula kay Xenos at sa muli nitong pag-angat ng kamay ay umahon mula sa sahig ang mga matutulis na yelo. Pinaglalaruan niya ito sa ere, habang iginagala ang tingin sa paligid sa loob ng silid. "Hindi magtatagal, magpapakita ka rin," sambit niya.

Mula sa likod ay sinubukan muli ni Jai na mahablot ang kwintas ngunit tumagas lamang ang kanyang kamay. Doon ay biglang lumipad ang mga matutulis na yelo sa kanyang gawi.

Lumipad muli si Jai sa kabilang sulok, ngunit sa oras na iyon, nasusundan na siya ng tingin ni Reina Naida. "Akala mo ba'y hindi ko nararamdaman ang bawat kilos mo, invasor?"

Nag-angat muli ito ng mga yelo, saka nagsalita muli. "Kung hindi magpapakita, pwes gagawa ako ng paraan upang magpakita ka."

Imbes sa direksyon ni Jai na nakatutok ang mga yelo, sa direksyon ito ni Xenos papunta. Nang makita niya ang pagngisi ng Reina, kumilos kaagad ito.

Nang nagsiliparan ang mga yelo, sumulpot siya sa harap ni Xenos. Dito ay nagawa niyang pigilan ang pagbulusok nito. Isang pwersa ng hangin ang tumapat na siyang bumasag sa mga yelo.

"Ikaw na naman," asik ng Reina nang makita muli si Jai.

Pansin naman ng Reina na suot na nito ang Pulseras ng Aire Quimera nang kumislap ito. "Hindi maaari—"

Lumingon siya kay Xenos at hawak na nito ang kanilang anak. "Pasensya na, Naida."

Hindi alam ni Reina Naida ang mararamdaman niya sa mga oras na iyon: galit, poot, at paghihinagpis. Trinaydor siya ng sariling Rei ng kanilang Reino. "Sinungaling ka..." panginginig niya dahil sa bugso ng damdamin.

"Traydor ka. Wala ka ngang pinagkaiba sa mga invasor," sabi niya at biglang umahon sa sahig ang tubig. "Pagbabayaran mo ito."

Bumulusok ang tubig patungo sa kanila. Hindi ito tinigil ni Reina Naida hanggang sa napasigaw na ito. Dahil sa kanyang ginawa ay nasira ang pader at tumagos ang tubig. Doon niya napagtanto na nawala na sila.

Nakatakas ang invasor kasama ang kanyang asawa at anak.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon