Kabanata LIV

46 4 0
                                    


Narating ng tatlong tagahawak at ng mga kasama nila ang mga dalampasigan ng Reino del Agua, ngunit pagkatapos ng mga ahas ay mga kawal ni Reina Naida naman ang kanilang haharapin.

Sinalubong nila ang mga atake ng mga kawal at tuluyang nalipat doon ang tensyon ng mga Reino. Kanya-kanyang diskubre ng mga kakayahan ang mga bagong tagahawak, kahit hindi nila ito magawang makontrol nang husto, tulad ni Jai.

Binibigyan naman sila ng oras ng mga invasor na makabawi ng lakas at sila muna humarap sa mga kalaban.

Hindi sila tumigil hanggang sa nakalagpas na sila sa dalampasigan at nakarating sa unang bayan. Ang mga residenteng taga-Agua ay nagsipaglikasan dahil sa paglusob, habang patuloy na pinipigilan ng mga kawal ang pag-abante ng grupo ng tatlong Reino.

Ngunit, kahit malakas ang pwersa ng mga kawal, hindi nila magawang patumbahin ang pwersa ng tatlong Reino. Ilang bayan na rin ang kanilang narating, hanggang sa umabot na sila sa sentro ng isla.

Tila humina na rin ang pwersa ng mga taga-Agua at ngayo'y wala nang sumalubong sa kanila sa sentro bukod sa malamig na simoy na hangin. Mula sa kanilang kinatatayuan ay natanaw nila ang Palasyo sa tutok ng bundok, ngunit umagaw naman sa kanilang atensyon ang pamilyar na bulto na sumulpot sa kanilang harapan.

"Jai?" tawag ni Leia sa kanya.

Kaagad siyang nilapitan ng kanyang mga kaibigan at kinamusta. "Anong nangyari sa'yo? Nasaan ang Reina?" sunod-sunod na tanong ng Sadhaka.

Binuksan ni Jai ang kanyang palad at doon ay nakita nilang hawak na pala niya ang kwintas ng Agua Dragua. "Nakuha ko na ang huling Banal na Alahas. Ituloy na natin ang ating plano," kanyang wika at lumingon sa tatlong tagahawak.

Unang lumapit ay si Danaia na hindi nagdalawang-isip na isuko ang Hikaw ng Tierra Tortuga. Naramdaman ng taga-Tierra ang pag-alis ng enerhiya ng Tierra Tortuga sa kanyang katawan at bumalik lahat sa Banal na Alahas.

Sunod namang lumapit ay si Hulian, at hinubad nito ang Pulseras ng Aire Quimera. Gano'n din ang nangyari sa kanya. Nawala ang presensya ng Aire Quimera sa kanyang katawan at bumalik sa Pulseras, saka binigay kay Jai.

Lahat na napalingon kay Fidel, na siyang may suot ng kwintas na minsang sinuot ni Jai, ngunit mababakas sa mukha nito ang pagdadalawang-isip.

"Fidel," tawag sa kanya ni Danaia. "Ibigay mo na ang kwintas. Kailangan na nating ituloy ang ating plano."

Nakatingin lamang ang taga-Fuego sa kanila, hanggang sa umatras ito. "Ayaw ng Ave Fenix."

Hindi ito nagustuhan ng mga kaibigan ni Jai. "Isa kang traydor," diin ni Raphael at naglabas na ng majika sa kanyang mga palad.

"Hindi niyo ako naiintindihan. Ayaw mismo ng Ave Fenix na sumuko—"

"Pinatunayan mo lamang na totoo ang kutob ko, Fidel," ani Leia. "Hindi nga mapagkakatiwalaan ang mga taga-Fuego."

Nagpunta naman ang kanyang kapatid sa kanyang tabi. "Mabuti't nagbago ang isip mo, mahal kong kapatid," sambit ni Foro at inakbayan si Fidel. "Napagtanto mo rin ang kahangalang plano nila."

Umabante si Jai mula sa mga kasama niya. "Ibigay mo sa akin ang Ave Fenix o mapipilitan akong kunin iyan mula sa 'yo," banta niya sa taga-Fuego.

Bilang tugon, isang pag-iling ang natanggap ni Jai mula sa kanya. "Hindi ako papayag," diin ni Fidel.

"Pasensya ka na. Kailangan ko nang gumamit ng dahas," wika ni Jai at sinuot ang mga Banal na Alahas na hawak niya.

Nagulat sina Leia sa ginawa ni Jai. "Jai, huwag! Delikadong gamitin ng pagsabay-sabay ang mga Alahas," sabi niya.

"Ayos lang ako," sagot niya. "Raphael. Leia. Ella. S'Norekko. Tulungan niyo akong patumbahin ang isang 'to," utos niya sa mga Sadhaka't sumugod papunta kay Fidel.

Kahit nag-aalala ang mga kasama ni Jai ay isinantabi muna nila ito at sumugod kay Fidel.

Nag-ipon naman ng pwersa si Fidel at pinakawala muna sa mga palad niya. Bumulusok sa mga kaibigan ni Jai ang mga bolang apoy at sa rami nito, nahirapan silang ilagin ang lahat ng iyon.

Kaagad ng nagkasunod ang ilang parte ng kasuotan nina Jai, ngunit hindi sila nagpatalo. Sabay-sabay silang umatake sa taga-Fuego, at sabay na ginamit ni Jai ang dalawang kapangyarihan: kinontrol niya ang mga golem at nagpakawala ng isang malakas na hampas ng hangin papunta sa kinatatayuan ni Fidel.

Sinubukang ilagin ni Fidel ang lahat ng iyon gamit ang isang harang, ngunit hindi iyon nagtagal at tuluyang nasira dahil sa sunod-sunod na tira nila. Tumilapon siya, ngunit nakabawi ulit ng lakas upang hindi matumba sa lupa.

Nang nakita niyang susugurin rin siya ng mga kawal ay inangat niya ang kanyang sarili sa ere. Hindi naman siya nakatakas mula kay Leia, Raphael, Ella, at Jai dahil marunong rin silang lumitaw sa ere.

Hindi nagtigil sa pagbitaw ng mga tira ang mga invasor patungo sa taga-Fuego, hanggang sa nakakuha si Jai ng pagkakataon na makapagbitaw muli ng isang malakas na pwersa.

Gumawa rin muli si Fidel ng isang harang bilang panangga sa pwersa mula kay Jai ngunit nabasag ito. Inulit ni Jai ang kanyang ginawa at nagbitaw pa ng dalawang malakas na pwersa.

Hindi makapaniwala ang ibang invasor sa kanyang ginawa dahil ramdam nila ang hindi birong lakas ng pwersa ng bawat binibitaw niya.

Nakagawa muli ng harang si Fidel ngunit nabasag pa rin ito. Sa kasunod na pwersa ay hindi na siya nagkaroon pa ng sapat na oras na makagawa ng harang at inilagan nalang niya ito. Ang hindi niya alam, may sasalubong na pwersa sa kanya mula sa kanyang likuran.

Napadaing si Fidel sa lakas ng tama't bumagsak sa lupa. Hindi naman maiwasang mag-alala si Danaia sa taga-Fuego dahil sa naging tensyon na nasasaksihan niya. Hadlang man si Fidel sa mga mata ng mga invasor, naging kasintahan rin niya ito at may puso pa rin ito sa kanya.

"Itigil niyo na! Nasasaktan na siya," kanyang pagpigil. "Kunin niyo na ang kwintas sa kanya."

"Traydor siya, Danaia. Nararapat lamang ito mga hadlang sa ating plano," diin ni Jai.

Bumaba ito kung saan bumagsak ang taga-Fuego. Duguan na ito't sugatan dahil sa lakas ng tama't pagbagsak niya. Hinawakan niya ang kwintas nang maigi, huwag lamang mahawakan ng invasor.

Inilahad ni Jai ang kanyang palad sa harap ng taga-Fuego. "Wala ka nang ibang magagawa kung 'di isuko ang Ave Fenix sa akin," aniya.

Lumuhod pa ito't lumapit sa tainga ni Fidel. "Kung ayaw mong mapahamak ang pinakamamahal mo," sambit ni Jai na hindi inaasahang marinig ni Fidel.

Itinulak ni Fidel si Jai at kaagad nagbitaw ng isang bolang apoy patungo sa kanya. Doon ay nasaksihan nilang lahat ang pagtagos ng tira niya sa katawan ni Jai. Napansin nilang nasa anyong tubig ang bulto ni Jai.

"Hindi ikaw si Jairovski Oclamidos!" sigaw ni Fidel na siyang ikinagulat na marinig ng lahat.

Tumawa lamang si Jai. "Nagpapatawa ka ba?"

"Kung ikaw nga si Jai, hinding-hindi ka dapat gagamit ng dalawa o higit pang kapangyarihan gayong delikado ito," katwiran ni Fidel.

Tila naguguluhan naman ang panig ng mga invasor at ng dalawang tagahawak.

"At isa pa, kung hawak mo nga ang kapangyarihan ng Agua Dragua, ba't hindi mo 'to magamit laban sa akin simula kanina?"

Nang marinig ng mga invasor ang tungkol rito, napagtanto nila ang ibig ipahiwatig ni Fidel.

"Hindi tunay ang hawak niyang Kwintas ng Agua Dragua," muling wika ni Fidel. "At hindi siya si Jai. Siya ang kapatid ni Jai."

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon