Kabanata V

83 8 0
                                    


Simula nang dumating ang dalaga mula Hilaga sa Kaharian ng Silangang Serentos dulot ng pwersa ng kanyang naging kapangyarihan, hindi na naging mapayapa ang mga araw't gabi ng Hari. Bagama't kay rami pang mga bagay ang kailangang asikasuhin ni Haring Jai, binabagabag siya ng kanyang kalooban kung ano ba ang susunod niyang hakbang gayong lumalakas ang loob niyang buhay pa si Xandrus kasama ang dalawa pang mga alahas. Habang abala siya kanyang mga tungkulin, pinatuloy niya ang dalaga habang ang kanyang mga kaibigan ay nagpatuloy na rin sa kanilang paglalakbay, umaasang may makalap silang mga impormasyon na makakatulong sa paghahanap nila sa kanilang nawawalang kaibigan.

Dalawang taon na ang nakalipas mula noong nawala si Xandrus, ngunit buo pa rin ang pananalig nilang makikita nila siyang buhay balang araw.

Makalipas ng mga araw ay naging abala naman ang Kaharian at ang mamamayan sa paparating na selebrasyon ng Araw ng Kapayapaan. Nagsisimula nang maglagay ng makukulay na mga palamuti ang taumbayan sa kani-kanilang lugar at tahanan. Pinalamutian na rin ang Palasyo na parang bang nabuhayan na rin sa wakas. Sapagkat may sapat na dami ng katulong na makakatapos sa pagpapalamuti, naisipan namang tumulong rito ang Hari.

Bukod kina Chonsela at Lino, malapit rin sa kaniyang kalooban ang tatlong katulong dito sa Palasyo.

Sa isang pasilyo, makikitang nasa isang akyatan ang Hari habang tinutulungan siya ng tatlong dalaga kung saan ilalagay ang palamuti. Sa tuwing nailalagay ng tama ng Hari ang palamuti ay nagsisipagpalakpakan naman ang tatlo sa baba. Ikinatutuwa naman ng Hari ang kanilang reaksyon.

"Konti pa, Haring Jai. Urong ka," sabi ni Treya, ang nakatatanda sa tatlo.

"Eto?" tanong niya habang itinataas ang isang makulay na tela.

"Konti pa," sabi naman ni Talya.

Dahan-dahang umurong ang Hari at dinikit ang dulo ng tela sa pader. Nagsipagpalakpakan ulit ang tatlo at dahan-dahang bumaba sa akyatan ang Hari. Nahuli naman sila ni Pinunong Lino na mukhang nainis sa natanaw niya. Sa pagmamadali ni Haring Jai na bumaba, hindi inaasahang madulas ang isang paa ng Hari sa isang baitang kaya nawalan siya ng balanse.

Napahiyaw ang tatlo nang matanaw ang Hari ngunit nang babagsak na ang Hari, kumilos kaagad si Pinunong Lino at aakma nang sasaluhin ang Hari. Nanatili lamang ang mga braso niya na bahagyang nakaangat ngunit bigla namang huminto sa ere ang Hari. Lumutang siya ay dahan-dahang bumaba hanggang sa narating niya ang sahig.

Nagkatinginan lang silang dalawa, habang parang bang matatawa na ang tatlong dalaga sa gilid. Halatang namangha ang Pinuno ng mga kawal sa ginawa ni Jai, ngunit nang binalik niya ang kanyang malay ay binaba niya ang mga braso niya at tinapunan ng matalim na tingin ang tatlo.

"Bakit ang Hari pa ang nag-aayos dito? Hindi ba kayo nahihiya sa ginagawa niyo?" sinubukang maging maawtoridad ni Pinunong Lino.

"Lino, hayaan mo na kami dito. Do'n ka na sa labas maghasik ng kasamaan," pabirong utos ng Hari sa kanya.

Walang magawa ang Pinuno kung 'di sumunod. "Lagot kayo sa 'kin," pabulong niyang banta sa tatlo bago tumalikod at lumabas ng pasilyo.

"Panira talaga 'tong si Pinunong Lino," pagbasag ng katahimikan ni Teli. "Buti na lang pogi kaya hindi ko kayang sumama ang loob ko sa kanya—"

"Ayan ka na naman sa kaharutan mo, Teli. Wala ka nang ibang inisip kung 'di harot nang harot. Muntik na ngang madisgrasya ang Hari!" sabi ni Talya na ikinatawa lang ng Hari.

"Maayos lang ako, 'wag niyo 'kong aalahanin. Tsaka wala rin naman akong magawa ngayong araw kaya dito ko lang uubusin ang oras ko kaysa magmukmok sa kwarto," ani ng Hari. "Wag niyo masyadong isipin 'yong pamamanta ng Pinuno. Ako na bahala sa kanya."

Nagpatuloy lamang sila sa kanilang ginagawa. Sa labas naman ng Palasyo, makikitang masungit na naglalakad papuntang Barrio La Trinidana ang Pinunong Lino habang bumubulong sa inis. Hindi rin niya nagawang pansinin ang mga tao na abala rin sa pagpapalamuti.

Doon sana siya sa isang taberna ng alak tutuloy ngunit naagaw ang kanyang pansin nang may pinapaligiran ang mga tao. Lumapit siya rito at natanaw niya ang dating tagahawak ng Banal na Alahas. Kasama niya sa isang mesa isang tagarito lamang at bigla siyang umalis sa mesa na tuwang-tawa. Pagkatapos niya ay isang babae ang pumalit at naglagay ng salapi sa mesa na tinanggap ng dalaga.

Nagtaka naman si Pinunong Lino. Sa kagustuhang malaman ang nangyayari rito ay nakinig siya sa usapan ng nasa harapan niya.

"Ano ang meron dito?"

"Nakikita raw niya ang kapalaran ng isang tao."

Sa narinig ng Pinuno ay naging interesado siyang lapitan ang dalaga. Inantay niyang matapos sa pag-uusap ang dalaga at ang babae saka siya humakbang patungo sa mesa. Naagaw naman niya ang atensyon ng mga tao dahil sa kanyang presensya.

"Batid kong pineperahan mo ang taumbayan sa panlilinlang mo rito, binibini," bati niya sa dalaga.

"Ako'y nalulungkot sa iyong kapalaran, Pinunong Lino," sabi naman ni Grietta.

"Mas mabuti pa't ihinto mo ito kung 'di ipapaalis kita rito," banta niya ngunit nabatid niyang walang pakialam ang dalaga rito at nagpatuloy sa kanyang ginawa.

Hinawakan ng dalaga ang kanyang kamay at tila bumubulong sa hangin. Ilang beses siyang tumahimik at bumubulong hanggang sa dumilat ito.

Tila may ibang naramdaman ang Pinuno nang nagkatagpo ang kanilang mga tingin. Nabighani siya sa ganda ng kulay ng mga mata ng dalaga.

"Walang kahahantungan ang umuusbong mong nararamdaman para sa taong iyong minamahal. Iyan ang naririnig ko sa hangin," sabi ni Grietta ngunit tila hindi na nagulat pa ang Pinuno na marinig iyon.

Umalis siyang inis at dumiretso sa taberna ng mga alak. Mataas pa ang sikat ng araw ngunit napagdesisyunan niyang idaan na lamang sa alak ang kanyang sama ng loob.

Sumapit ang gabi at napansin ng Hari na wala pa si Pinunong Lino. Naitanong niya ang tungkol rito kay Chonsela. "Chonsela, nasaan na ba si Pinunong Lino? Kanina ko pa siya napapansin na wala ah. Naglakbay ba siya nang walang paalam?"

"Sa katunayan po, Kamahalan," aniya kahit nagdadalawang-isip pa siyang sabihin. "...Nasa kanyang kwarto na po siya. Nagpapahinga... siguro."

Naalala naman ng Hari ang nangyari kaninang umaga. Pakiramdam niya'y nagtatampo ata ang kanyang kanang-kamay. Nagpaalam naman siya kay Chonsela at lumihis ng daan patungo sa silid ng Pinuno.

Natatawa lamang ang Hari nang maalala ulit ang mukha ng Pinuno noong akala nilang tuluyan na siyang mahuhulog sa mga braso niya. "Nakalimutan niya atang may kakayahan akong lumutang," aniya.

Nakarating na siya sa tapat ng silid niya at aakma na sanang kakatok sa pinto, ngunit pansin niyang bahagya itong nakapihit kaya sinilip niya ang loob.

Hindi niya inaasahan ang kanyang nakita sa loob at napaatras na lamang siya. Hindi siya makapaniwala at bumalik na lang sa itaas. Naguguluhan siya sa kanyang nasaksihan pero hindi malayong hindi iyon mangyayari gayong alam niya sa sarili niyang hindi niya kayang magawa iyon kay Pinunong Lino.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon