Hindi na katulad nang dati ang ihip ng hangin.
Puno pa rin ng pagluluksa ang mga puso nila, habang inaakyat sa kubyerta ang mga labi ng kanilang kaibigan. Inisip ni Jai na sana'y siya na lamang ang inaakyat ni Raphael at S'Norekko sa frigata, ngunit nangyari na ang lahat. Wala na sa Philip.
Sisilip na ang sinag ng araw, at isa-isa na rin silang sumunod sa mga labi ni Philip sa kubyerta. Bawat isa sa kanila'y may dalang mabigat na damdamin, sapagkat hindi inaasahan na sa ganitong paraan tutungo ang kanilang tadhana rito.
Si Jai na lamang ang natitira sa ibaba. Sa kanyang kanan ay ang pinuno ng Reino de Tierra, at tulad nila, nagluluksa rin siya sa pagkawala ng kanilang kabigan. Humarap ang dating tapangalaga ng Ave Fenix kay Danaia, at isang ngiti ang sumilay sa mukha niya. "Utang namin ang aming buhay sa 'yo, Danaia."
Lumapit naman si Danaia at niyakap siya. "Utang rin namin sa'yo ang lahat. Dahil sa inyo, may kasiguraduhan na ang kinabukasan ng mga Reino," aniya at binitawan na nila ang isa't isa.
"Hinding-hindi ko na ba kayo makukumbinseng manatili pa?"
Umiling na si Jai. "Buo na ang aking desisyon, Danaia," kanyang sabi. "Sa muli nating pagkikita," paalam niya, saka siya umakyat sa kanilang frigata.
Pagkarating niya sa kubyerta, inalayan siya ni S'Akessiya. "Tayo'y lalayag na," kanyang utos bago siya hinatid sa kanyang silid.
Sa paggalaw ng frigata palayo sa dalampasigan, kumaway na si Danaia sa kanila, sabay dasal sa kanilang kaligtasan pauwi sa kalupaan ng Titania. Pinagmasdan niya kung paano hatiin ng frigata ang bawat alon na sumasalubong dito. Sa kanilang paglisan, mananabik ang taga-Tierra sa pagbabalik nila. Alam niyang hindi ito ang huling pagkakataon na magkikita sila ng mga invasor.
Nang makalayo na ang frigata, nilisan na rin ni Danaia ang dalampasigan. Nasagi naman ng kanyang paningin ang mga bangka mula sa Reino de Fuego, at patungo ang mga ito sa makakapal na ulap sa Reino del Agua. Isa lamang ang naiisip niya, ngunit gusto muna niyang makasigurado.
"Nasaan ang mga invasor?" isang boses ang kanyang narinig mula sa kanyang likuran.
Sa kanyang paglingon, bulto ng kapatid ni Fidel ang kanyang natanaw. "Foro," kanyang pagtawag sa kanyang pangalan. "Anong ginagawa mo rito?"
"Tinatanong kita kung nasaan ang mga invasor," wika ni Foro.
"Nasa inyo na ang Ave Fenix. Ano pa ang kailangan niyo sa kanila?"
Hindi nagustuhan ng taga-Fuego ang sagot ni Danaia. "Balita namin, pumanaw na ang tagapangalaga kaya't bumalik na sa amin ang Ave Fenix, ngunit batid naming may tinatago pa ang mga invasor sa amin."
Biglang nagliyab ang mga palad ni Foro. "Kung ayaw mo sasabihin kung nasaan sila, baka pagmamasdan mo ang Reino niyo na tutupukin ng apoy ng Ave Fenix."
"Magdahan-dahan ka, Foro. Baka bawiin muli ng Ave Fenix ang mga kapangyarihan niyo kung gagamitin niyo ito sa kasakiman," paalala ni Danaia, ngunit ayaw makinig ng taga-Fuego.
Bukod kay Foro, sumulpot rin ang mga kasamahan niya at pinalibutan ang nag-iisang pinuno ng Tierra. Hindi rin ito nagustuhan ni Danaia.
Sa pagkumpas ni Foro ng kanyang kamay, isang bolang apoy ang tumapon sa gawi ni Danaia. Isang usok ang lumamon sa taga-Tierra, at nang humupa ito, nawala na sa kanilang harapan ang binibini.
Dahil dito, nainis si Foro. "HANAPIN ANG BABAENG IYON AT ANG MGA INVASOR!"
Kasabay ng kanilang paglusob sa Reino del Agua ay siya ring pagsalakay nila sa lupain ng mga taga-Tierra. Nagdulot ito ng kaguluhan sa mga inosenteng mamamayan ng Reino de Tierra, at ilang minuto ang nakalipas ay nagkaroon ng pagsabog dito.
Sa kubyerta ng frigata, tanaw pa rin ni Leia ang isla kahit nakakalayo na sila, ngunit nang matanaw rin ang usok sa Reino de Tierra, masama ang kutob niya rito. Kinalabit niya si Raphael. "Raphael, tignan mo."
"Ano meron?" tanong niya.
"May usok," sambit ni Leia. "'Di kaya may nangyayaring masama roon?"
"Psh, baka may okasyon lang."
Malakas pa rin ang loob ni Leia na may masamang nagaganap sa isla. Nagtungo siya sa itaas na palapag ng kubyerta—sa pwesto ni S'Norekko—kung saan may teleskopyo rito. Sumilip siya rito at tinuro ang aparato sa direksyon ng isla.
Nakita niya ang mga taga-Fuego sa dalampasigan ng Reino de Tierra.
"Kailangan natin bumalik," kanyang wika.
Sumilip rin si S'Norekko sa teleskopyo, at natanaw rin niya ang nakita ni Leia. Bago pa man makapagsalita si S'Norekko, tumakbo na si Leia pababa ng kubyerta patungo sa silid ni Jai.
Pagkarating niya sa tapat ng pintuan, kumatok siya rito. Pinihit ito ni Jai, at nadatnan niya ang nag-aalalang mukha ng kanyang kaibigan. "Jai, kailangan nating bumalik," sabi ni Leia, ngunit parang wala lamang si Jai at balak pang sarhan ng pinto si Leia.
Pinigilan ito ni Leia. "Jai, nanganganib ang buhay ni Danaia at ng mga taga-Tierra. Kailangan natin silang balikan."
"Nagpapahinga ako, Leia."
'Yon lamang ang natanggap na tugon ni Leia, sa kabila ng kanyang labis na pag-aalala. Hindi ito inaasahang marinig ni Leia at hindi rin niya nagustuhan ang malamig na salita mula kay Jai. "Kung gano'n, iuutos ko sa kanila na babalikan ang Reino de Tierra."
Nagmadaling bumalik si Leia sa kubyerta. Doon ay kaagad syang nag-anunsiyo. "Tayo ay babalik sa Reino de Tierra."
"Huwag," kaagad na pagtutol ni Jai nang sumunod siya kay Leia.
"Jai, nasa bingit ng kapahamakan ang lahat na naroroon. Tutulungan natin sila—"
"Leia, ako ang masusunod rito," pagtutol pa rin si Jai. "Sa ayaw't sa gusto mo, hindi na babalik ang frigatang ito sa Reino de Tierra. Naiintindihan ba ng lahat?"
Lumingon siya kay S'Akessiya na siyang itinalaga sa manibela ng frigata. "Naiintindihan mo ba, S'Akessiya?"
Tila nag-aantay sina Leia na tumutol ang kanang kamay ni Jai, ngunit nadismaya lamang sila sa kanyang tugon.
"Masusunod, Kamahalan," sagot ni S'Akessiya.
Tinalikuran ni Jai si Leia, at handang lisanin muli ang kubyerta, ngunit hinablot ni Leia ang kanyang braso upang harapin siya. "Ano, Jai? Hahayaan mo na lang bang lamunin ang sarili mo sa pagluluksa?"
"Hindi mo ako naiintindihan, Lei—"
"Talagang hindi kita naiintindihan, Jai. Utang natin ang buhay ni Danaia. Inalagaan niya tayo kahit mga estranghero lamang tayo sa kanilang kaharian. Prinotektahan niya tayo laban sa mga taga-Fuego. Binigyan niya tayo ng gabay, magawa lamang ang misyon nating makuha si Xandrus. Ganyan ka na ba makasarili, Jai?"
Tila umalingawngaw sa isip ni Jai ang huling mga salita na binitawan ni Leia. "Ako... makasarili?"
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasiBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...