Jai
Buhangin.
Pinong buhangin ang aking nahawakan. Malamig na simoy mula sa dagat ang aking naramdaman. Tila inaabot ng bawat hampas ng alon ang aking katawan, na siyang tuluyang gumising sa akin at dumilat. Sa aking pagbangon, iginala ko ang aking paningin at napagtantong na sa isang baybayin ako.
Inalala ko naman ang huling nangyari gayong hindi ko alam kung bakit ako nakarating rito.
Ipu-ipo.
Nang maalala ko ang lahat, kaagad akong tumayo at sumigaw. "Philip! Ella! Leia! Asan kayo!"
Tila nanghihina pa ang katawan ko ngunit pinilit ko ang aking sarili na maglakad at subukang hanapin sila. Bawat pagsigaw ko ay tinutugunan lamang ng hampas ng alon, at ni isa ay wala akong makitang gumagala rito. "Akessiya! Norekko!" sigaw ko muli.
Nang nakaramdam ako ng pagod ay napaluhod ako sa buhangin, hinihingal kahit ilang metro lamang ang aking nilakad mula sa kung saan ako nagising.
Kumuha na lang ako ng isang perlas at dinurog, at ako'y napapikit saka ko inisip ang frigata namin, ngunit nang dumilat ako ay nasa parehong baybayin pa rin ako. Walang nangyari. Hindi tumatalab ang perlas na bigay ni Philip.
Lumingon ako sa kagubatang sumasalubong sa kabuhanginan ng baybayin. Ibang-iba ang kagubatan sa mga nakita ko sa Titania. May raming kulay ang mga dahon at tila hindi pamilyar ang mga itsura nito. Lumingon ako sa karagatan, hinihiling na sana'y ligtas sila at maabutan nila ako rito.
Maya-maya'y nakaramdam ako ng pagyanig sa lupa. Naging alerto naman ako hanggang sa may natanaw akong mga malalaking nilalang na may katawan mula sa lupa. Mga golem. Sinubukan kong tumakbo at magpakawala ng apoy upang takutin sila ngunit may biglang umahon na lupa sa harapan ko at hinarang ang aking daan. Magbibitaw pa sana ako ng tira ngunit hindi na kaya ng katawan ko at hinayaang lamunin ng lupa.
Nang magising ulit ako ay naramdaman kong nasa isang malambot na higaan ako. Bumangon ako at iginala ang paningin sa lugar. Isang silid na parang loob ng isang malaking puno. Kay raming baging na ginawang palamuti rito, at naamoy ko ang aroma mula sa mga bulaklak. Wala pa rin akong ideya kung nasaan ako. Kani-kanina lamang ay nasa baybayin ako.
May narinig naman ako bigla na mga hinawing baging at kasabay no'n ay mga mahihinang yapak sa sahig. Ang pumasok sa silid ay isang binibini na may suot na puting bestida na may palamuti at isang koronang gawa sa bulaklak. "Ikaw ay gising na," kanyang sabi at ako'y naantig sa mahinhin niyong tinig.
Bahagya naman siyang yumuko kasabay ang paghawak niya sa bestida. Yumuko naman ako bilang pagbati. Nagtanguan namin kami at binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti. "Batid kong manlalakbay ka na napadpad rito. Nais kong malaman ang pangalan mo," aniya.
"Jai. Jairovski Oclamidos," aking tugon.
"Oclamidos?" kanyang tanong at umukit ang pagtataka sa kanyang maamong mukha. Tumango naman ako bilang tugon.
"Maaari ko bang malaman kung nasaa—"
"Kung gano'n, hindi ka nagmula sa Reino del Agua, sa Reino de Fuego, at sa Reino del Aire?" muli niyang tanong na hindi ko maintindihan, kaya't napailing ako.
Sa kumpas ng kanyang kamay ay biglang gumalaw ang mga baging sa silid. "Anong ginagawa ng isang invasor rito?" aniya at may awtoridad na ang boses nito.
"Invasor? Paumanhin ngunit hindi ko alam ang iyong pinagsasabi, binibini," aking tugon ngunit bigla nalang lumusob patungo sa akin ang mga baging ngunit sa aking kumpas ng kamay ay nasunog ang mga iyon at naging abong nahulog sa sahig.
Nilingon ko naman ang binibini na nagulat sa aking ginawa. "Imposibleng may kapangyarihan ang mga invasor," aniya na hindi ko pa rin lubos na maintindihan. "Ano ang pakay mo rito?"
"Hinahanap ko ang aking kaibigan na naglaho matapos ang isang digmaan ilang taon na ang makalipas. Ako'y mula sa isang kaharian sa Titania, at dito ako dinala ng aking kapalaran," aking kalmadong sagot.
"Titania, kalupaan ng mga nabiyayaa't sinumpa," kanyang sambit. "Isa ka ngang invasor mula sa Titania."
Bumalik naman sa dati ang mga baging sa paligid namin. "Lahat ng nagtatangkang magtungo rito ay nilalamon ng karagatan bago pa man makaabot sa mga kaharian rito," sabi niya saka niya ako nilapitan. "Ngunit, kung nagawa mong makaabot rito ng buhay, tunay na nga sigurong dinala ka ng iyong kapalaran dito."
"Pangalan ko'y Danaia," kanyang pagpapakilala sa sarili, saka niya nilapat ang kanyang palad sa dibdib ko. Bahagyang lumiwanag ang kanyang kamay at isang ngiti ang muli niyang ibigay sa akin. Pagkatapos ay lumayo na siya sa akin. "Batid kong wala kang masamang pakay rito bukod sa paghahanap ng iyong kaibigan. Sumunod ka sa akin."
Sumama ako sa kanya palabas ng silid ay saka ko lang napansin na nakapaa lamang siya nang kanyang iniangat kaunti ang kanyang bestida at tumakbo. Ayaw ko naman mapag-iwanan kaya tumakbo na rin ako at ako'y sinalubong ng liwanag.
Sa aming paglabas, bumungad sa akin ang kagubatan na kay makulay at yumayabong na siyang hindi katulad sa mga kagubatan ng Titania. Kay tangkad at laki ng mga puno rito na nagsisilbing tahanan ng mga tagarito. Sagana sa mga halaman at bulaklak ang kapaligiran na animo'y isang paraiso.
"Maligayang pagdating sa Reino dela Tierra!" kanyang malugod na pagbati sa akin.
"Reino dela Tierra," aking pag-ulit sa kanyang sinabi.
Dahil sa pagbati ni Danaia sa akin ay naagaw niya ang mga tao sa paligid na siyang kaagad nakapansin sa akin. "Danaia, invasor!" natatakot na sabi ng isa.
"Ano ba ibig sabihin ng invasor?" aking katanungan.
"Dayo," simple niyang tugon.
Sa kanyang kumpas ng kamay ay gumawa ng isang munting hagdan ang mga baging at isang maliit na entablado ang nabuo. Doon siya natungo't nagsalita. "Wag kayong mag-alala sa invasor na ito, gayong wala siyang pakay na anumang ikakapahamak sa atin," kanyang anunsiyo na gumawa ng ingay mula sa mga tagarito.
"Ako na ang bahala sa isang ito kaya malaya na muli kayong kumilos," aniya kaya nagsipagbalik na sa mga tahanan ang mga tagarito.
Bumaba naman siya mula sa munting entablado at bumalik sa dating anyo ang mga baging. "Batid kong gutom ka na at kailangan mong bumawi ng lakas. Makisalo ka muna sa amin bago kita tulungan sa iyong pakay rito," aya niya kaya sumama ako sa kanya.
Kakaiba ang lugar na ito ngunit kampante akong ligtas ako rito. Sana'y ligtas rin ang mga kasama ko.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...