Kabanata LI

66 6 0
                                    

Jai


Nang kinumpas ng Reina Naida ang kanyang kamay, tumalikod na ako at hinarap si Xandrus. Hawak niya ang bata, kaya't inisip ko ang kapakanan nilang dalawa.

Nangamba ako na baka may mangyari sa amin. Nangamba ako na baka hindi ko sila mailigtas.

Ramdam ko ang pwersa mula sa Pulseras, hanggang sa umaligid ito sa amin. Isang malakas na hangin ang umiikot sa amin na siyang naging panangga sa tama ng tubig ni Reina Naida.

Sa oras na iyon, dinasal ko sa Aire Quimera na protektahan niya kami. Yakap-yakap naman ni Xandrus ang bata at umiiyak ito sa takot. Sunod na nangyari ay nakalutang na kami at wala na kaming inaapakang sahig.

Nang mapansin kong mahuhulog na si Xandrus ay kaagad ko siyang inabot, at niyakap, habang patuloy na umiikot ang malakas na hangin sa amin. Hindi ko nga alam kung kailan ba iyon matatapos, gayong ngayon ko lang nahawak ang kapangyarihan ng Aire Quimera.

Nang humupa ang hangin ay sabay-sabay kaming natumba sa isang madamong lugar. Pagdilat ko'y habol-habol namin ang aming mga hinga, saka ko naman napagtantong nakayakap nga pala ako sa kanya.

Kaagad akong umalis at bumangon upang alalayan sila. "Ayos lang ba kayo?" kaagad kong tanong.

Yakap pa rin niya ang bata. "Oo, ayos lang ako," kanyang tugon.

Iginala ko ang aking tingin at napagtanto ko rin kung saan kami napadpad. "Nasa Reino del Aire tayo."

Lumapit ako sa bangin at nang dumungaw ako sa ibaba, natanaw ko ang Reino del Agua. Kung dati, hindi matanaw mula rito sa itaas dahil sa kapal ng ulap, ngayo'y kitang-kita na rito.

Sumulpot naman sa aking tabi si Xandrus. "Ganito pala ang matatanaw rito sa itaas," aniya.

Lumingon ako sa kanya. "Kailangan niyo munang manatili rito. Hangga't naririto kayo, hinding-hindi kayo maabot ng ninuman," paalam ko.

Hinatid ko sila sa Palasyo ni Hulian at doon ay sinalubong ako ng mga Myusa. "Maligayang pagdating, Aire Quimera," kanilang pagbati sa akin.

Mukhang alam na nila ang ibig kong iparating na balita sa kanila, bago ko pa man magawang ibahagi.

"Pakiusap, ikupkop niyo muna sila rito habang nagkakagulo pa ang lahat sa ibaba," aking sabi na kanila namang naiintindihan.

"Masusunod," tugon ng isang Myusa.

Dumating naman si Grietta, at mukhang alam na rin nila. "Ang Aire Quimera," kanyang sabi at lumapit sa akin. Inusisa niya ang suot kong Pulseras, at iyon ang unang beses na ngumiti siya.

"Nagbalik na siya," aniya, saka tumingin sa akin. "Ibalik mo siya sa akin."

Naguguluhan man ako, ngunit naalala kong siya pala ang dating tagahawak nito. Naagaw ito sa kanya, kaya't gusto ata niyang bumalik ito sa kanya.

Tatanggalin ko na sana ang Pulseras, ngunit isang kamay ang pumigil sa akin. Nilingon ko si Xandrus na siyang humawak sa akin. "Sa'yo ko ipinagkatiwala ang Pulseras. Ikaw ang hahawak," kanyang sabi.

"Pero siya ang dating tagahawak nit—"

Umiling siya bilang pagtutol. Nang lumingon ako kay Grietta, hindi maipinta ang mukha nito. "Ba't kayo tumututol? Ako ang dating tagahawak nito," tanong niya.

Hinarap naman siya ni Xandrus. "Dati ka mang tagahawak nito o hindi, hindi ito pagmamay-ari ng ninuman. Nasa Aire Quimera kung kusa itong babalik sa'yo o mananatiling hawak ng iba," diin niya.

Bumalik naman ang kanyang tingin sa akin. "Bumalik ka na sa ibaba. Alam kong kailangan ka rin nila," aniya't binigyan ako ng isang ngiti.

Si Grietta naman, nakatingin pa rin sa akin at tila nag-aantay na ibalik ko sa kanya ang Pulseras. Nang humakbang ako papalapit sa kanya, umatras ito. "Hindi maaari," aniya, saka niya ako tinalikuran at bumalik sa Palasyo.

Alam ko ang pakiramdam ni Grietta. Nawala rin sa akin ang Ave Fenix, at wala nang kasiguraduhan na babalik pa ito sa aking pangangalaga. Tuluyan na itong bumalik sa mga taga-Fuego kaya't wala na akong magagawa kung 'di tanggapin ang itinadhanang mangyari.

Isang ngiti rin ang aking isinukli kay Xandrus. Kahit na't nawalan na siya ng mga alaala, ramdam ko pa rin ang presensya niya.

Paalis na ako nang bigla ulit akong hinawakan sa braso. "Pakiusap, 'wag mong sasaktan si Naida," kanyang sabi.

Hindi ko alam kung matutupad ko pa ba iyon, gayong alam kong susugurin ulit ako ng Reina niya sa oras na magkaharap ulit kami. Isang tango lamang ang aking tugon, saka ako tumakbo sa bangin at tumalon.

Sa oras iyon, saka ko ulit naalala na hindi pa ako bihasa sa paggamit ng kapangyarihan ng Aire Quimera at ako'y bumabagsak mula sa ere. Naisip ko naman gawin ulit 'yong nangyari kanina sa amin ni Xandrus, kahit hindi ko talaga alam paano 'yon gawin. Naisip ko na lang na iikot ang aking hintuturo, hanggang sa nakaramdam na ako ng pwersa ng hangin na umiikot sa akin.

Mas binilisan ko pa ang pag-ikot ng aking kamay at ako'y umangat na sa ere bago pa man lamunin ako ulit ng karagatan sa ibaba ko. Lumipad ako patungo sa Reino de Fuego, hanggang sa narating ako ang magulong baybayin nito.

Nang ako'y lumapag sa kabuhanginan, isang malakas na hangin mula sa akin ang nagpatigil sa lahat. Nagdulot ito ng pagkalat ng buhangin sa ere, at naging maalikabok ang paligid. Nang humupa ito, napagtanto kong nasa gitna ako ng labanan.

Mga golem. Mga ahas na tubig. Naglalagablab na mga kamay. Mga kawal mula sa Reino del Agua, at ang Agua Dragua.

Nagbitaw ng isang malakas na atungal ang nilalang ng karagatan, saka ito bumulusok papunta sa akin. Sa isang kumpas ng kamay ay nagawa ko itong maguho ang bulto nito at tila nagkaroon ng biglang ulan. Sumugod naman kaagad ang mga ahas na tubig na nagsipag-ahon at tila dumoble pa dahil sa patak ng tubig mula pagkaguho ng Agua Dragua sa paligid.

Inangat ko ang dalawang kamay ko at ramdam ko ang biglang pagbuo ng pwersa sa ere. Nang aking ikinumpas muli ito patungo sa mga ahas, tila nagkawatak-watak ang mga tubig sa hagupit ng pwersang binitaw ko. Nagsitilapon naman ang mga taga-Agua at nilamon ng dagat.

Sa oras na iyon, tahimik lamang ang lahat. Walang nagtangkang basagin ito, habang inaantay na humupa ang tensyon.

Nang humupa muli ang mga maalikabok na tanawin, wala na kaming natanaw na mga ahas na kumikilos pasulong sa amin. Wala na rin ang malaking bulto ng Agua Dragua sa karagatan. Umaatras na rin ang mga taga-Agua, tila natakot sa aking binitaw na pwersa.

Lumapit sa akin sina Raphael. "Nakuha mo na pala," aniya. Napansin rin nila ang suot kong Pulseras na patuloy pa rin pagkislap nito.

"Tapos na ba?" tanong ni Leia.

Saktong may umahon muli sa dalampasigan. Mula sa dagat, isang bulto ng tao sa anyong tubig ang sumulpot, at suot nito ang kwintas ng Agua Dragua. "Hindi pa," aking tugon.

Naglakad ito ng ilang hakbang, hanggang sa nagpakita ang tunay nitong anyo.

"Nagsisimula pa lamang ang lahat, mga invasor."

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon