Jai
Pagkagising ko, hindi ako makapagsalita. Nakatingin lamang ako sa kawalan, habang inaalala ang bawat sandali ng nangyari kagabi. Iniwan muna ako ng mga kaibigan ko dito sa silid dahil gusto ko munang mapag-isa.
Alam kong hindi panaginip ang lahat ng iyon. Sa sandaling nahawakan ko siya, alam kong totoo ang lahat. Kahit nagbago ang kanyang itsura, nagawa ko pa ring makilala siya.
Dumako naman ang tingin ko sa nakabukas kong palad—ang palad na humawak sa kanya. Parang bumibigat na naman ang aking kalooban dahil hinayaan kong mangyari ang lahat.
Nahanap ko na siya. Hawak ko na siya.
Ngunit, nabitawan ko pa.
Kasabay ng pamumuo ng pagsisisi sa aking kalooban ay ang pagbagsak ng isang luha mula sa aking mata.
Kaagad kong pinahid iyon at pinaalahanan ang sarili sa mga prinsipyo ko sa buhay. Ayaw kong dumating ang puntong magbabalik ang loob ko kay Xandrus ngayong napatunayan kong buhay na siya. Hindi ito ang aking pakay dito.
Inaayos ko kaagad ang aking sarili nang pumasok si Philip. Alam kong alam na rin niya ang nangyari sa akin. Lumapit siya sa akin, at tumabi. "Ayaw ka sana naming istorbohin, ngunit may nakalap kaming impormasyon," aniya.
Nagbihis muna ako bago sumama kay Philip palabas ng kwarto at nagtungo sa isang silid kung saan naghihintay sa amin si Danaia at iba pa naming kasamahan.
"Mabuti't andito na kayo," pagbati ni Danaia sa amin. "Nagpadala ng mensahe si Fidel. Pati na rin si Hulian."
"Nagmamatyag na ang mga taga-Agua sa magkabilang Reino pagkatapos ng nangyari kagabi," dagdag niya. "Bukod pa riyan, nagbanta rin silang salakayin ang mga Reino kung ayaw sumuko ng mga invasor sa kanila."
Lumapit naman si Leia sa akin. "Sa ngayon, sigurado naman kaming kinupkop nila si Xandrus, ngunit wala kaming alam kung nasaan ang kapatid mo," aniya.
"Ano ang ating plano?" aking tanong sa kanila.
"Malakas ang kumpyansa ng mga taga-Agua gayong matagal nang bumalik sa kanila ang biyaya ng Agua Dragua. At, gayong akala nila, may nagtatangkang sumalakay sa kanilang Reino, palalakasin na nila ang hukbo at seguridad sa kanilang isla," ani Danaia.
"Wala akong nakikitang ibang paraan, ngunit ang sumuko kayo."
Sa huling sinambit ni Danaia, napatingin ang lahat sa kanya. "Susuko kami?" nagtatakang tanong ni Raphael.
Umiling naman siya na siyang ikinataka ko. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang iparating.
"Gusto niyo bang makita ang kaibigan niyo?" tanong niya sa amin, at nagkatinginan kaming ng mga kaibigan ko.
Pagkatapos ng aming pag-uusap ay nagpalipas muna kami ng hapon dito habang inaantay namin ang pagdating ni Fidel. Nang matanaw namin siya sa dalampasigan, pansin ko ang pagbusangot ng mga kaibigan ko. Hindi pa rin ata nila nakakalimutan ang nangyari sa akin sa kanilang Reino.
Hinayaan muna naming magkaharap sina Danaia at Fidel habang nakatanaw lang kami sa kanila sa malayo. Hindi man namin alam kung ano ang pinag-usapan nila, ngunit kita naman naming panay tango lamang ang taga-Fuego sa taga-Tierra.
Saksi rin namin ang pag-abot ni Danaia sa balumbon kay Fidel. Alam naming naglalaman iyon nang magiging plano namin sa susunod na araw, kung papayag ang kanilang panig. Papayag naman talaga sila, ayon sa napagkasunduan namin. Kung hindi, magpapakita ulit sa kanila ang Ave Fenix.
Sumapit ang gabi at nasa dalampasigan pa rin ako, nilalasap ang malamig na simoy ng hangin mula sa karagatan. Nakaupo lamang ako sa kabuhanginan, at niyayakap ang mga binti sa gitna ng gabi.
Nakatingin lamang ako sa direksyon kung saan makikita ang Reino del Agua. Hindi ko man lubusang matanaw ang Reino dahil nakatago ito sa likod ng mga ulap, parang natatanaw ko pa rin sa aking isipan ang eksaktong lugar kung saan kami nagkita muli.
Kahit papaano, masaya ako dahil alam kong buhay siya. Medyo gumagaan ang loob ko, sa oras na maalala ko siya.
Nakaramdam naman ako ng presensya sa aking likuran, at nang lumingon ako, si Danaia lang pala. "Pasensya na't ako'y naparito bigla, ngunit nag-aalala ako dahil hindi ka pa bumabalik," aniya.
"Ayos lang ako," aking tugon.
"Maaari bang tumabi?"
Tumango ako kaagad. "Oo naman."
Umupo siya sa tabi ko at rinig ko ang pagbuntong-hininga niya. Lumingon muli ako sa tinatanaw ko kanina.
"Maaari mo bang maikwento kung ano ang bumabagabag sa isipan natin?" pagbasag niya muli sa katahimikan.
"Siguro," tipid kong tugon.
"Hindi ko nga pala naibanggit sa iyo na kasal na ako," panimula ko.
Bahagya naman siyang natawa. "Alam ko."
"Alam mo?"
Tumango naman siya. "Naikwento ng mga kaibigan mo."
Natawa rin naman ako. Nakalimutan ko nga pala na madaldal 'tong mga kasama ko, lalo na si Raphael. Ewan na lang kung ano na ang pinagkukwento nila tungkol sa akin.
"'Yong tungkol sa kaibigan ko na hinahanap namin," sambit ko muli. "Ang totoo niyan, malapit ang loob ko sa kanya noon."
Habang nagsasalita ako, parang may tumutusok naman sa dibdib ko na parang bang pumipigil sa akin.
"'Yong namagitan sa amin, higit pa sa pagkakaibigan," pagbunyag ko. "Simula nang maglaho siya, araw-araw akong dumarasal na sana magbalik siya, o 'di kaya'y makita siya ng kawal namin. Kaso, taon na ang lumipas, napagod akong maghintay. Nawala na ang pag-asa kong mahahanap pa siya. Tinanggap ko ng buong puso na wala na siya."
Sa oras na iyon, parang lumalamig na ang gabi at humihigpit na rin ang aking yakap sa aking sarili.
"Nakahanap ako ng iba. Ilang taon na rin siyang nag-aantay sa akin na pansinin siya. Pinatunayan niyang handa siyang manatili sa aking tabi, sa kaginhawaan man o sa kahirapan. Handa siyang ialay ang aking buhay at panahon para sa akin," aking pagpatuloy.
"Ngunit, sa hindi inaasahan, tadhana na mismo ang gumawa ng paraan para hanapin ang taong kakalimutan ko na sana. Napadpad ako rito, hanggang sa tuluyan ko na siyang nahanap."
Hindi ko na kayang magpigil ng loob at dahan-dahang dumaloy ang luha sa aking mukha. "Hindi ko alam kung pinaglalaruan ba ako ng aking tadhana. Nahanap ko na ang taong inantay kong magbalik, ngunit kung kailan nagbago na ang puso ko at inalay ko na sa iba."
Isang tapik sa aking likuran ang aking nabatid. "Naguguluhan ka ngayon sa nararamdaman mo?" kanyang tanong.
Simpleng pagtango ang aking tugon. "Noong malinaw sa akin ang aking misyon rito, ngunit ngayong nahanap ko na siya, unti-unting lumalabo sa akin ang lahat," aking sabi.
"May problema ba sa akin?"
"Wala, wala kang problema, Jairovski," pagtahan niya sa akin. "Naiintindihan kita, at batid kong hindi talaga madali ang pinagdadaanan mo ngayon."
Unti-unti namang lumalakas ang bawat hampas ng alon sa kabuhanginan, parang bang sinusubukan nitong abutin ako rito sa pwesto ko.
"Magpakatatag ka, Jai. Hanapin mo ulit siya at iligtas. Sa oras na magkaharap ulit kayo, tiyak na makakakuha ka ng sagot sa mga tanong mo. 'Yan lang muna ang maipapayo ko sa'yo," sabi niya.
Nang tumahan na ako, bumalik na kami sa tinutuluyan namin. Siguro nga, dapat ko munang ituon ang atensyon ko sa misyon naming mailigtas si Xandrus. Nang sa gayon, malalaman ko ang sagot sa mga katanungan ko.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasíaBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...