Kabanata XLV

58 5 0
                                    


Bahagyang inangat ni Jai ang kanyang kamay, sabay turo sa kanyang sarili. "Makasarili ako, Leia?" nanginginig niyang tanong.

Ni kahit kailan, hindi niya inaasahang maririnig iyon mismo sa kanyang kaibigan.

"Iniisip ko lang ang kapahamakan niyo, Leia," kanyang pagpapatuloy, habang mababakas na sa kanyang boses ang panginginig niya—mapigilan lamang ang bugso ng kanyang damdamin.

"Nawala na si Philip sa atin. Ayaw kong may sumunod pa sa kanya dahil sa akin—sa aking kapabayaan," diin niya.

"Kung nasa posisyon rin kami ni Philip, gagawin rin naman ang lahat, mabuhay ka lamang, Jai. Dahil ikaw lamang ang makakatapos sa misyong ito," ani Leia.

Nilapitan naman siya ni Raphael, sabay hawak sa kanyang braso. "Leia, tama na," kanyang sabi, ngunit hindi siya pinansin nito.

"Sa ating lahat, ikaw ang makapangyarihan dito. Dala mo ang banal na kapangyarihan, at malayo lamang sa kakayahan namin. At dahil sa'yo, marami kang nailigtas. Utang ko rin sa'yo ang aking buhay. Dalawang beses monv niligtas ang Titania mula kay Ahriman, Reyna Valentina, hanggang kay Ransé. Handa kaming tulungan ka hanggang sa makakaya namin," dagdag ni Leia.

"Para sa 'yo, ilang beses ko nang niligtas ang Titania, ngunit sana'y maintindihan mo rin, Leia, na sa bawat giyerang humamon sa akin, nawalan ako ng kaibigan, pinsan, kapatid, at kapares. Nawalan ako ng mga mahal sa buhay sa bawat pagkakataon na niligtas ko ang lahat mula sa bingit ng kapahamakan," ani Jai at hindi na nito napigilan ang kanyang mga luha.

"Ang sakit-sakit sa parte ko na kaya kong iligtas ang iba pero hindi si Miya, si Haring Leo, si Eirob. At... si Xandrus," kanyang sambit, habang patuloy na rumaragasa ang kanyang mga luha.

"Kung ililigtas man natin si Danaia at ang mga taga-Tierra, natatakot ako, Leia. Natatakot ako na lahat na mauulit dahil sa kapabayaan ko."

Lahat ng iyon ay binitawan ni Jai nang kay diin, umaasa na mauunawaan ni Leia ang kanyang mga saloobin.

"Ngayong wala na ang Ave Fenix, hindi ko na magagawang protektahan kayo laban sa kanila. Kaya't pakiusap, Leia—"

"Hindi, Jai. Kaya namin," pagtutol muli ng kanyang kaibigan. "At nauunawaan ka rin namin. Nalulungkot rin kami para sa'yo, Jai. Nakalimutan ka na ni Xandrus. Nawala na si Philip. At, nag-aalala ka sa amin. Pero, ngayon pa ba tayo susuko? Para saan pa ba ang lahat ng natutunan natin sa Academia kung pababayaan natin si Danaia sa kamay ng mga taga-Fuego?"

Lumapit ng ilang hakbang si Leia palapit kay Jai. "Wala man kaming hawak na kapangyarihan ng ninumang Alagad ng Diyos, hinding-hindi namin tatalikuran ang aming prinsipyo bilang mga Sadhaka ng Academia: hangga't may nangangailangan, tutulungan," paliwanag niya. "Sana hindi masayang ang ginawa ni Philip kung tatalikuran mo lang rin naman ang tungkulin mo bilang kapitan ng frigatang ito, Kamahalan."

Tila nilamon ng katahimikan ang frigata pagkatapos ng pagtatalo nilang dalawa, naghihintay sa magiging hatol ng tadhana—ang desisyon ni Jai. Hindi rin nagtagal ang katahimikan nang binasag ito ng mga yabag ng Kamahalan sa kanyang pagtalikod at paglakad patungo sa pinto. Siya'y bumaba sa frigata, at Iniwan niyang labis na dismayado si Leia sa kanyang malamig na tugon. Dahil dito, kumilos na sila, kahit labag sa kagustuhan ni Jai.

Lumayag muli ang frigata pabalik sa Reino de Tierra, habang pinagmamasdan na lamang ni Jai ang karagatan mula sa bintana. Rinig niya ang pagkilos ng lahat sa kubyerta. Hinayaan niya lamang, gayong nilalamon pa rin siya ng lungkot at magulo ang kanyang isip.

"Pagod na ako," kanyang bulong sa sarili.

Nais niya lamang makauwi sa Silangang Serentos upang makasama muli ang kanyang kabiyak na naghihintay sa kanyang pagbalik. Nananabik na siyang bumalik sa piling ni Lino.

"Ano ba ang naging kasalanan ko sa mundo nang mabigyan ako na mabibigat na hamon sa buhay?" kanyang tanong sa sarili.

Marami ang bumabagabag sa isip ng Kamahalan. Tila marami ring mga alaala na bumabalik na siyang dumaragdag sa bigat ng kanyang damdamin. Hindi niya labis maunawaan kung bakit ganito ang takbo ng kanyang buhay.

Paulit-ulit niyang naririnig ang bawat salitang binitaw ni Leia sa kanya. "Gusto ko lamang silang protektahan."

Siya'y tumingala at napapikit—tila umaasang makakuha siya ng sagot sa kanyang mga katanungan.

"Tama ba ako? Tama ba sila? Ako ba ay naging makasarili?"

Sa kanyang silid, hinayaan nya munang lamunin siya ng katahimikan habang nag-iisa, naguguluhan, at walang makausap.

Sa kabilang banda, kahit na nag-aalangan, sumunod na rin sa utos ni Leia ang mga kanang kamay ni Jai. Umaasa silang magbago ang isip ng Kamahalan.

Habang palapit nang palapit sila, sunod-sunod naman ang naririnig nilang pagsabog sa isla.

Ilang metro na lamang ang layo ng frigata sa dalampasigan, nang biglang may nag-anunsiyo. "Itigil ang frigata!"

Nagsipaglingon ang lahat sa pinanggalingan ng iyon. Nakita nilang nasa kubyerta muli ang Kamahalan.

"Jai, ililigtas nami—"

"Alam ko, Leia. Alam ko," pagputol ni Jai.

Napabuntong-hininga muna siya bago nagpatuloy na magsalita. "Mas mabuting dito muna ang frigata upang hindi madamay sa kaguluhan sa Reino de Tierra."

Akala nila, pipigilan muli sila. Sa inanunsyong utos, nakuha nila ang ibig sabihin ni Jai. Hindi sila nagkamaling magbabago rin ang isip niya. Kaya naman, kumilos sila at kinuha ang mga reserbang bangka upang ibaba mula sa kubyerta.

"Mga sasamang kawal, sa bangka sasakay. S'Akessiya, sa'yo ko ipagkakatiwala ang frigata. Kami na ang bahala sa Reino de Tierra," muling utos ni Jai, ngunit nilapitan siya kaagad ni S'Norekko.

"Ngunit, Kamahalan, mapanganib kung sasama ka pa sa kanila," pag-aalala ng kanyang kanang kamay.

"Baka nakalimutan niyong halos linggo-linggo tayo nagsasanay sa unang taon ko sa Palasyo," kanyang sambit sabay tapik ng dalang sandata niya.

"Huwag kayong mag-aalala. Ipapangako kong hinding-hindi na mauulit ang nangyari sa akin."

"May kapangyarihan na sila, Kamahalan. Hindi na sila mga kawal lamang. Mahihirapan kang patumbahin sila," dagdag pa ni S'Norekko.

"Naging tagahawak ako ng kapangyarihan ng Ave Fenix, kaya't alam ko kung paano ito gagamitin. Magtiwala kayo sa akin."

Mababakas pa rin nila ang kalungkutan sa mukha ni Jai, ngunit ramdam nilang bumabawi na ulit ng katapangan ang Kamahalan.

"Raphael, Ella, Leia, mauna na kayo," utos niya sa tatlong Sadhaka. "Susunod kami."

"Masusunod," sabi ni Leia at isa-isa nang lumutang sa ere ang mga salamangkero.

Tumakbo naman si Leia patungo kay Jai, at isang yakap ang kanyang ibigay sa kanya. "Mag-iingat ka. Handa kaming protektahan ka kahit anong mangyari, tandaan mo 'yan, Jai."

Sumilay ang isang ngiti mula sa mukha ng Kamahalan. "Salamat, Leia."

Sumunod na rin si Leia sa magkambal at sabay-sabay nilang tinahak ang himpapawid patungo sa isla.

Kasama naman ni Jai si S'Norekko at ang mga kawal sa isang bangka. Sabay-sabay silang nagsagwan, habang tinahak na kaagad ng tatlo ang kagubatan ng Reino de Tierra nang marating ang isla.

Tumingala muli si Jai sa kalangitan—pinagdarasal na sana'y gabayan muli siya ng Diyos at umaasang hinding-hindi sila pababayaan. "Para kay Philip."

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon