Jai
Gabi na ngunit ngayon namin nagpagpasyang magpapatuloy sa aming byahe. Si Primo ang nagpayo sa amin na kumilos sa ganitong oras dahil hindi masyadong mahigpit ang seguridad sa daungan sa gabi kumpara sa umaga. Bilang kapalit sa gulo na hinatid ng kanyang kapatid sa amin, tutulungan nila kaming makahanap ng fragata na masasakyan namin sa aming paglayag.
Nakasunod sa amin ang isang karwahe kasama si Primo at iba pa niyang kasamahan sa kanilang angkan. Madilim na ang mga kalsada ngunit may gumagabay naman sa amin sa unahan.
Nakaidlip ako saglit. Nakapikit lamang ako at ilang sandali lang, nakarinig ako ng mga bulong na hindi ko masyadong maintindihan. Sa paggising ko, nakarinig na ako ng mga ingay sa labas. "Malapit na tayo sa daungan, Kamahalan," paalala ni S'Akessiya sa akin.
Dumungaw ako sa bintana at nakita kong may mga tao sa labas. Sa kabila naman, makikita ang madilim na karagatan, at maririnig ang bawat hampas ng alon sa baybayin. Naramdaman ko ang lamig ng simoy ng hangin mula sa karagatan. Inabutan naman ako ni S'Norekko ng masusuot ko laban sa lamig ng hangin.
Sumunod naman kami sa plano nila Primo. Nag-antay muna kami sa karwahe habang sila ang bahala sa magiging frigata namin. Nang sumilip kami sa bintana, pansin kong may tumitingin sa aming karwahe. Pansin ko ring takot ang mga tao sa grupo nina Primo.
"Hindi ko alam kung mabuti ba sila o nakakasama sa mga tao rito," ani ni S'Norekko habang pinagmamasdan namin sila.
Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano ang sagot sa tanong niya. Bagama't nagdadala sila ng takot sa mga rito, hindi ko naman sila kaagad mahuhusgahan. Masaklap ang naging karanasan nila sa Kahariang ito, kaya umabot sa ganitong sitwasyon ang kanilang angkan.
Maiihalintulad ko 'to sa nangyari sa angkan ng aking Ama sa kamay ng mga Grellega. Masaklap, at ako lang ang natirang Oclamidos sa buong Serentos. Bagama't matagal ko nang nabigyan ng hustisya ang pagkamatay nila, ngunit dahil sa karanasan nila Primo, parang naramdaman ko ulit ang paghihinagpis ng mga Oclamidos na dumadaloy sa dugo ko.
May kumatok naman sa pinto ng karwahe, isang senyas na nakahanap na sila. Bumaba na kami at dala ang ilang gamit na kailangan namin. Diretso lang ang lakad namin habang sinasamahan kami nina Primo, hanggang sa hinatid kami sa tapat ng isang frigata. "Napag-usapan na namin ang may-ari nyan," aniya.
Nang hinarap ko si Primo, inabot ko sa kanya ang isang kaban. "Bilang kabayaran."
Nagdadalawang-isip naman siyang tanggapin iyon kaya lumapit ako at inabot. "Hindi namin 'yan kailangan. Mas kailangan niyo ito—"
Isang yakap ang aking natanggap sa kanya. "Hindi man tayo naging malapit na kaibigan simula noong nasa Academia tayo, ngunit makakaasa kang babayaran namin ang kabutihan mo sa akin at sa aming angkan," sabi niya na umantig sa akin.
"Walang anuman, Primo."
Paakyat na kami ng frigata nang may biglang sumigaw. "Teka, 'wag niyo kaming iwan!"
Pamilyar sa akin ang tinig na iyon kaya napalingon ako. Mula sa itaas, natanaw ko ang isang grupo na tumatakbo patungo sa frigata namin. Nang mapahinto sila, hingal na hingal silang apat. Nagulat ako sa kanilang biglaang presensya. "Ba't kayo andito?!"
"Sa-sasama kami," sabi ni Leia.
"Pati ikaw?"
"Oo," tugon ni Philip.
Lumingon naman sila sa mag Astuto. "Ba't may mga barako kang kasama dito?" biglang sabi ni Ella hanggang sa napansin nila si Primo.
"Teka, pamilyar ka ah," sabi ni Leia ngunit umiwas si Primo.
"Mga kasama, lumisan na tayo," utos niya at sumunod sila sa kanya.
Umakyat naman ang apat kasama ang iba pang mga kawal mula sa Palasyo saka kami nagsimulang pumalaot. Napasapo na lang ako sa sentido dahil sa kanila. "Ba't ba kayo sumama ha? Wala sa plano 'to."
"Wala sa plano mo pero nasa plano ni Lino. Akala mo ba papayag 'yon na maglalakbay ka lang kasama 'tong dalawa na 'to—"
"Naririnig namin kayo," singit ni S'Norekko na abala sa pagmamaneho ng frigata.
Napaismid na lang si Leia. "Psh, sadhaka rin naman kami."
Napapailing rin ako kay Philip. "Isa ka pa, iniwan mo pa ang Academia para rito."
"Nagsumite ako ng request para magbakasyon," rason pa niya.
"Maka-request ka naman, parang siguradong isang linggo 'tong paglalakbay natin," sabi naman ni Ella.
Napabuntong-hininga na lamang ako dahil sa kanila.
"Masyadong maingay," biglang sermon ni Grietta mula sa likuran namin.
Nagulat naman sila sa pagsulpot niya. "Wow, kasama ka pala," sabi ni Raphael.
Hindi na siya sinagot pa ni Grietta at nagtungo muli siya sa baba. "Kakaiba talaga 'yang kasama mo no? Parang walang kabuhay-buhay," ani ni Leia.
"Epekto ba 'yan ng dati niyang kapangyarihan? Nasobraan ata siya ng hangin," sabi ni Raphael.
"Tumahimik ka na, baka itulak ka pa no'n mamaya," pagpigil ng kakambal niya.
Nasagi naman ng isip ko si Lino. "Si Lino, kamusta?"
"Ayun, miss ka raw niya. Gusto niya raw na iwanan ang Palasyo ngunit alam niyang ikakadismaya mo lang dahil nangako kayong dalawa," sabi ni Leia saka siya may inabot na balumbon. "Maya mo na 'yan basahin, baka umiyak ka pa."
"Sige, magpapahinga na kami," sabi ni Raphael sabay unat ng katawan at napahikab pa.
"Sama ka sa'kin. Dahil sumama kayo, tutulong kayo sa'min," pagpigil naman ni S'Akessiya sa kanila kaya lahat sila napaismid na lang.
'Di talaga sila pwedeng magsama lahat. Natatawa na lang ako sa kanilang asta.
Nauna na ako sa kanilang magpahinga sa silid ko. Naalala ko tuloy ang panahong binihag ako ng mga pirata, kaya hindi na bago sa akin ang lumayag sa karagatan. Pero, ang kaibahan nga lang, walang kasiguraduhan ang aming patutunguhan.
Isang sabi-sabi at si Grietta lamang ang tuturo sa amin sa direksyon.
Sana hindi kami mabigo.
"Jai," isang boses ang bulong sa akin. Ilang araw na akong nakakarinig ng mga bulong pero ngayon, mas lalo siyang lumilinaw. Patagal nang patagal, mas nararamdaman ko ang lungkot at hinagpis sa bawat bulong na naririnig ko mula sa kanya. Mahirap, kasi kung kailan handa na akong makalimot sa lahat, saka pa magpaparamdam.
Kung nasaan siya man, sana kumakapit pa siya.
Dahil, paparating na kami.
Paparating na ako.
Paparating na ako, Xandrus.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...