Kabanata I

127 5 0
                                    

Jai

Ilang oras na akong nakaupo sa aking silya, naglalagda ng mga papel na may nakasulat na mga panibagong batas na ipapatupad sa Kaharian. Parte ito ng aking mga responsibilidad bilang Hari ng aming Kaharian, at halos magdadalawang taon na akong nanunungkula't namumuno dito.

Sinusubukan kong basahin muli ang isang papel bago lagdaan ngunit may biglang kumatok sa aking pintuan. Ang aking tagapayo na si Chonsela. "Mahal na Hari, mag-aalas dose na kaya kailangan niyo nang kumain," aniya ngunit napailing ako.

"Nakasalalay ang mga kapakanan ng mamamayan dito sa mga papel. Kelangan ko lang tapusin ang lahat ng 'to," sabi ko at nagpatuloy sa aking ginagawa.

"Kamahalan, nakikita ko po ang hinaharap at masama ang nakikita ko kapag malilipasan ka ng gutom—"

Bahagya akong natawa sa kanyang nasabi. "Niloloko mo lang ako, Chonsela," ani ko.

'Di ko na siya pinansin pa hanggang sa sinara niya ang pinto. Alam kong nag-aalala lang siya sa akin pero mahalagang matapos ang lahat upang wala na ako aababalahin pa mamaya—kahit na kumakalam na rin ang bituka ko.

Ilang minuto lang ang lumipas ay mayroon na namang kumatok at pumihit sa pinto. Akala ko si Chonsela kaya 'di ako nag-atubiling umimik pa ngunit sa isang sundot sa aking tagiliran ay natigil ako sa paglalagda. "Hindot—Lino naman!" muntik na akong napamura sa ginawa niya.

"Kumain ka na sa baba, kamahalan. Kung hindi pa nagsumbong sa akin si Chonsela, hindi ka talaga bababa," maawtoridad nitong sabi sa akin.

"Oh heto na," sabi ko saka binitaw ang aking plumang hawak. "Kakain na."

Hinatid ako ni Lino, este Pinunong Lino sa Hapag-Kainan. Siya ang namumuno ng kawal ng Kaharian upang protektahan ang Palasyo at ang mamamayan dito. Kaya, siya ang naging kanang kamay ko rito at bukod pa roon, naging mas malapit na kami sa isa't isa—hanggang kaibigan nga lamang.

Hindi naman ako manhid para 'di mapansin yung pagtingin pa rin niya sa akin pero hanggang kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya. Ayaw ko ring kumalat sa buong Kaharian na inuuna ko ang buhay-pag-ibig kaysa sa mga tungkulin ko. Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin ako kasi sa oras na mangungulila na naman ako, andyan siya para gumaan ang loob ko.

Kulang na lang talaga, maging tagapayo ko na rin siya at palitan si Chonsela. Kapag siya na manenermon sa akin, wala akong magawa at sumunod—kahit na ako ang Hari dito.

Tungkol naman sa kakayahan niya, tinanggal iyon sa kanya ng isang dalubhasa sa salamangka, kaya ngayon nakakapaglibot na siya na walang takip sa mga mata. Sa tagal naming nagsama, nasanay na rin akong masilayan ang mga mata niya, ngunit nagtatakip siya kapag lalabas ng Palasyo kasi iyon ang nakasanayan niya. Hindi niya alam na mas nangingibabaw ang kagwapuhan niya kapag walang takip. Mas makakahila pa siya ng mga dilag sa labas.

Nadatnan ko ang mga tauhan namin sa Palasyo at naghihintay sa aking pagpasok. Napabuntong-hininga na lang ako nang mapansin hindi pa talaga sila nagsimulang kumain dahil wala pa ako. "Sa susunod, mauna na kayong kakain. Alam niyo namang madami akong ginagawa. At higit sa lahat, ayaw ko pa namang may magkasakit pa rito dahil sa gutom kakaantay sa akin," sabi ko sa lahat.

"Opo, kamahalan," sabay-sabay nilang tugon.

"Magsipagkain na ang lahat," hudyat ko at nagsipagkalansing na ang mga kubyertos at plato.

Umupo na ako sa aking silya at nagsimula na ring kumain. Pinagmasdan ko ang lahat at sa simpleng ngiti lang nila, nagiging masaya na rin ako. Dahil sa kanila, napapanatili pa rin ang kagandahan at kaayusan dito sa Palasyo kaya dapat lamang silang tratuhin ng maayos.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon