Jai
Nakahinga na ulit kaming lahat nang maluwag nang makatakas kami sa hamog at maligpit ang huling sirenang umatake sa amin. May mga sugatan kaming mga kawal na siyang inalalayan nina Leia. Si Philip naman ang kaagad kong nilapitan pagkatapos ang sagupaan.
Nasa isang gilid lamang siya at hawak ang braso niya. Nang tinignan ko ay may sira na ang damit niya at may dumurugo na rito. "May sugat ka, Philip," pag-alala ko.
"Unahin mo ang iba, konti lang 'to sa 'kin," aniya at pilit pa ako pinaalis.
"Konti? Eh pa'no kung nakakalason ang mga kalmot nila? Ikamatay mo pa, Philip," sabi saka ko sinira nang tuluyan ang manggas ng kanyang damit upang matignan kung gaano ka lubha ang kanyang natamo.
Sa aking bulsa ay may kinuha akong maliit na bote at naglagay ng isang patak ng likido mula rito sa kanyang braso. Kasunod n'on ay ang pagdaing niya. Doon ay mas luminaw ang mga ugat ng braso niya na nagigng berde na.
"Tiisin mo, Philip," bilin ko sa kanya bago nagtungo sa ibang mga kasama namin. Iniisa-isa ko silang gamutin gamit ang gamot na pinadala sa akin ni Lino.
May nagamot akong mga kawal ngunit sa kasamang-palad, hindi na magamot ang iba dahil mabilis kumalat ang kamandag ng mga sirena sa kanilang mga sugat. Karamihan sa kanila'y hinugutan na ng huling hinga na siyang hindi ko kayang pagmasdan.
Naninikip ang dibdib kong masilayang nalalagasan na kami. Kani-kanina lang, buhay na buhay ang kubyerta dahil sa kanilang mga presensya. Ngayon, parang wala na. Puro pagdaing at bigat sa kalooban ang naririto.
"Ilan ang nawala sa atin?" aking tanong kay S'Norekko.
"Labing-dalawang kawal, Kamahalan."
Sa pagkakatanda ko, nasa dalawampung kawal ang kasama nila Philip no'ng dumaong na kami. Masyadong marami ang nawala sa amin. Akala ko'y magiging katulad lamang kanina sa mga krakken ang aming kapalaran, ngunit mali ako.
Nasagi naman ng paningin ko si Philip na ngayo'y inaalalayan nila Leia. "Dumating na ang kinatatakutan ko," aking sambit. "Kaya gusto kong umatras kanina at muling ibalik ang lahat sa Titania."
"Kamahalan, kailangan niyo munang magpahinga. Maraming lakas ang nabitaw mo na simula kanina," paalala sa akin ni S'Norekko ngunit umiling ako.
"Gustuhin ko mang magpahinga, ngunit panigurong dadalawin ulit tayo ng kapamahakan anumang oras ngayon," aking sabi na siya namang sinabayan ng mga narinig naming mga pagkulog.
Maya-maya'y napapansin na namin na unti-unting lumalakas ang alon. Umiiba na rin ang ihip ng hangin, kung kaya't nahirap na ang ibang kawal namin na kontrolin ang mga layag. Sa aking pagtingala ko ay namumuo na rin ang mga maiitim na ulap sa kalangitan.
Sa oras na iyon, sinara ko muna ang aking mga talukap, sinusubukang tawagin ang Diyos ng Titania na dinggin ang aking panalangin. Nawa'y protektahan pa niya kami sa misyong ito dahil ayaw kong may mangyari pa sa amin dito.
"Bagyo," isang tinig mula kay Grietta.
Napadilat ako nang may pumatak sa aking pisngi. Nasa tabi ko si Grietta na mukhang maayos pa rin sa kabila ng kaguluhan kanina. Bago pa man ako makapagtanong sa kanya, biglaan ang pag-angat ng frigata at ang pagdausdos nito mula sa mataas na alon na siyang ikinakapit ng lahat sa kubyerta. Bumugso na rin ang ulan na sinundan ng pagtunog na ang kampana na nagpakilos ulit sa lahat.
Tumulong na ako sa pagkontrol ng layag kahit na pinipigil kami ng malakas na hangin na makatakas sa delubyo mismo.
Ilang beses ding kumulog nang malakas na siyang sumusubok sa aming matakot na sinasabayan pa ng mga kidlat. At sa pagtaas-baba ng frigata ay may pumapasok nang tubig sa kubyerta. Nahihirapan na ring maglakad ang lahat dahil sa malalakas na alon ng karagatan. Lahat ng itong nasasaksihan ko ay kabaligtaran ng dinarasal ko sa kalangitan.
"Lahat ay kumapit nang mahigpit!" aking sigaw sa lahat habang binabantayan ko ang bawat gilid ng kubyerta.
Sa isang iglap, isang malaking alon ang humampas sa kubyerta na muntik tumangay sa akin. Buti na lamang ay nahawakan ako ni S'Norekko. "Kamahalan," kanyang tawag sa akin at inalayan niya ako.
Paulit-ulit ring humahapas ang alon sa kubyerta, na parang bang sinusubukang na nitong lamunin ang aming frigata.
Nag-abot naman si Raphael ng isang lubid. "Itali mo sarili mo," kanyang sabi na sinunod ko at ng iba pa naming kasamahan. Si Philip na mukhang kakabawi pa lang ng lakas ay aking tinulungan na rin. At lahat kami ay nagtiis sa bagsik ng bagyo't karagatan.
Sa oras na iyon, nag-aantay akong matapos na ang lahat ng ito. Narinig ata ng kalangitan ang aking dasal nang tinamaan ng kidlat ang isa sa mga layag na siyang sumira rito. Ang nabaling parte ay mahuhulog na kina Leia na hindi nakapansin. Kaya naman, nagbitaw ako ng malakas na pwersa na siyang nagpatilapon sa nabaling kahoy sa karagatan.
"IPU-IPO!" isang sigaw ng isang kawal na umagaw sa aming lahat.
Doon ay nakita naming may paparating na ipuipo patungo sa aming gawi. Hindi lamang isa, kung 'di ay limang mga ipuipo na kailangan naming iwasan. Lumapit muna ako kay S'Akessiya na napapansin ko nang nahihirapan sa pagkontrol ng aming frigata. "Kamahalan," kanyang tawag sa akin. "Mukhang mahihirapan tayong makatakas sa mga ito," pag-alala niya.
"Tutulungan ka namin, Akessiya. Susundin ng lahat ang magiging utos mo gayong ikaw ang kapitana," aking tugon na siyang ikinatango habang hindi niwawala sa paningin ang mga ipu-ipo.
Naramdaman ko ang bigat ng responsibilidad bilang kapitana ng frigata. Kanina pa andito si Akessiya at sinisigurong magiging maayos ang byahe namin. Doon ay nagsimulang ang aming mga magigiting na kawal na walang takot na sinunod ang bawat utos ni Akessiya sa lahat, at nakatutok sa kanilang mga tungkulin, maiwasan lang namin ang mga ipu-ipo.
Bawat pagbilang namin ay ang pagliko ng aming frigata palayo sa mga ipu-ipo na nakaabang sa amin. "ISA, DALAWA, TATLO!" sabay-sabay naming sigaw at nakalagpas na sa apat na ipu-ipo.
"ISA, DALAWA, TATLO!" sigaw namin muli at lumiko palayo sa huling ipu-ipo, ngunit hindi namin inaasahan na gagalaw mismo ang ipu-ipo na bahagyang tumama at sumira sa gilid ng kubyerta. Doon ay may natangay na kawal kaya pinutol ko ang lubid na nakatali sa akin at kaagad kong sinundan ang kawal.
Tumalon ako mula sa kubyerta at nagpalutang sa ere, ngunit sa sobrang lakas ng pwersa mula sa ipu-ipo, huli na nang tuluyang maglaho sa paningin ko ang kawal at unti-unti nito akong hinihila rito.
"JAI! BUMALIK KA RITO!" tawag sa akin ng mga kaibigan ko.
Nawa'y mapatawad ako sa mga kawal na napabayaan ko.
Nang aakma na sana akong lumayo sa ipu-ipo't bumalik sa frigata, bigla akong nanghina kaya't nawalan ako ng kontrol sa aking paglipad hanggang sa naramdaman ko ang napakalakas na pwersa na humila sa akin bago nandilim ang aking paningin.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...