Kabanata XLIX

53 4 0
                                    

Jai


Nagbalik ang aking isipan sa gabing dumating kami sa Palasyo ng Reino del Agua. Sa oras na iyon, nakita ko siya. Niyakap ko siya. Sinubukan ko siyang itakas, kaso nilamon ako ng Agua Dragua.

Sa ikalawang pagkakataon na nasa Palasyo muli kami, nagkita kami. Hindi niya ako nakilala, at natanaw ko ang isang bata na tumakbo papalapit sa kanya. Tinalikuran niya ako habang nagtamo ako ng sugat na siyang rason na wala na si Philip.

Ngayon, sa hindi inaasahan, siya ulit ang kaharap ko. Sa ikatlong pagkakataon, nasa harapan ko siya. Ilang pulgada lamang ang layo namin sa isa't isa. Diretso lamang ang tingin niya sa aking mga mata—na parang bang sinusubukan niya basahin ang aking isipan. Hawak niya'y katulad sa aking dala-dalang ilaw—isang perlas na lumiliwanag sa dilim.

Kung nababasa niya man, sana malaman niyang gusto ko na siyang ibalik sa Titania nang matapos ang lahat.

Sana malaman niyang gusto ko siyang mahagkan muli.

Sana malaman niyang kay lupit ng tadhana sa ganitong paraan pa kami magkakatagpo muli.

Pero, sana malaman rin niyang kinamumuhian ko na siya.

Walang anong emosyon ang mababakas sa kanyang mukha, hanggang sa lumapit pa ito sa akin.

Ilabas ko ang hawak kong sandata at kaagad na itinutok sa kanya. Ikinaatras naman niya ang aking ginawa.

Hinding-hindi ko na hahayaan ang sarili ko na madala sa aking nararamdaman. Huling beses na ginawa ko iyon ay nawalan ako ng kaibigan.

Kinalimutan na niya ako. Hindi na siya ang Xandrus na nakilala ko. Ibang katauhan na ang nasa harapan ko—isa na siyang 'di hamak na hari ng mga taga-Agua.

"Subukan mong lumapit—"

"Jai."

Tila natigil ako nang tawagin niya ako.

Sinubukan kong itanggi ang narinig ko. Baka iba ang narinig ko o 'di kaya'y gawa-gawa lang iyon ng aking isipan.

"Jai, iyan ang pangalan mo 'di ba?"

Muli niyang pagbasag sa katahimikan. Hindi ko alam kung paano tumugon sa oras na iyon. Napa-iling lamang ako, at sinubukan muling itanggi ang narinig ko.

"Hindi mo na ako kilala," diin ko.

"Kilala kita."

Iniisip kong patibong lamang ito, gayong ilang beses tinawag nina Raphael ang aking pangalan nang minsan kaming nagkaharap sa Palasyo ng mga taga-Agua.

"Nililinlang mo ako. Hindi mo ako kilala, at hindi na rin kita kilala," mariin kong sabi.

May hinablot naman siya sa kanyang bulsa, at isang pulseras ang kanyang ipinakita sa akin. Akala ko namamalik-mata lamang ako ngunit alam ko ang pulseras na iyon.

Iyon ang minsang niregalo ko sa kanya noon. Buo pa ang pulseras, na parang bang kahapon ko lang ito binigay sa kanya.

"Kilala kita. Alam ko ang iyong pangalan. Palagi kitang napapanaginipan. Parati kang nagpapakita sa aking mga panaginip simula noong napadpad ako rito. Wala man akong natatandaan na anuman sa pagitan natin—kahit ilang beses ko nang pinilit—pero matagal ko nang inaasahan ang iyong pagdating," kanyang paliwanag.

Kahit rinig ko ang iyon, hindi ko binaba ang aking sandata. Dahil sa kanyang sinabi, nagdadalawang-isip akong tapusin siya.

Sinubukan niya ulit na lumapit sa akin. Nanatili lamang ako kung saan ako nakatayo, hanggang sa nakakuha ako ng tamang pagkakataon upang makatakas.

Tinulak ko siya at tinahak muli ang daan pabalik sa loob ng kweba, ngunit nakarinig naman ako ng mga sigaw. "Rei Xenos! Rei Xenos!"

Hinila niya ako at itinago sa isang sulok. Saktong may dumating at hinarap niya ang mga ito habang nakatago ako sa gilid. Nang sinilip ko, dalawang kawal ang sumunod dito.

"May hinahanap lamang ako," maawtoridad niyang bungad sa kanila.

"Pinapatawag kayo ng Reina Naida," tugon naman ng isa sa mga kawal. "Ayaw niyang pagala-gala ang may hawak ng Aire Quimera."

Aire Quimera. 'Yan ang aking narinig. May hawak ng Aire Quimera.

Si Xandrus ang may hawak.

"Kung gano'n, tayo ay lumisan na," sabi niya saka sila humakbang paalis.

Nang sumilip ako, lumingon ito sa akin, bago ito nagpatuloy na lumisan. Hinayaan niya ako. Hindi niya ako pinahuli ng mga kawal.

Kilala niya ako.

Sa pagkakarinig ko naman, Xenos ang tawag sa kanya. Kung gan'on, hindi rin niya natatandaan ang sarili niyang pangalan. Pati lahat ng pinagsamahan namin, hindi na niya naaalala. Kaya siguro, sa bawat pagkakataon na nagkaharap kami, parati siyang nagdadalawang-isip.

Bigla naman naagaw ang aking pansin sa isang kumislap sa sahig. Kinuha ko ang perlas mula sa bulsa ko at inilawan ang kumikislap.

Sa unang tingin, hindi ako sigurado kung totoo nga ang hinala ko.

Akala ko iyon ang pulseras na bigay ko sa kanya noon.

Pero, hindi.

Hindi ako nagkakamaling ito ang hinahanap namin at sinusubukang bawiin mula sa kamay ng mga taga-Agua.

Ang Pulseras ng Aire Quimera.

Pero, si Xandrus ang may hawak nit—

Saka ko lamang napagtanto ang kanyang ginawa. Sinuko niya ang Aire Quimera sa akin, sa pagkakataong hindi ko kailanman inaasahan.

Kung isinuko niya sa akin ang Pulseras, paano ang Reina? Malalaman niya ang tungkol rito at posibleng mapahamak si Xandrus.

Hindi pa naman mawawala kaagad ang kapangyarihan ng Aire Quimera sa kanya. Sa aking pagkakatanda, naagaw ko dati kay Ranse ang Pulseras, kaso hindi kaagad nawala sa kanya ang kapangyarihan nito.

Sinuot ko ang pulseras at paalis na sana sa kweba nang may naramdaman ako. May pwersang dumaloy mula sa pulso ko hanggang sa kumalat ito sa buong katawan ko. Halos hindi ko maunawaan kung ano ang nababatid ko at sunod na nangyari ay nakalutang na ako sa ere.

Sinubukan kong bumaba na siyang kaagad na nangyari naman.

Batid kong hawak ko na ang kapangyarihan ng Aire Quimera.

Kailangan kong makabalik sa Reino del Aire at ipag-alam ang tungkol rito sa lalong madaling panahon. Tinahak ko muli ang daan patungo kung saan ako umahon, ngunit nang ako'y nakalabas, kaagad may bumungad sa akin.

Lagpas sampung mga kawal ang nakaantabay, at dali-dali ko naman hinablot ang aking sandata. Nakatingin lamang ako sa kanila, ngunit pansin kong hindi sila gumagalaw at nanatili lamang sa kung saan sila nakatayo.

Nanatili lamang silang nakaantabay.

Nakikita ba nila ako?

"Libutin ang buong kweba. Siguraduhin niyong walang nakapasok rito," utos ng kanilang pinuno at naghiwa-hiwalay silang lahat.

Naiwan akong nagtataka sa nangyari. Nasa harapan ko lamang sila pero hindi nila napansin ang aking presensya.

Batid kong tumatalab na sa akin ang pulseras. Napansin kong kumislap ang Banal na Bato rito, na parang bang may ipinapahiwatig sa akin.

"Pigilan mo ang Agua Dragua, bagong tagahawak."

Isang boses ang aking narinig sa aking isipan. Isa lamang ang naiisip ko—galing iyon sa Aire Quimera. Kinakausap ako mismo ng Alagad ng Diyos.

Nangyari na ito sa akin dati, noong hawak ko pa ang Ave Fenix. Ngayon, sa Aire Quimera naman.

May nababatid rin akong pwersa na humihila sa akin. Randam kong ayaw nitong paalisin ako rito sa isla. Wala akong magawa, kung 'di sundin ito kung saan man ako balik nitong dalhin.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon