Kabanata VII

62 7 1
                                    

Jai

Sana umayon sa plano ang lahat.

Sana.

"Magandang araw, mamamayan ng Silangang Serentos," aking panimula sa harap ng mga tao dito sa munting entablado. "Sa araw na ito, tatlong taong nakalipas, ay napalaya ang lupain natin mula sa kasakiman ng mga Siquestro. Kung kaya't mahalagang ipagdiriwang natin ang araw na nakamit natin ang kapayapaan—ang inaasam ng mamamayan nang kay tagal dito sa ating Kaharian."

Napatingin ako sa kalapating hawak ko. "Sa araw na ito, ipagdiriwang natin ang Araw ng Kapayapaan."

Iniangat ko sa ere ang ibon at siya'y tuluyang pumasgaspas sa hangin nang makamit niya ang kalayaan mula sa mga kamay ko. Lahat nama'y nagpalakpakan at nagsipaghiyawan sa pagsisimula ng pagdiriwang namin.

Nakihalubilo pa ako saglit sa mga tao, at nakatanggap pa ng mga regalo't imbitasyon ngunit pinagsabihan sila ni Pinunong Lino na maghahanda pa ako sa piging sa aming Palasyo.

Bukod sa mamamayan ng aming Kaharian, marami rin ang dumadayo rito na galing pa sa ibang Kaharian. Kung kaya't mas pinaigting rin ni Pinunong Lino ang pagbabantay sa mga pumapasok dito.

Bukod pa riyan, inaasahan namin ang mga dayo ng mga Hari't Reyna mamaya sa aming piging.

"Kamusta ang magiging araw natin, Chonsela?" aking tanong sa kanya.

"Inaasahan na magiging maligaya ang araw na ito, Kamahalan. Tanging nakikita ko lamang ay nagkakasiyahan ng mga tao sa mga bayan," kanyang tugon.

"Mabuti naman kung gano'n," aking sabi habang aking bitbit si Ryubi na mukhang matagal nang nananabik sa akin. Siya'y dinala sa Academia upang pag-aralan ang kanyang mga abilidad at mahanap rin ang pinanggagalingan niya. Ngayon ay binalik na siya sa akin sa tulong ni S'Akessiya.

Nagtungo ako sa silid kung saan nag-aantay ang dalawang Sadhaka na binigyan ko ng misyon. Binati naman nila sa ako sa aking pagdating.

"Kay tagal na nating hindi nagkita," aking sabi nang mabigyan ko sila ng yakap. Napalapit na rin sa akin sina S'Akessiya at S'Norekko simula noong naging Hari ako rito. "Kamusta?"

"Mabuti naman, Kamahalan," tugon ni S'Norekko.

Sila ang nabigyan ko ng misyon na hanapin si Xandrus. Magtatatlong taon na rin ngunit batid kong parang wala pa rin silang makuhang kasagutan kung saan na nga ba si Xandrus.

Isang pag-iling ang nakuha ko mula sa kanila. Kaunti na lang ay mawawalan na ako ng pag-asang mahanap pa siya.

"Ngunit, Kamahalan, may nakuha kaming impormasyon mula sa iilang retiradong Sadhaka," sabi ni S'Akessiya at may nilapag na mga mapa sa mesa.

"Maaaring wala si Xandrus sa kalupaan ng Titania," dagdag niya. "Ayon sa kanila, meron pang mga lupain sa labas ng Titania."

"Kung meron man, bakit kalupaan ng Titania lamang ang nakikita sa lahat ng mga mapa't aklat?" aking katanungan.

"'Yan ay upang maiwasan na manglakbay pa ang mga tao sa labas ng Titania. Masyadong delikado ang tumawid sa mga karagatan. May sumubok, ngunit iilan lang nakabalik," tugon naman ni S'Norekko.

Puno pa rin ng pagtatako ang aking isipan. "Bakit naman na inisip niyong nasa ibang kalupaan ni Xandrus?"

Nagkatinginan sila sa saglit. "Hindi kami sigurado sa aming nakalap ngunit may nakapagsabi sa amin na hindi raw dito sa Titania nagmula ang Apat na Banal na Alahas," sagot ni S'Akessiya.

"Posibleng dinala si Xandrus ng mga Alahas sa lugar na pinaggalingan ng mga ito," dagdag pa niya.

"Inisip rin namin na kung makakausap man lang namin ang iyong Ama, siguro masagot niya kung saan nanggaling ang kwintas mo at ng iyong kakambal," sabi naman ni S'Norekko.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon