Kabanata XXXIII

37 5 0
                                    

Jai

Pagsapit ng umaga, muli kaming nagtipon kasama si Hulian sa isang silid, maiban kay Grietta na nagpapahinga sa kanyang kwarto. Kakatapos lang rin ng agahan namin na inihanda ni Hulian para sa amin.

"Alam ng mga taga-Fuego ang tungkol sa mga banal na bato, 'di ba?" tanong niya sa amin.

Isang pagtango ang aking naging tugon ko upang kumpirmahin iyon. "Nagtangka pa nga silang kunin ang aking kwintas ngunit, nabigo sila at pinagbantaan mismo ng Ave Fenix."

Natawa naman siya. "Aba'y dapat lang! Walang araw na may naririnig kaming kaguluhan dyan sa Reino nila! Mabuti't nagpakita sa kanila ang Ave Fenix. Puro galit, reklamo, at ingay ang binubulong ng hangin mula sa kanilang isla. Balita ko nga'y may tumatakas doon at lilipat ng tirahan kina Danaia. Alangan naman doon sa Reino del Agua, ipagtatabuyan lang sila roon," aniya.

"Pasalamat nga talaga, kinupkop kayo ni Danaia. Kaso nga lang, walang duda nga't madali lang malinlang ang kanilang Reino dahil sa mapagkumbaba niyang ugali," dagdag niya. "Pasalamat rin siya't kaibigan niyo lang ang pakay niyo rito. Alam niyo naman siguro na ang kanilang Reino ang sinisisi sa pagkasira't pagkawala ng mga biyaya ng Apat na Alagad ng Diyos sa amin."

Binigyan naman siya ng tsaa ng isang Myusa na kaagad niyang ininom. 'Yon nga lang, napaso siya, kaya kaagad niyang binaba ang tasa.

"Gayon pa man, handa akong tumulong sa inyo. Dito kayo dinala ng Diyos. Nakwento na rin ata sa inyo na bihira lang may napapadpad na buhay rito sa mga Reino. Ibig sabihin, mayroon talagang rason kung bakit kayo dinala rito ng malawak na karagatan," aniya.

Muli siyang uminom sa tsaa niya, pero ngayo'y hinihipan na niya ito. "Sa tingin ko'y makakatulong sa inyo ang mga taga-Fuego."

Kumunot naman ang noo ni Raphael nang nagsalita ito. "Muntikan na nila kaming ibigti sa harap ng mga tao, tapos hihingi kami ng tulong do'n?"

"Hijo, kalma. Baka nahimasmasan na sila sa sermon ng Ave Fenix. Isa pa, mas mabuti na 'yong marami ang kakampi. Gusto mo bang magsanib-pwersa ang mga taga-Agua at Taga-Tierra laban sa inyo? Paalala, malaki ang posibilidad na nasa kanila ang iyong kaibigan at ang mga banal na bato. Kaya't kailangan niyo ng malaki ring pwersa laban sa kanila," paalala ni Hulian sa amin.

May punto nga s'ya.

"Pupunta ako ngayon," sabi ko sa kanila.

"Ikaw? Nang mag-isa?" tanong ni Leia.

"Sasama kami," ani Ella.

"Kalma, kalma," pagtigil ni Hulian sa amin. "Talagang sasamahan niyo siya dahil pagtutulungan siya doon ng mga taga-Fuego."

Kinuwento naman ni Hulian na siya ang pinakamatanda sa kanilang henerasyon bilang tagapagmana ng Reino. Sumunod sa kanya ang tagapagmana ng Reino del Agua, at halos magkasabay na ipinanganak naman sina Fidel at Danaia. Alam niyang may namamagitan sa dalawang bunso niya. "Bagay nga silang dalawa. Isang makisig na taga-Fuego, at isang napakagandang taga-Tierra. Kaso nga lang, mataas pa rin ang tingin ng mga taga-Fuego sa kanilang mga sarili na siyang hindi gusto ng mga taga-Tierra," aniya.

"Ikaw po, natipuhan mo rin ba 'yong taga-Agua?" tanong ni Hulian, dahilan upang mabilaukan siya sa kanyang iniinom.

"Punyemas," pagmura niya. "Ayoko n'on, sama ng ugali ng babaeng 'yon. Tsaka, balita ko, may anak na siya. Mas nauna pa nga sila magkaroon ng tagapagmana ng kaharian, habang nagsasaya ako dito sa palasyo ko nang mag-isa."

Matapos ang pagkukuwento sa amin ni Hulian, nagpasya muna kaming bumalik kina Danaia at ipaalam sa kanya ang bago naming plano. Maiiwan muna si Grietta rito sa pangangalaga ng mga Myusa at ni Hulian. Kung sakaling makuha namin ang loob ng mga taga-Fuego, saka naman kami babalik rito sa Reino del Aire upang ipagpatuloy ang plano naming salakayin ang Reino del Agua at hanapin si Xandrus.

Nakabalik kami sa Reina de Tierra at sinalubong muli sina Danaia sa kung saan sila nanatili habang wala kami.

"Kumusta? Natulungan ba kayo ni Hulian?" kaagad na tanong ni Danaia sa amin.

"Pinayuhan niya kaming kunin ang loob ng mga taga-Fuego bago pa sila kumbinsihin ng mga taga-Agua na makipagsanib-pwersa, mabawi lang ang kapangyarihan ng Ave Fenix," tugon ko at mukhang naiintindihan naman niya.

"Tamang-tama, darating si Fidel. Sumama kayo sa akin," sabi niya kaya sumunod naman kami.

May bigla namang humawak sa akin, at nakaramdam ako ng enerhiyang dumaloy sa aking isipan. Nang humupa, nakilala ko kung sino ang may gawa n'on. "Philip—"

"Para naman may alam ako sa nangyari sa inyo do'n," aniya at hinayaan ko na lang siya.

Sa kabilang dako ng isla, kung saan matatanaw ang isla ng mga taga-Fuego, makikitang may bangkang pumalaot patungo sa aming dalampasigan. Nang makalapit na ito sa amin, kaagad ito bumaba at itinago naman ako ni Danaia sa kanyang likuran.

"Fidel," kanyang pagtawag niya sa kanyang pangalan.

Nang matanaw ako ng taga-Fuego, napabuntong-hininga lamang ito at bahagyang yumuko. "Hindi ako naparito upang labanan ang tagahawak ng kapangyarihan ng Ave Fenix," aniya. "Narito ako upang imbitahin ang Ave Fenix sa aming pagtitipon ngayong gabi."

Tamang-tama. Pagkakataon ko na ito upang makausap ang kanilang angkan.

"Sa isang kondisyon," pagsalita muli niya. "Ikaw lamang ang magtutungo."

Kaagad humakbang si Philip. "Hindi pwede."

"Philip," pagpigil ko sa kanya. Ako naman ang humakbang upang kaharapin si Fidel. "Papayag ako."

Saksi ng mga mata ko ang pagpinta ng pag-alala't takot sa mukha ng mga kaibigan ko. "Kaya ko na ito. Wag kayong mag-aalala sa akin," sabi ko sa kanilang lahat.

Nilapitan ko naman si Fidel at tinanggap ang kamay na inilahad niya. "Ipagkakatiwala ko sa iyo ang kaligtasan ko. Kung sisirain mo man ang aking tiwala ngayong gabi, ipagdarasal niyong na babalik pa sa inyong Reino ang biyaya ng Ave Fenix," aking sambit na ikinatango niya naman.

Bago ako lilisan, binigyan ako ni Danaia ng masusuot ko sa pagtitipon. "Ito lamang ang pinakamagarang maihahandog ko sa iyo," aniya sabay abot sa akin ng damit.

Nang tinignan ko ito, namangha ako sa itsura ng susuotin ko. Hindi ito malayo sa ipasuot niya sa akin bilang tagabantay niya, ngunit hindi maipagkakailang magara nga ito. Halos kulay puti ito na may berdeng burda, na parang pinagkaisang balabal at bestida na may talukbong. Paparesan ito ng berdeng sinturon. "Sobra-sobra na ito, Danaia."

Isinuot ko naman ito at nang lumabas ako sa silid, nagsipagtinginan ang lahat sa akin.

"Wah," tanging nasabi ni Ella.

Pati si Philip at Raphael, natulala rin.

"May mali ba? Parang hindi—"

Sabay-sabay naman sila nagsipagtutol sa sinabi ko.

"Akala kasi namin, ikakasal ka ulit," sabi ni Leia. "Ang ganda-ganda mo talaga, Jai."

Medyo nakakaramdam ako ng hiya dahil papuri nila, ngunit hindi na nagtagal ang aming usapan dahil inaantay na ako ng kabilang Reino. Sa labas, muli ulit dumilim ang kalangitan at tanging kasama ko lamang sa pagtawid ang Prinsipe mula sa Fuego. Sumakay na ako sa bangka niya at nagsimula na siyang magsagwan.

Sa muli kong paglingon, binigyan ko lamang sila ng isang ngiti, nang mapawi ko ang pangamba nila kahit papaano. 

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon