Kabanata XXV

46 5 0
                                    

Jai

Nakarating kami sa isang parte ng kagubatan kung saan kay raming namumungang mga prutas at gulay. Binigyan niya ako ng isang basket at kami'y namitas ng mga bunga. Sa dulo ng lugar na iyon ay may nagsasalo-salo. Pinagtitinginan ulit ako ng mga tagarito ngunit si Danaia na raw bahala sa kanila.

Doon ay kumain ako nang mabuti at kaagad nawala ang sakit sa katawan ko. Medyo hindi ko na nararamdaman 'yong pagod at gumagaan na ang pakiramdam ko. Si Danaia naman ay aliw-aliw sa pakikipaghalubilo niya sa iba. Batid kong siya ang pinuno nila o 'di kaya'y may mataas na katungkulan rito.

Nang nakita niyang kakatapos ko lang kumain ay lumapit ulit siya sa akin. "Kamusta ang pakiramdam?" tanong niya.

"Maayos naman," simple kong tugon.

"Mabuti naman. Maya-maya naman ay lilisan tayo upang igala kita rito," aniya saka siya nakihalubilo muli.

Nakakaaliw pagmasdan ang kanilang salu-salo rito, ngunit ramdam ko pa rin ang takot ng iba sa kanila dahil sa aking presensya.

Nais kong malaman kung anong kwento sa likod ng takot nila sa isang invasor na tulad ko, at kung bakit kay layo nitong lugar sa kalupaan ng Titania.

Pagkatapos ng salu-salo ay lumisan nga kami ni Danaia roon. Wala naman akong ideya kung saan niya ako dadalhin, ngunit batid kong hindi naman niya ako ipapahamak.

Hindi ko maiiwasang tumingala dahil sa tangkad ng mga puno rito. Hindi ko maiwasang magandahan sa lugar na ito habang sumunod ako kay Danaia.

"Ikaw ba ang pinuno rito?" naitanong ko.

"Parang gano'n na nga," aniya. "Kakapanaw pa lang ng mga magulang ko na siyang nangunguna sa Kahariang ito."

"Anak ka ng Hari't Reyna rito? Kung gano'n, isa kang Prinsesa?"

Umiling naman siya. "Sa kahariang ito, ang aming angkan ang napili ng Tierra Tortuga na mangunguna rito. Mula sa ninuno ko hanggang sa apo ng apo ng apo ko, gano'n. Walang hari at reyna, kaya malaya ang lahat sa kanilang gustong gawin, ngunit naayon sa kagustuhan ng Diyos na mapanatili ang kapayapaan ng buong mundo."

Naintindihan ko naman ang kanyang ibig sabihin. Sa bagay, kung may hari't reyna ay may mga limitasyon na minsa'y magiging balakid sa kalayaan ng karamihan.

"Batid kong hindi ka pangkaraniwang taga-Titania lamang, tama ba?" panimula niya sa aming pag-uusap habang tinatahak ang isang madamong daanan. Pansin ko namang nagbibigay-daan ang mga damo sa daanan.

"Ako'y Hari ng Silangang Serentos, isang kaharian sa katimugan ng Titania," aking tugon.

"Tungkol naman sa kapangyarihan mo?"

"Ang kapangyarihan ko'y nagmula sa aking kwintas na ibinigay sa akin ng aking Ama bago sila pinaslang ng dating namumuno sa aming Kaharian," aking maikling kwento. "Taglay ko'y kapangyarihan ng Ave Fenix."

Napatigil naman siya kaya napahinto rin ako.

"Tama ba ang narinig ko? Ave Fenix?" kanyang tanong nang ako'y hinarap niya.

Tumango lamang ako saka ko ipinakita ang aking suot na kwintas. Napasinghap naman siya at nilapitan ako. Natataranta siyang takpan ang kwintas ko. "Itago mo! Baka may makakita!"

Saka naman niya ako hinila patungo sa isang puno na siyang kay laki sa mga puno rito sa kagubatan. May nakasalubong kaming tagarito na hindi maiwasang tumingin sa akin dahil na rin sa aking kasuotan na malayo sa mga kasuotan nila rito. Nagbigay-galang naman ang mga nakasalubong namin kay Danaia.

Huminto siya at sa isang padyak niya, umangat ang lupang inapakan namin. Hindi na ako medyo gumalaw pa dahil baka ako'y mahulog. Nang huminto ang pag-angat nito ay bumaba kami sa isang balkonahe na pinakatutok ng itong puno.

Mula rito ay matatanaw na ang buong kaharian at ang kay asul na kalangitan.

Pinaupo niya ako at kami'y nagkaharap muna sa isang mesa. "Ave Fenix?" muli niyang tanong na ikinatango ko.

"Ibig sabihin, napunta sa iyo ang isa sa mga sagradong bato na ninakaw ilang dekada na ang lumipas," aniya. "Paano nakuha ng iyong Ama ang bato?" kaagad niyang pahabol.

"'Yan ay hindi ko malaman, ngunit isa siyang mang-aalahas at nagawa niyang makuha ang dalawang alahas na may batong nagtataglay ng kapangyarihan. Isa sa dalawang alahas na iyon ay ang suot ko, at ang isa naman ay suot ng kapatid ko na kasamang naglaho sa digmaan noon," aking panimula tungkol sa kwento ng aking kwintas.

"Dati na niyang plano na kunin ang dalawa pang alahas ngunit siya'y pinaligpit bago pa man magawa na iyon," dagdag ko na siyang pinakinggan niya nang mabuti.

Tumayo naman siya at may kinuhang balumbon na kanyang binuklat sa mesa. Sa balumbon na iyon ay may nakaguhit na apat na bato na nakalutang sa loob ng isang kweba.

"Isa sa mga sagradong bato ang laman ng kwintas mo," aniya sabay turo sa pulang bato sa guhit. "Iyan ang batong biyaya ng Ave Fenix sa Reino de Fuego, ang Kaharian ng Apoy."

Kwento pa ni Danaia, ang apat na kaharian rito ay biniyayaan ng apat na alagad ng Diyos: ang Ave Fenix, Aire Quimera, Agua Dragua, at Tierra Tortuga. Bawat kaharian ay yayabong ayon sa elementong taglay ng mga alagad. At, bawat kaharian ay magiging makapangyarihan dahil sa mga batong handog ng mga alagad.

Noon ay nagkakaisa pa ang lahat ng kaharian. "Nanatili ang kapayapaan sa gitna ng mga Reino hanggang sa may dumating na mga invasor."

Aniya, malugod na tinanggap ng mga tagarito ang mga invasor ngunit lingid sa kaalaman ng lahat na may dala silang kapamahakan rito. Nang malaman ng mga invasor ang tungkol sa apat na bato na nanatili sa kapayapaan at kapangyarihan sa mga kaharian, nagtungo sila sa sagradong kweba at tinangay ang mga bato.

Mula noon, hindi na nakita pa ang mga invasor at nagkagulo na ang apat na Reino. Hindi na muling nagkaisa ang mga kaharian tulad ng dati at patuloy pa rin ang pagtatalo kung sino ang dapat sisihin sa nangyari. "Kung gano'n, sa Titania nagtungo ang mga magnanakaw," kanyang napagtanto.

"Mabuti't dito ka napadpad at hindi sa napaka-agresibong Reino de Fuego," sabi niya. "Baka kinuha na nila ang kwintas mo at baka maging mas agresibo pa sila kapag bumalik ang kapangyarihan ng Ave Fenix sa kanila."

"Nag-alaala na rin ako sa kalagayan ng mga kasama ko. Baka sa ibang isla sila napadpad," sabi ko sa kanya.

"May mga kasama ka?!" gulat niyang tanong na ikinatango ko lamang.

"Naku, lagot na kung sa ibang Reino sila mapapadpad!" nag-aalala niyang sabi.

May kinuha naman ako mula sa aking bulsa. "May iibigay sana ako sa iyo," paalam ko bago ko nilagay sa mesa ang aking kinuha at pinakita sa kanya. "Ngayong isasauli ko ang isa sa mga batong pagmamay-ari ninyo, matutulungan niyo ba akong mahanap ang mga kaibigan ko?"

Mukhang nagulat muli siya nang mapagtanto niya kung ano ang hawak ko.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon