Jai
Sa aking hudyat, nagkabuwag ang mga kadenang pumulupot sa amin at lahat ay napunta kay S'Norekko. At sa isang iglap, tumilapon ang bawat piraso ng kadena sa mga kawal ng Agua.
Napunta ulit sa amin ang atensyon ng Reina, ngunit bago pa man siya makakumpas ay naunahan ko na siya. Kaagad akong nagtapon ng mga bolang apoy patungo sa kanyang gawi.
Nilingon ko naman ang Agua Dragua na susugod na sa akin. Hindi ako nagdalawang-isip na magpakawala ng isang matinis na sigaw, at nanghina ang nilalang sa harap ko.
Hindi ko naman inasahan ang isang malakas na pagtulak sa akin mula sa aking likuran, kaya't tumilapon ako mula sa aking kinatatayuan.
"Kamahalan!" rinig kong sigaw ni Akessiya.
Nagmadali akong tumayo at bago pa man sumugod ulit sa akin ang lider ng kawal ng Agua sa akin, isang sapot ang pumulupot sa kanyang katawan.
Nilingon ko si Akessiya, na siyang nagpatumba sa lider ng kawal. Nilingon ko naman si Ella na siyang hawak sa Reina. Kaagad kong nilapit ang Reina na nagpupumiglas na makatakas.
Nagsipagdatingan naman ang iba pang mga kawal ng Palasyo, ngunit batid kong iba sila sa mga nakaharap namin ngayon. Nasagi naman ng paningin ko ang pagsilay ng mapang-asar na ngiti mula sa Reina.
Itinutok ko ang isang patalim sa leeg ng Reina. "Subukan niyong lumapit sa amin, o mawawalan kayo ng Reina sa inyong kaharian," aking pagbanta sa mga kawal.
"Kay tapang naman ng invasor na ito," sabi ng Reina sa tabi ko.
"Hindi kami susugod rito kung wala kayong tinatagong hindi namang taga-rito at hindi iyo, Kamahalan," aking sambit, ngunit hindi siya nagpatinag.
"Lahat ng naririto ay akin. Kung may tinatago man ako, wala na kayong pakialam dahil akin ang lahat na naririto sa Kahariang ito!" pagpupumiglas niya sa kapangyarihan ni Ella.
Tinignan ko ang suot niyang alahas at sa isa pang pagkakataon, nakita ko muli ang kwintas ng kapatid. Nasa kanya nga ang kwintas ni Eirob, kaya't nakokontrol niya ang Agua Dragua.
"Itigil na ito, pakiusap," isang boses mula sa kawal ang umagaw sa aking atensyon.
Sa aking paglingon, natanaw ko ang misyon namin. Natanaw ko ang hinahanap namin. Natanaw ko ang itatakas namin.
"Xandru—"
Naglakad ito papunta sa akin, at ang mga mata ko'y nasa kanya lamang. Balak ko na sanang salubungin siya ng isang yakap ngunit sa hindi ko inaasahan, isang espada ang kanyang inilabas at initutok sa akin.
"Pakawalan mo siya," sabi niya.
Pagkatapos ng ilang taong hindi kami nagkita at nagkausap, nagkaharap muli kami, ngunit bakit sa ganitong paraan pa?
"Xandrus—"
"Hindi kita kilala," kanyang sambit.
Tila nadurog ang puso ko nang marinig iyon mula sa kanya. Sa kay tagal naming nawalay sa isa't isa, ganito niya ako babatiin.
"Ako si Jai, kaibigan mo. Kaibigan mo kami. Taga-Titania tayo, 'di ba?" nanginginig kong pangungumbinse sa kanya.
Isang pag-umiling ang kanyang tugon. "Wala akong kilalang Taga-Titania. Dito ako namuhay nang kay tagal kaya itigil mo na ito," aniya ngunit ayaw kong sumuko.
"Hindi ko siya papakawalan kung hindi ka sasama sa amin," pagtutol ko sa kanyang kagustuhan.
"Ama! Ina!"
Napunta naman ang atensyon ko sa isang bata na pinigilan ng kawal na makalapit sa amin. Tila ako ay naguguluhan sa oras na iyon.
Bakit tinatawag niyang Ama at Ina ang dalawang nasa tabi at harap ko ngayon?
"Maawa ka. Maawa ka sa anak namin," pagmamakaawa ni Xandrus sa akin.
Sa oras na narinig ko iyon, bumigat lalo ang pakiramdam ko. Pilit kong tinatagan ang aking loob, kahit na nagsimula nang rumagasa ang mga luha sa mga mata ko.
"Hindi mo ba talaga ako kilala?" muli kong tanong.
Nagkatitigan kami sa isa't isa, hinihintay ang magiging tugon niya. Ayaw kong tanggapin na nakalimutan na niya ako, kahit bilang kaibigan man lang.
Sa muli niyang pag-iling, nasagi ng paningin ko ang isang palaso na tamama kay Ella. Kaagad akong kumilos, at tinulak si Ella.
Bumagsak kami sa lupa, at kasabay ng iyon ay ang pagtakas ng Reina at ang pagtakbo nito kay Xandrus. "Tapusin na sila!" isang utos ng Reina na kaagad sinunod ng mga nag-aabang na kawal.
Hinila na ako ni Ella ngunit ang paningin ko ay nakasunod kay Xandrus. Tila wala akong marinig, kung 'di ang paulit-ulit na boses ni Xandrus sa aking isipan.
Hindi niya ako kilala.
May anak siya.
Pakawalan ko raw ang Reina.
Ni hindi man lang siya lumingon pabalik sa amin at sinalubong ang bata na hinarang kanina.
"Kailangan na nating umalis," sabi sa akin ni Ella.
"Hindi, hindi pwede," pagtutol ko at aking inalis ang kanyang pagkakahawak sa akin.
Rinig ko ang pagtawag nila sa aking pangalan ngunit hindi ko na pinansin at hinarap ang mga kawal ng Reina del Agua. Kaagad kong inilutang ang sarili sa ere, nakatingin pababa sa mga kawal.
Bigla namang nagsiliparan ang mga pana patungo sa akin, ngunit nang makaipon ako ng sapat na lakas, nagpakawala ako ng isang sigaw muli na siyang nagpaatras sa iba.
Dumausdos ako patungo kay Xandrus, ngunit nang hinarap ako ng Reina ay bigla itong nagpakawala ng pwersa ng tubig na siyang tumama sa akin. "Lumayo ka sa amin!"
"Hindi ako papayag!" pagtutol ko at muli akong nagtangkang lapitan sila, ngunit kaagad akong napaligiran ng mga kawal.
Kaya't nagpakawala muli ako ng apoy, at umikot, at laha'y natamaan ko't nagsipag-atrasan.
"AKO ANG TAGAHAWAK NG AVE FENIX. DAPAT KAYONG MAGHANDA SA DELUBYONG DALA NG ALAGAD NG DIYOS!"
Randam ko ang pag-init ng aking katawan sa kabila ng lamig ng panahon. Naglalagablab, nagliliyab, nagbabaga.
"Hinding-hindi ako papayag na hindi niyo siya isusuko sa amin," aking banta sa kanilang lahat at kita ko ang pamumuo ng takot sa kanilang mga mukha.
Isang malakas na pwersa ang aking pinakawala na siyang tumama sa Palasyong Yelo. Ang pagkasira nito'y naging masarap sa aking pandinig, at ang sigawan ng mga tao'y nagpapa-alab pa sa aking kalooban.
"Jai! Tama na!" rinig kong pagpigil ni Ella sa akin, ngunit hindi ko siya pinakinggan.
"Isuko niyo si Xandrus o masisira ang inyong Palasyo," aking sabi sa lahat, kahit na nagsisipagtakbuhan na mga kawal at tao.
Aakma na sana akong papasok ng Palasyo nang matanaw ko ang Reina sa kanyang trono, at may hawak nang palaso. Hindi ko na nagawang ilagan pa ang panang dumiretso sa aking gawi, hanggang sa naramdaman ko nang may mahapdi sa balikat ko.
Ako'y bumaba sa sahig, at napadaing nang mas humapdi pa ang tama ko. Tinanggal ko ang pana, ngunit pakiramdam ko'y tinutunaw ang aking kalamnan at patuloy itong lumalalim nang lumalalim na siyang hindi ko matiis na.
"Xandrus..." muli kong pagtawag sa kanyang pangalan, ngunit hindi pa rin siya lumingon sa akin, kahit na sugatan na ako't nahihirapan nang tiisin ang aking tama mula sa Reina.
Sunod na nangyari ay inalalayan na ako nina Leia, kasabay ng kanilang pag-alala sa akin. Hinatid nila ako palabas ng Palasyo, at dali-daling dinala sa kabilang isla. Bago pa man kami makaabot ay naramdaman kong paghina ng tibok ng aking puso.
Hanggang dito na lamang siguro ang aking buhay.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...