Huli na nang napagtanto nilang hindi nga si Jai ang kaharap nila ngayon, kung 'di ang kapatid nito.
"Sinasabi ko nga ba. Kanina pa ako nakaramdam ng may mali sa kanya," sabi ni Raphael.
Isang mapang-asar na ngiti ang sumilay sa mukha ni Eirob. "Pa'no ba 'yan? Nasa akin na ang dalawang Banal na Alahas. Mukhang hindi na matutuloy ang inyong plano," aniya sa kanilang grupo.
"Nasaan si Jai?" tanong ni Leia.
"Ewan ko. Baka nga, tuluyan na kayong iniwan ng isang 'yon," tugon niya na siyang hindi nagustuhang marinig ng mga kasama ni Jai.
Ikinumpas naman ni S'Norekko ang kanyang kamay at nagsiliparan ang mga de-metal na mga sandata patungo kay Eirob. Tumagos at pumulupot ang mga iyon sa kanyang katawan, ngunit napatawa lamang ito. "Aray, nasasaktan ako," sakastikong sabi niya, sabay halakhak bago siya nalusaw at tuluyan naging tubig.
"'Wag niyo siyang hayaang makatakas!" sigaw ni Fidel nang matanaw nilang tinatangay ng tubig ang dalawang Alahas.
Nang malapitan nila ito, bigla naman silang inatake ng mga golem na kanina'y nasa panig pa nila ito. Unang tumilapon sa malakas na tama ng isang golem ay si Raphael. Napadaing ito at kaagad tinulungan ng kanyang kapatid. Sa isang iglap, naglaho sila at sumulpot sa pwesto nina Danaia at Hulian. Muli silang naglaho at nakalayo sa mga golem.
Ngayo'y nasa tabi sila ng isang bahay. "Dito muna kayo. Kami na ang maghanap kay Jai at sa Reina Naida," ani Ella, ngunit kaagad siyang pinigilan ni Hulian.
"Ako na ang bahala kay Jai. Tulungan niyo si Fidel na makuha ang mga Alahas," pagtututol ng taga-Aire, at siyang sinang-ayon naman ni Ella.
Tinapik si Raphael at muli silang naglaho. Kasabay no'n ay ang pagtawag ni Hulian sa mga Myusa sa Reino del Aire. Bumulong lamang siya sa ere, kahit na't posibleng marinig ito ng humahawak ngayon ng Pulseras. Iyon na lamang ang natatanging paraan upang kaagad mahanap si Jai.
Nang umabot sa mga Myusa ang tawag niya, kaagad kumilos ang mga ito at lumisan mula sa Palasyo.
Bumalik ang kambal kung saan nila naiwan si Leia at Fidel, ngunit naabutan nilang nahihirapan na rin sila dahil lamig ng panahon at sa pag-atake ng mga golem. Nang tatamaan na si Leia ng bato mula sa isang golem, sumulpot sa kanyang tabi si Raphael at nakalipat sila ng pwesto sa isang iglap.
Kaharap naman ni Fidel ang kapatid ni Jai, ngunit tila nawawalan na siya ng laban rito. Hawak niya lamang ay ang Ave Fenix, at hawak ni Eirob ang Aire Quimera at Tierra Tortuga. Isa pa, gawa sa tubig ang katawan ni Eirob kaya't hirap si Fidel na mapuruhan siya.
Sunod na ginawa ni Fidel ay ang pagbitaw ng isang malakas na sigaw. Hindi ito natiis ni Eirob at kanyang nabitawan ang mga Alahas.
Kaagad kumilos si S'Norekko at ikinulong ang mga Alahas sa isang kahon gawa sa mga sandata, ngunit siya namang paghampas sa kanya ng isang golem, saka't tumilapon. Humina rin si Fidel dahil sa binitaw niyang sigaw, kaya't bumalik ulit ang atensyon ni Eirob sa mga Alahas.
Nilusaw niya ang kanyang katawan at kaagad lumapit sa de-metal na kahon, ngunit bago pa man niya ito makuha ay sumulpot si Ella. Kaagad niyang dinampot ang kahon, at naglaho sa harap ni Eirob.
Paglingon naman niya sa kanyang likuran ay sinalubong siya ng pwersa ng apoy mula sa mga palad ni Fidel. Siya'y dumaing at hindi na nagkaroon pa ng sapat na oras upang makatakas mula sa pwersang iyon.
Nang humupa ang apoy, wala na si Eirob sa kanyang harapan.
"Wala na siya?" kanyang tanong.
"Hindi pa," isang tugon ang kanyang narinig mula sa kanyang likuran, at siya'y tumilapon nang kay lakas.
"Imposible," sabi ni Raphael nang mapagtantong hindi pa nawawala ang kapangyarihan ni Eirob.
"Baka nakakalimutan niyong kailangan pang kusang isuko ng tagahawak ang mga kapangyarihan mula sa mga Alahas. Masyado kayong kampante," ani Eirob at sumugod muli kay Fidel.
"Ilayo si Fidel kay Eirob," sabi ni Ella at kaagad sumulpot si Raphael sa tabi ni Fidel.
Nalipat naman ang atensyon ni Eirob kay Ella na siyang may hawak ng mga Alahas. Nagbitaw ng isang malakas na hangin si Eirob papunta kay Ella, ngunit nagawa niya itong maiwasan.
Gumawa siya ng harang sa paligid ni Eirob, habang binibigyan naman niya ng oras si Leia na makabigay ng lunas kay Fidel. "Bilisan niyo!"
Ngunit, sa lakas ng pwersa mula sa loob ng harang, hindi na ito kayang matiis pa ni Ella. Dumadaing na rin siya dahil sa pumipintik na kirot sa kanyang katawan.
Dinagdagan naman ni Raphael ang harang upang mapigilan si Eirob na makatakas. "Leche, ang lakas niya!" sigaw ni Raphael.
Pinipigilan naman ni S'Norekko ang mga golem na pilit lumalapit kina Leia at Fidel, ngunit kahit anong hati siya sa mga ito ay mas dumarami naman ang mga golem.
"Hindi niyo ako matatapatan ng pipitsuging majika," sabi ni Eirob at biglang nawasak ang harang na gawa ng kambal.
Nanghina't bumagsak si Ella, pati na rin si Raphael.
Sa bilis ni Eirob ay sumulpot siya sa likuran ni Leia't mahigpit niyang hinawakan ang buhok niya. Napadaing na lamang si Leia sa pwersahang paghila sa kanya palayo kay Fidel hanggang sa tinapon siya nang kay lakas ni Eirob.
Si S'Norekko naman ang sumulpot sa likuran niya at winasiwas ang hawak na espada sa kanyang katawan, ngunit nasa anyong tubig pa rin ang katawan nito.
"Hindi mo rin ako matatapatan ng mahinang eskrimador na tulad mo," sabi ni Eirob at nagpakawala ng malakas na pwersa ng hangin na nagpatilapon kay S'Norekko.
Tila hinila ng hangin ang hawak ni Ella na kahon at dumapo sa palad ni Eirob, habang nakatingin siya sa walang malay na Fidel.
Napangisi na lamang ito nang makita ang lubhang kalagayan ng taga-Fuego. "Ang lakas naman ng iyong loob na tapatan ako," pagtawa niya.
Nang nilapitan niya ang taga-Fuego't hinanap ang Kwintas ng Ave Fenix, nagtaka siya dahil wala na ito kay Fidel. Kwinelyuhan pa niya ang walang malay na tagahawak. "Nasaan ang Ave Fenix?!"
Kaagad namang nasagot ang kanyang katanungan nang makaramdam siya ng malakas at mainit na pwersa mula sa kanyang likuran. Sa kanyang paglingon ay nakita niya ang mga babaeng umikot sa isang bulto.
Nang huminto sa pag-ikot ang mga ito, nawala sila't naglaho sa paningin ni Eirob, at tuluyang ibinunyag ang bulto. Nanlaki ang mga mata niya sa pagkagulat nang makita niyang suot na rin nito ang Kwintas ng Ave Fenix.
"Hindi maaari," sabi ni Eirob.
Kumislap ang suot nitong Kwintas at nagkatagpo ang kanilang mga tingin. "Ito ba ang hinahanap mo?" tanong ni Jai.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...