Kabanata XXVII

35 2 0
                                    

Jai

Isang malalim na hinga ang binitaw ng binibini. "'Wag muna sa ngayon," kanyang sabi na ikinataka ko. Akala ko ngayon na mismo kami kikilos.

"Nakalimutan ko pala ang tungkol sa kanya," aniya nang siya'y lumingon sa aking gawi. Nang lumingon rin ako ay may natanaw akong isang lalaki na tumatakbo papunta sa amin.

"Danaia ng Reino de Tierra," kanyang pagbati sa aking kasama. Pansin kong kakaiba ang kasuotan niya kumpara sa mga tagarito. Ako nama'y binigyan niya ng isang taas-kilay na tingin. "Guwardiya mo?"

Isang tango ang kanyang tugon. "Bakit, may problema ba?"

"Wala naman," pag-iling ng lalaki. "Pero sabi mo noon, ayaw mong may bumubuntot sa'yo?"

"Nagbago ang isip ko," ani Danaia at ngumiti. "May dala ka bang balita?"

"Meron nga," aniya at tumikhim bago nagsalita muli. "May dumaong na barko sa aming dalampasigan."

"Anong ibig mong sabihin?" inosenteng tanong ni Danaia, bagama't iyan ang rason kung bakit kami naparito sa baybayin.

"Isang grupo ng mga invasor," kanyang pagkumpirma sa aking kutob. "Hawak namin sila bilang mga bihag—"

Dahil sa kanyang sinabi, nailabas ko ang dala kong espada at itinutok sa kanya. "Nasaan sila?" aking tanong na siyang ikinagulat ng lalaki. Napaatras siya at inilabas rin ang kanyang matalim na sandata.

"Invasor," kanyang tawag sa akin. "Kung gano'n, ikaw ang hinahanap-hanap nilang nawawalang kasama."

"Ako nga."

Pumagitna naman si Danaia sa aming dalawa. "Puwede ba, ibaba niyo ang mga sandata niyo? Pakiusap."

"Isang maling hakbang ang pagtiwala mo sa isang invasor, Danaia," aniya. "Dahil sa mga invasor, nagkawatak-watak ang ating mga Reino."

"Hindi sila tulad ng mga invasor noon, Fidel," depensa ni Danaia. "Sila mismo ang bubuo muli sa ating mga Reino."

Sa oras na iyon, nakaramdam kami ng pagyanig ng lupa. Tila mga mabibigat na yapak na siyang parehong narinig ko kanina sa aking pagdating dito.

"Ano iyon?" sabi ng Fidel at nang lumingon kami sa pinanggalingan ng yabag ay nagulat sila. Mga golem.

Pansin kong may umiilaw sa tainga ni Danaia. Doon ko napagtantong suot niya pala ang hikaw.

"Golem," sambit ni Danaia. "Minsan lamang sila namataan sa panahong buo pa ang mga sagradong bato, ayon kay Ama."

Lumapit ang mga golem sa amin at maya-maya'y lumuhod ang mga ito sa aming harap. "Nagbibigay-galang sila sa iyo, Danaia," aking sabi sa kanya. "Kinikilala ka nila bilang tagahawak ng sagradong bato."

Hahakbang na sana si Danaia nang pinigilan siya ng Fidel. "Baka mapahamak ka," aniya ngunit tinanggal ng binibini ang kanyang kamay at nagpatuloy sa paglakad palapit sa mga golem. Nakaluhod at yuko pa rin ang mga ito nang hinawakan sila ni Danaia.

At doon ay nasaksihan namin ang pag-iba ng itsura ng mga golem. May tumubong mga munting halaman at lumot na katawan ng mga ito na siyang nagbigay-buhay mula sa lupa't bato na itsura. Kasing pareho lamang ng mga golem ni Khalios noon.

Pareho naman sila namangha sa nangyari.

Bukod riyan, may mga golem rin na lumapit sa amin ni Fidel, ngunit sa aming dalawa, siya lamang ang hinuli. "Bitawan mo ako!" pagpupumiglas ng lalaki na siyang bahagya kong ikinatuwa na pagmasdan.

"Bitawan nyo siya," utos ni Danaia at sumunod naman ang golem. Binitawan siya mula sa ere at bumagsak sa kabuhanginan. Kaagad naman siya nilapitan ni Danaia at inalalayan na makatayo.

Nasa tabi ko naman ang isang golem na nakatingin lamang sa akin. "Huhulihin mo rin ba ako?" tanong ko at sa surpresa ko'y umiling ito. 'Di ko alam na pwede pala sila kakausapin.

"Ba't niyo ko hinuli kanina?" tanong ko ulit at nagkibit-balikat lamang ang golem.

Naalala ko naman ang ginawa ni Danaia kanina sa mga golem. Siguro may mangyayari rin kaya kung hahawak ako sa mga golem.

Kaya, lumapit ako sa katabi kong golem at hinawakan. Doon ay mula sa tierra nitong itsura ay may dumaloy na natunaw na lupa't bato sa kanyang katawan at tuluyang nawala ang mga lumot at halaman rito. Naging mas katakot-takot itong pagmasdan, ngunit nasa aking kinatatayuan lamang ako't namangha sa aking nakikita.

Ganito rin ang ginawa namin ni Khalios noon.

Nang lumingon naman ako sa dalawa, pareho rin sila namangha sa aking ginawa, lalo na ang Fidel.

"Anong ibig sabihin nito, Danaia?" kanyang tanong ni Danaia ngunit nakangiti lamang ito.

"Pag-asa, Fidel. Pag-asa," kanyang sambit na ikinaiyak.

Pagkatapos ng iyon ay nagtungo kami sa isang sikretong lagusan ni Danaia. Isa lamang itong tagong kweba na naghatid sa amin sa isang silid. Doon ay nagkaharap muli kami ni Fidel na nagtataka pa rin sa aking pagkatao.

Nag-abot naman siya ng kamay na tinanggap ko. "Fidel ng Reino de Fuego," kanyang pagpakilala sa sarili.

"Jairovski ng Titania."

Nagtataka naman ako kung bakit may isang taga Reino de Fuego dito sa Reino nila Danaia, ngunit sa tingin ko nama'y malapit sila sa isa't isa.

Ramdam kong parang pinapaso niya ako sa kanyang palad, ngunit bago pa ako makaganti ay pinaghiwalay na ni Danaia ang aming mga kamay.

"Pakiusap, kumalma muna kayo kahit ngayon lang," awat niya sa amin.

"Katulad ng aking sinabi, isang maling hakbang ang magtiwala sa mga invasor, Danaia. Nalagay sa panganib ang lahat ng sinira at tinangay nila ang mga sagradong bato," panimula ng Fidel. "Alam mo namang ang Reino ninyo ang sinisisi kung bakit nangyari ang lahat ng ito—"

"Kaya nga, Fidel. Gusto kong kami rin ang magtatapos sa pagtitiis natin at magkaisa muli tayong lahat," aniya ni Danaia. "Kay tagal ko nang makahanap ng sagot sa aking mga dinarasal at ngayo'y dumating siya upang tulungan ako," dagdag niya sabay turo sa akin.

Kung gano'n ay mga ninuno ni Danaia ang sinisisi sa pagkakahiwalay ng apat na Reino.

Pinanliitan pa ako ng tingin ng Fidel. "Ngunit paano ka naman nakasisigurado na tutulong siya at hindi magdadala ng kapahamakan dito?"

Isang malalim na hinga ang binitaw ni Danaia bago tinanggal ang hikaw at ipinakita sa kanya. "Andito ang piraso ng sagradong bato ng Tierra Tortuga. Ito ang dahilan kung bakit nagpakita sa atin kanina ang mga Golem matapos ang ilang dekadang paglaho nila. Binibigay niya sa akin ito."

Mababakas sa mukha ni Fidel na hindi siya makapaniwala sa hawak ni Danaia. "Buhay pa nga ang mga sagradong bato."

Lumingon muli siya sa akin. "Kung gano'n, nasa iyo rin ang aming sagradong bato?" tanong niya kasabay ng panlilisik ng kanyang tingin sa akin.

Bago pa man ako makasagot, naunahan ako ni Danaia. "Wala sa kanya."

"Ngunit kani-kanina lamang ay nasaksihan kong naging apoy ang golem kanina dahil sa kanya," aniya.

"Nagkataon lang siguro iyon dahil andito ka sa aming Reino," tugon niya na pawang kasinungalingan lamang. Saka ko natandaan ang sinabi sa akin ni Danaia na hindi ko pala dapat ipagsabi kaninuman ang tungkol sa kwintas ko. "Wala sa kanya ang ibang alahas na naglalaman ng sagradong bato, ngunit alam namin kung nasaan ito."

"Pwes, magkasundo tayo," aniya sabay tingin sa akin. "Isauli niyo sa amin ang sagradong bato ng Ave Fenix kapalit ang buhay ng mga kaibigan mo."

"Fidel, hindi magandang biro 'yan," pagpigil pa ni Danaia sa kanya.

Isang pagtango lamang ang tugon na siyang ikinatuwa ng Fidel.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon