Xandrus
Sa oras na bumalik lahat ng mga alaala ko, kaagad kong nagpunta kung saan si Jai. Pinilit ko ang mga Myusa na kasama namin ni Nexus, anak namin ni Naida, ngunit ayaw nila akong payagang umalis. Naisip ko, iwanan ko sa isang nagngangalang Grietta si Nexus, saka ko tinakasan ang mga Myusa.
Tumalon ako mula Reino del Aire, at nang nilamon ako ng karagatan, lumangoy ako papuntang Reino del Agua. Hindi ko na naisip na baka mapahamak ako sa ginawa ko, dahil si Jai ang inaalala ko.
Kung bumalik ang mga alaala ko, ibig sabihin ay nakuha na ni Jai ang Kwintas mula kay Naida. Simula noong napadpad ako rito sa mundong ito, batid kong may tinatago sa akin ang Reina ng mga taga-Agua. Dumating ang pagkakataong nahawakan ko ang Kwintas, at sa kaunting saglit ay nagsibalikan ang mga alaala sa isipan ko.
Parati ko ring napapanaginipan si Jai.
Noong sumalakay sila sa aming Reino, ramdam ko nang pamilyar siya sa akin. Kahit sinubukan kong makalapit sa kanya, pinipigilan ako ng sarili kong katawan, na parang bang kontrol na rin ako ni Naida.
Ilang taon ako nagtiis sa mga parusa mula kay Naida. Pinilit niya akong makipag-isang dibdib sa kanya, at si Nexus ang naging bunga.
Nakatulong rin sa akin ang Pulseras ng Aire Quimera. Ang Banal na Alahas mismo bumubulong sa akin na isuko ito kay Jai. Kaya nang dinala ako nito sa isang kweba, hindi ko inakalang magkikita kami muli ni Jai doon.
Ngunit, hindi ko rin inakalang magiging huling pagkikita namin doon sa Reino del Agua. Gusto ko siyang yakapin. Gusto ko siyang mahagkan.
Gusto kong sabihin na mahal na mahal ko pa rin siya.
Nang mapansin ko ang kanyang katawan, sunog na ibang parte nito, pero hindi niya ipinakita sa amin na nasasaktan siya.
Nanlumo ako.
Nagkatagpo ang aming tingin, ngunit sa oras na iyon, iba ang kutob ko. Hindi basta-bastang tingin lamang iyon—isang tingin ng pamamaalam. "Salamat sa lahat. Kung hindi dahil sa'yo, hindi ko taglay ang tatag ng loob ko ngayon. Minahal kita, at masaya akong makitang buhay ka," sabi niya.
Nang iniwan niya kami hawak ang Apat na Alahas, sinigaw ko ng ilang beses ang kanyang pangalan, ngunit hindi niya ako nilingon. Hinila nila ako nina Raphael para makalayo na sa Reino. Paulit-ulit kong tinanong sa kanila kung saan pupunta si Jai, ngunit umiiyak lamang sila.
Hindi nagtagal, isang liwanag ang sumabog mula sa karagatan. Hindi ako nagkakamaling siya iyon.
Pinili niyang isakripisyo ang sarili alang-alang sa kinabukasan ng mga Reino.
Ngayo'y mag-iisang linggo na simula noong nangyari ang iyon. Mag-iisang linggo na rin naming hinahanap si Jai, ngunit walang anuman bakas niya ang mahagilap sa ilalim ng karagatan. Sinisid ko mismo ang kwebang pinuntahan niya, ngunit sira na ito. Hindi na rin mahagilap ang mga Alahas.
Tinanggap na nilang lahat na wala na si Jai, habang ako ay nananatili pa rin dito sa dalampasigan, umaasang aahon rin siya't babalik sa aking piling.
Nauna nang umahon ang katawan ni Reina Naida noong nakaraan. Napansin naming sobrang itim ng mga ugat niya, hanggang sa nalaman naming nalason siya at may saksak sa likuran. Posibleng naagaw ni Jai ang patalim mula sa kanya at naghatid sa kanya sa huling hantungan. Nakita naman siya ni Nexus, ngunit hindi ito umiyak sa paglisan ng kanyang Ina.
Minahal ko naman ng tunay si Nexus. Anak ko pa rin siya at may responsibilidad sa kanya. Higit sa lahat, sisiguraduhin kong hindi siya lilihis ng landas at magdala ng kapahamakan tulad ng Ina niya.
"Ama," kanyang pagtawag sa akin. "Kailan po babalik si Tito Jai?"
Niyakap ko si Nexus upang mapawi saglit ang pag-alala niya. "Hindi ko alam, pero babalik siya. 'Yan ang sabi niya."
Natuwa naman ako, kahit papaano, dahil tinawag niyang Tito si Jai.
Habang nag-aantay ako rito, rinig kong nagsagawa ang mga Reino ng isang pagtitipon para parangalan si Jai sa kanyang pag-alay ng sarili niyang buhay sa mundong ito. Gagawa raw rin sila ng isang rebulto upang makilala pa rin ang kagitingan niya hanggang sa lumipas ang panahon. Dahil sa kanya, nagkaisa na ang mga Reino bilang Reino Unidos.
Nalaman ko ring wala na si Philip. Sinakripisyo niya ang kanyang buhay para mabuhay lang si Jai—isang bagay na dapat ako ang gumawa. Handa ko namang ialay ang sarili ko para kay Jai, kaso huli na ang lahat.
At kung bumalik man siya, huli na rin ang lahat para magbalik ang loob niya sa akin.
Kasal na siya kay Lino. Iyan ang sabi sa akin ni Leia. No'ng oras na nalaman ko ang tungkol rito, hindi ako makapaniwala. Nagsumpaan kami sa isa't isa na hindi namin tatalikuran ang isa't isa magpakailanman.
Ngunit, nang ipinaliwanag nila sa akin ang lahat, napagtanto kong mas mabuti ngang nakahanap siya ng iba habang wala ako. Kay tagal na panahon siyang nag-antay sa akin, at sa loob ng mga taong iyon, nilamon siya ng lungkot, pangungulila at pagsisisi sa sarili. Kaya, nandoon si Lino para pasiglahin siya at mapawi ang lahat ng sakit ng pinagdaanan niya.
Kung saan siya masaya, do'n rin ako masaya.
Kahit na susubukang tangayin ng hangin ang mga alaala ng lahat na pinagsamahan namin. Kahit na tumanda na ako't maging ulyanin. Kahit na subukang agawin ng iba ang pwesto sa puso ko.
Hangga't humihinga pa ako, pangalan pa rin niya ang mananatiling nakaukit rito.
Palubog na ng araw, hindi pa rin ako umaalis sa pwesto ko. Kinuha na rin nila Leia si Nexus para bantayan muna siya habang nandito pa ako sa dalampasigan. Pinipilit nga nila akong umalis, pero buo ang loob kong babalik siya.
Ngayong mag-isa na lamang ako, batid ko ang lamig ng ihip ng hangin. Sumisilay na rin sa kalangitan ang mga bituing nagniningning. Napapikit ako't humiling. Sana dinig nila ang mga dasal ko.
Sa oras na dumilat ako, tila walang nangyari.
Pero, pansin kong may kung anong mga alikabok na sumasabay sa ihip ng hangin. Akala ko, simpleng buhangin lamang na tinangay, ngunit malalaki pa sa pinong buhangin ang mga alikabok at maitim ito.
At, nagliliwanag pa ang mga ito.
Umatras ako sa pangambang may susulpot na nilalang mula rito. Nang tumingala ako, mas dumami ang mga alikabok sa hangin at dumapo ito sa iisang pwesto. Hinanap ko ang pinanggagalingan nito, ngunit hindi ko mahagilap.
Nang dumapo ang lahat nang alikabok sa parehong pwesto, kaagad ko itong nilapitan. Inusisa ko ito at nalaman kong abo pala ito.
Wala namang nasusunog ngayon kaya saan galing ang abong it—
Biglang nagbaga ang mga abo at nagliwanag, at isang pwersa ang nabatid kong bumubuo mula rito. Bago ko pa mapagtanto ang nangyayari, nabuhay mula sa abo ang isang bulto ng tao, ngunit animo'y isang diyos ang kasuotan nito at tinatakpan ng mga pakpak.
Suot niya'y isang mahabang pulang bestida na pinalamutian ng ginto't mga laso. Bahagya itong nakaluhod sa lupa, at tila mahaba-haba na rin ang buhok niya.
Nang tumingala ito, nabuhayan ang pag-asa kong makita siya muli.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasíaBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...