Jai
Pagkataon ng aming kasundo ay nagpapasyahan na rin ng Fidel na umalis at bumalik sa kanilang Reino. Tunay ngang agresibo ang mga tagaroon. Napagsabihan rin ako ni Danaia na si Fidel ang anak ng namumuno roon na handa na ring bumaba sa pwesto. "Mabuti't nabihag ko ang isang 'yon," aniya.
"Ibig mo bang sabihin ay may gusto iyon sa'yo?"
"Medyo matagal na," kanyang tugon. "Kaya palagi akong nakakakuha ng mga balita mula sa kanilang Reino dahil sa kanya."
Ikinuwento ni Danaia na nagkilala sila ni Fidel nang minsan itong napadpad rito katulad nang nangyari sa akin. "Naglayas umano siya dahil pinagalitan siya ng kanyang magulang. Nagtangkang kitilin ang sariling buhay ngunit sa aming dalampasigan ko siya nadatnan."
Aniya, inalagaan raw niya siya hanggang sa nagising ito at nahulog ang loob ni Fidel sa kanya. Noong una, nagdalawang-isip raw siyang pagkatiwalaan si Fidel dahil taga-Reino de Fuego ito. Dahil na rin sa angking kakisigan ni Fidel ay nahulog na rin ang loob ni Danaia sa kanya.
Dumating naman ang araw na hinanap si Fidel ng kanyang mga magulang at nakarating sila rito sa Reino nina Danaia. Nang nalaman nilang inalagaan siya nang mabuti ni Danaia ay humupa na raw ang sama ng loob ng Reino de Fuego sa kanilang Reino. Gayunpaman, isang sikreto pa rin mismo ang namamagitan sa kanilang dalawa. "Sa ngayon, malabo pang magkaisang dibdib kami gayong magkaiba ang aming Reino. Ayaw ko namang iwanan ang lahat na pinaghirapan ng aking mga magulang dito sa Reino namin," wika niya.
"Gayunpaman, may pangako pa akong dapat isakatuparan at iyon ay ang tulungan kang mahanap ang iyong kaibigan. Ngayong alam na natin nasa kabilang Reino ang iyong mga kasamahan. Kukunin natin sila sa Reino de Fuego."
Bumalik muna kami sa kanilang komunidad at doon ay nadatnan namin ang mga Golem na nakikisalamuha sa mga tagarito. Imbes na takot ay kasiyahan ang mababakas sa kanilang mukha habang pinagmamasdan ang mga malalaking nilalang. "Magpanggap lang tayong walang alam," sabi niya sa akin bago kami lumapit sa mga tao.
Nang mapansin ng mga tagarito si Danaia, kaagad itong nagsipaglapitan sa kanya. "Danaia, may mga Golem. Nagbalik sila," masayang sabi ng isang matanda sa kanya.
"Pansin ko po nga ang pagbabalik nila," kanyang tugon. "Nakakapagtaka."
"Andito ang ating sagradong bato! Magbabalik ang ating lakas!" dagdag ng matanda at pinakalma naman siya ni Danaia.
"Sana nga po," muli niyang pagtugon.
Nagdaan ang gabi at nagkaroon ng pagtitipo't kasiyahan rito dahil sa pagbabalik ng mga Golem. May piging kung saan malalasap na ang mga pagkain dahil sa bango ng mga ito, at naghahabulang mga bata sa gitna ng gabi. Tanging nagbibigay-liwanag sa kanila rito ay mga alitaptap na nagkalat sa paligid, kumikutikutitap na parang mga bituing nahulog mula sa kalangitan.
Nasa balkonahe kami ng silid kung saan ako nagising at pinagmamasdan ang mga tao sa ibaba. Habang naaliw kami ay may nasagi naman ang isip ko.
"Ngayong alam ng isang taga-Reino de Fuego ang tungkol sa sagradong bato, hindi ka ba nag-aalala kung ipag-alam niya iyon sa kanilang kaharian?" aking katanungan sa kanya nang napagtanto ko ito.
"May tiwala ako sa isang iyon," aniya. "Alam niyang ikasasama ng loob ko kung 'di niya tutuparin ang aming usapan."
Ngunit, batid kong hindi mapagkakatiwalaan ang isang iyon. Sa mukha pa lamang ng Fidel na iyon, mababakas na ang pagkatuso nito.
"Sa mga kasama mo rito? Ayaw mo bang ipag-alam sa kanila ang tungkol rito?" pahabol kong tanong.
"Masyado pang maaga. 'Di bale, lahat ay maayon sa aking plano."
"Kailan naman tayo pupunta sa Reino de Fuego? Batid kong nasa panganib pa rin ang mga buhay nila sa kamay nina Fidel, gayong sinabi nating nasa mga kaibigan ko ang sagradong bato nila," tanong ko ulit at siya'y napalingon na sa akin.
"Sa ngayon, magpahinga muna tayo para makaisip ako ng gagawin natin," aniya saka niya ako iniwan.
Hindi ako masyadong nasiyahan sa kanyang tugon. Hindi ko alam kung kailan ba niya balak kumilos upang tulungan ako, gayong nasa kamay ng Reino de Fuego ang aking mga kaibigan.
Nang makasiguro akong lumisan na si Danaia at nakisama sa mga kasamahan niya rito, kumilos na ako. Suot ko pa rin ang kasuotan bigay niya sa akin, at ako'y lumabas na mula sa silid nang pasikreto.
Nakalabas na ako ng puno at ako'y nagtungo na sa kagubatan. Upang walang makarinig sa bawat pagyapak ko, dahan-dahang umangat sa ere ang aking katawan hanggang sa tuluyan kong naglagpasan ang tangkad ng mga puno rito. Sa itaas ay sumalubong sa akin ang buwan at ang mga bituin sa langit, at ako'y tahimik na nagtungo sa aking paroroonan.
Nang marating ko ang dalampasigan, bumaba muna ako at nagpahinga saglit. Inaalala ko ang sinabi sa akin ni Danaia nang ituro niya ang mga isla. Ako'y lumingon sa dakong silangan at dumapo ang aking tingin sa isla ng Reino de Fuego.
Isang malalim na hinga ang aking binitaw at aangat na sana sa ere nang may kamay ang humawak sa aking braso. Sa aking paglingon, nagulat ako nang malamang si Danaia iyon. Nagawa niya akong sundan.
Bumaba muna ako at hinarap siya.
"Batid kong gusto mo na talagang isalba ang mga kaibigan mo," aniya na ikinatahimik ko lamang. Napabuntong-hinga na lang siya bago siya may inabot sa akin.
Isang maliit na piraso ng karaniwang bato. Nilagay niya iyon sa aking palad. "Sa oras na manganib ang iyong buhay, ihulog mo ito sa lupa at apakan."
Tinanggap ko naman iyon saka niya ako niyakap. "Mag-ingat ka, invasor."
Nagpaalam na ako sa kanya saka ako lumutang sa ere at nagsimulang tumawid sa karagatan. Sa aking paglalakbay ay ininda ko ang lamig ng hanging sumasalubong sa akin. Tanging nasa isip ko lamang ang kaligtasan ng aking mga kaibigan na siyang walang takot na sumuong sa panganib ng karagatan patungo rito.
Nawa'y hindi sila pinabayaan ng Diyos dahil hindi ko kakayanin kung may nasaktan man sa kanila.
Habang papalapit na ako sa isla ay ramdam kong nag-iba ang ihip ng hangin. Hindi na ito kasing-lamig ng aking naramdaman kanina. Kumikislap rin ang aking kwintas, kahit na nakatago na ito sa ilalim ng damit ko.
Masama ang kutob ko rito.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasíaBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...