Kabanata XVI

48 4 0
                                    

Jai

Paggising ko, naramdaman kong hindi ko maigalaw ang mga kamay ko. May tumawag naman sa akin at nang lingunin ko, nakatali na ang mga kasama ko. Saka ko pa napagtanto na dinakip kami. Ako lang ang nakakadena sa amin. "Anong nangyayari—"

"Uy, gising na ang ating kamahalan," wika ng lalaking nakaharap kahapon. Mga Astuto. Pansin kong may paso siya sa kanyang balat. Napuruhan ko pala siya. "Kamusta ang tulog natin?"

Nagpabuga ako ng apoy mula sa mga kamay. "Lumayo ka kung gusto mo pang mabuhay," banta ko. "Pakawalan niyo kami!"

"Ops, hindi pwede," iling niya. "Maling galaw mo ulit, mapapahamak ang kasama niyo."

Tinutukan niya ng patalim si Grietta, ngunit walang bahid ng takot ang mukha niya. "Batid kong ilang araw ka nang hindi naliligo," sabi pa niya na ikinainis ng lalaki.

Nagsipagtawanan naman ang mga kasama niya. "Tumahimik kayo!" saway niya sa kanila.

Pansin ko namang pinagpiyestahan ng kanilang grupo ang aming mga gamit. Kinakain rin nila ang mga pagkaing bigay ni Prinsipe Epifanio. Mga walang hiya.

Tinignan ko naman ang kwintas na suot ko pa rin. Akala ko kinuha na nila.

"Anong kailangan niyo sa 'min?" aking pagkuha ulit sa atensyon ng pinuno nila.

Humakbang siya palapit sa akin at itinaas ang baba ko gamit ang kanyang kamay. Inusisa niya ang aking mukha ngunit hindi ako nagpatinag sa kanyang nakakainis na titig. "Kapangyarihan."

Dumapo ang kanyang kamay sa aking kwintas, ngunit nang mahawakan niya ito ay kaagad siyang napahiyaw. Naramdaman kong uminit ito na siyang pumaso sa kanyang kamay. Sa inis niya, dumapo ang kabila niyang kamay sa pisngi ko—isang sampal na hindi ko inasahan.

"Hayop ka."

Tinutukan niya ako ng patalim, kasabay ng panlilisik ng kanyang mga mata. "Isa kang halimaw. ISA KANG HALIMAW!"

Aakma na sana niyang iwasiwas ang patalim sa akin nang may dumating. "Ano ito?" isang simpleng katanungan mula sa isang naka-bandang lalaki na humakbang upang saksihan ang nangyayari. "Bakit may mga bihag rito?"

Kita ko ang pag-ismid ng pinuno sa harap ko. "Nangingialam ka na naman, bata."

"Tawagin mo pa akong bata at sa isang utos ko, mapapatalsik ka sa angkan na ito."

Medyo pamilyar ang kanyang boses. Napalingon naman siya sa paligid hanggang sa napatingin siya sa akin. Humakbang siya palapit sa akin at tumabi naman ang tumutok ng patalim sa akin. Bahagya siyang napaluhod at nagkatagpo ang aming mga tingin. "Oclamidos?"

Nakilala niya ako. "Sino ka?"

Tinanggal niya ang kanyang bandana na pumulupot sa kanyang ulo't leeg at namukhaan ko siya. "Primo."

"Ako nga."

Lumingon siya sa lalaking nang-inis sa akin at tinutukan niya ng patalim. "Pasaway ka talaga, Elgo."

"Tsk, pakialamero!" inis niyang sabi at siya'y lumisan.

Nang makilala ako ni Primo ay pinautos naman niyang palayain kami. Kaagad naman akong kinamusta ng mga Sadhaka. "Ayos ka lang ba, Kamahalan?" tanong ni S'Akessiya.

Simple akong tumango. "'Wag kayong mag-alala sa akin."

"Kamahalan?" takang tanong ni Primo. "Isa ka nang Hari?"

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon