Kabanata XXXIV

40 3 0
                                    


Jai

Walang imik si Fidel sa aming pagtungo sa kanilang isla. Wala akong ideya kung ano ang tumatakbo sa isipan niya ngayon, ngunit wala rin naman akong nararamdaman na kaba sa posibleng mangyari sa pagtitipon. May tiwala ako sa Ave Fenix. Nawa'y hindi niya ako pababayaan.

Ramdam ko na ang mainit na simoy ng hangin mula sa Reino de Fuego. Tanaw ko na rin ang mga kawal na nag-aantay sa amin sa dalampasigan.

Nang marating namin ang isla, kaagad bumaba si Fidel sa bangka at naglahad ng kamay upang ako'y tulungang bumaba rito. Tinanggap ko naman at kami ay naglakad palapit sa mga kawal. Bahagya naman silang yumuko sa aking harapan bilang pagbati nila sa akin.

Isinakay nila ako sa isang karwahe at kami ay lumisan sa dalampasigan. Kakaiba ang karwaheng sakay namin dahil hindi ito pinapatakbo ng kabayo o anumang hayop na kayang humila nito, kung 'di minamaneho ito ng dalawang tao sa harapan sa pamamagitan ng pagpedal. Masasabi kong umuunlad ang kanilang kabihasnan rito kaysa sa Titania.

Gan'on pa rin si Fidel, tahimik at diretso lamang tingin sa aming dinadaanan. Nasa tabi ko lamang siya ngunit wala pa rin ata siyang balak na makipag-usap sa akin. Sa bagay, wala rin naman akong maitatanong sa kanya.

"Pasensya ka na sa aming pagtrato sa inyo sa nakalipas na araw," kanyang pagbasag sa katahimikan sa gitna naming dalawa. "Hindi namin kagustuhan ang magalit sa amin ang Alagad ng Diyos. Nawa'y mapatawad niya kami."

"Kung walang mangyayaring masama sa akin," sabi ko sa kanya, bilang paalala sa kasunduan namin kanina.

"Ipinangako ko na kay Danaia na poprotektahan kita. Kung hindi man, puputulin niya ang ugnayan naming dalawa," aniya na hindi ko inasahang marinig.

Nilagay ni Danaia ang kanyang pag-ibig kay Fidel sa alanganin, kapalit lamang ang kaligtasan ko. Siya pa ang nag-aalaga sa mga kasamahan ko sa kanilang isla. Binigyan pa niya ako ng isang magarang kasuotan para sa pagtitipon ngayong gabi. Ginagawa niya talaga ang lahat, matulungan lamang kami sa aming misyon.

Nang narating ko muli ang kanilang bayan, hindi ko inasahan ang dagsa ng mga tao sa kalsada. Dito ay sinundo muli kami ng maraming kawal at naglakad sila sa kaliwa't kanan ng aming karwahe.

Lahat ng mga mata ng taga-Fuego ay nakatuon sa akin. Tanging ingay lamang na umaalingawngaw sa buong lugar ay ang tunog ng bawat hakbang ng aming karwahe. Bata't matanda, lahat ay tahimik, ngunit nagmamasid sa bawat kilos ko.

Narating na namin ang sentro ng isla at lumagpas na sa bakod ng Palasyo ang aming karwahe, at doon ay natanaw ko ang Rei at Reina ng mga taga-Fuego. Kung no'ng una naming paghaharap ay may bahid ng galit ang kanilang mga mukha, ngayon ay kay laki naman ng kanilang mga ngiti. Nakatayo sila sa tapat ng kanilang Palasyo at nag-aantay sa amin.

Nang huminto na ang karwahe, naunang bumaba si Fidel. Kagaya ng ginawa niya kanina, inalalayan niya ako upang makababa rin.

Tuluyan nang naabot ng aking mga paa ang lupa ng kanilang teritoryo. Kaliwa't kanan ang mga tanglaw sa aming paligid siyang nagbibigay-liwanag sa lugar. Tanaw ko naman ang isang hapag na puno ng pagkain sa likod ng Rei at Reina.

"Ama, Ina, ang tagahawak ng kapangyarihan ng Ave Fenix," pagpapakilala ni Fidel sa akin sa kanyang mga magulang.

"Maligayang pagdating sa Reino de Fuego," pagbati ng Rei sa akin.

"Nalulugod kaming malaman na tinanggap mo ang aming imbitasyon sa pagtitipon namin ngayong gabi," pagbati naman mula sa Reina.

Bahagya akong yumuko upang magbigay-galang sa kanila. May kaedaran na rin pala ang dalawang Kamahalan ng Reinong ito.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon