Kabanata XXIX

42 3 0
                                    

Jai

Narating ko ang dalampasigan ng isla, at sa harap ko'y isang bulundukin na nakagasuklay. Hindi ko alam kung ano ang tinatago ng bulubundukin na ito ngunit kutob ko'y nag-aantay sa akin ang banta ng kaharian ni Fidel. Wala masyadong ilaw kaya't hindi lubusang matignan kung saan banda rito dumaong ang aming frigata.

Muli akong umangat mula sa kabuhanginan at lumipad patungo sa pinakatuktok ng bulubundukin. Nang marating ko ay sinalubong lamang ako ng batuhan, at nang dumapo ang aking tingin sa likod nitong anyong lupa, nasurpresa ako sa aking nadatnan.

Isang malaking komunidad ang aking nasilayan na kay sigla ng liwanag sa gitna ng kadiliman. Ito na ata ang Reino de Fuego. Sa gitna nito ay isang palasyo na binakuran at binabantayan ng mga guwardiya, samantalang ang nasa labas naman ang mga kabahayan ng mga taga-rito.

Naghanap muna ako ng matataguan hanggang sa napadpad ako sa isang bakuran ng isang kubo. Saktong may nakasampay na kasuotan kaya aking kaagad na kinuha bago pa ako mahuli.

Nang makapagbihis, sinuong ko ang daanan hanggang sa napadpad naman ako sa kalye kung saan kay rami ang aking nakasalubong na parang bang may ganap ngayong gabi. Tinanggal ko naman ang aking takip sa mukha upang hindi ako mapaghinalaang entremetido, ngunit may nakuha naman akong salakoot kaya't hindi masyadong malalantad ang aking itsura.

Sa paligid ay mayroong mga taglaw na nagbibigay-liwanag sa mga kalye. Dito rin ay samu't sari ang mga panday ang nadaraan ko rito, at handog nila'y mga sandata angkop sa pakikipaglaban. Kay layo lamang ng Reino de Tierra dito. Ramdam ko ang sigla nila sa pakikipaghimagsikan.

"Alam mo ba ang tungkol sa mga invasor?" isang boses ang aking narinig sa aking tabi. Isang ginang ang nakasabayan kong maglakad dito sa kalye.

"Ah hindi po," simple kong sagot.

"Naku, hijo, mag-ingat ka dahil rinig kong may nakatakas sa kanila. Balita ko pa naman, mababagsik sila at may kapangyarihang hindi kayang pantayan ng nasa trono," sabi ng ginang saka ito umalis at naglaho sa gitna ng masiglang kalye.

May nakatakas.

Saktong may nakasalubong pa akong mga guwardiya kaya diretso-diretso lamang ang aking lakad. Hindi naman nila ako napansin kaya't nagpatuloy akong maglakad patungo sa sentro ng Reino.

Kung iisipin, kaya nilang makatakas gayong hindi maipagkakaila ang mga kapangyarihang taglay nila. Ngunit, wala pa akong ideya kung paano makipaglaban ang mga taga-rito.

Bigla naman ako hinarang na siyang ikinatigil ko. Namuo kaagad ang kaba sa aking kalooban, nang mapansin ang kasuotan ng humarang sa aking daanan.

"Tanggalin mo ang iyong salakot," sabi ng humarang at naging pamilyar sa akin sa kanyang boses.

Nagdadalawang-isip pa akong hubari ang aking salakot ngunit sa ayaw kong makaagaw ng atensyon rito, ginawa ko na lang.

Nang nakatagpo ang aming tingin ng humarang, nakilala ko ang kaagad siya. Inusisa pa niya ang aking itsura at saka siya napaismid. Hindi niya ako nakilala kaya umalis na lang siya at iniwan ako.

Naalala kong may takip pala ako sa mukha noong nagkakilala kami ni Fidel.

Buti naman.

Naglibot-libot pa ako upang makahanap ng mapa rito sa Reino ngunit wala akong makita. Ayaw ko sanang sabihin na naliligaw na ako, ngunit parang gano'n na nga.

Pansin ko namang may mga pader na sa harap ko at sa unahan ay may tarangkahan na binabantayan ng mga guwardiya.

"Ano naman sa tingin mo ang ginagawa ng isang kagaya mo rito?" isang boses ulit ang narinig ko sa aking likuran na nakilala ko.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon