Kabanata XII

53 7 0
                                    


Jai

Nasaksihan ko kung paano nawalan ulit ng buhay ang mga mukha ng mga tao nang dumilim ulit ang kalangitan. Hindi ako makatiis sa nakikita ko. Umaatras ako ng ilang hakbang hanggang sa nasa tarangkahan na ako. Nakatingala lamang ako sa kalangitan, at doon nakita kong umaliwalas muli ang panahon.

Ramdam ko ang bugso ng malamig na hangin na tumulak sa akin palabas ng teritoryo ng aming Kaharian. Ayaw kong isipin ang kutob ko rito, pero maliwanag ang ibig iparating ng nangyayari ngayon.

Hindi ko napansing may nakabangga na pala ako sa aking pag-atras, kaya muntikan na akong matumba ngunit nahulog ang talukbong ko. Doon ay nagsimulang nagsipagtinginan sa akin ang mga tao.

"Ang Mahal na Hari!" sigaw ng isang ginoo sabay turo sa akin.

Kaagad ako dinumog ng mga tao at isa-isa silang nagpahayag ng mga saloobin at may humihingi pa ng tulong sa akin. Hindi ako makasagot kaagad dahil sunod-sunod ang kanilang hinain. May kumakalabit pa sa damit ko hanggang sa hindi ko na sila maintindihan.

Nang sinuong ni Philip ang mga tao ko ay kaagad ko siyang inabot. Sa isang iglap, isang pwersa ang humigop sa akin. Sa aking pagdilat, nasa Palasyo ulit kami, hingal na hingal. Pansin ko namang maaliwalas na ang kalangitan ngunit ilang saglit lang ay lumamig ulit ang panahon.

Hinatid ako ni Philip sa loob at doon sinalubong kami ni Chonsela.

"Kamahalan," natatarantang sabi ni Chonsela. "Ba't naman kayo umalis kaagad?"

Hindi ako makasagot. Nasa isipan ko pa rin ang mga taong dumumog sa akin. Nakatingin lang ako sa kawalan hanggang sa inabutan na ako ng isang baso ng tubig.

Nang mahimasmasan na ako ay nagbalik kami sa silid-pagpupulong at hinintay ang kawal ni Pinunong Lino na makabalik kasama si Grietta.

"Tatlong taon na pala ang nakalipas," pagbasag ni Philip sa katahimikan. Nasa tabi ko siya habang nag-aantay pa kami. "Siguro kay daling lumipas ang panahon sa akin pero sa tingin ko, kay tagal no'n para sa'yo."

Alam ko ang ibig parating niya. Mukhang may mga memorya ata siyang nabasa sa akin kanina. Halata naman sa naging reaksyon niya noong nakaharap namin si Grietta. "Kung saan ka masaya, susuportahan pa rin ka namin," sambit niya.

Saka ko lang napansin na naging mas makisig na siya kumpara no'ng nasa Academia pa ako. "Wala ka bang natitipuhan doon?" tanong ko upang malihis ang usapan. "Batid kong parang walang nilalaman ang puso mo."

Napailing siya nang marinig iyon. "Kay rami ko ring gawain doon sa Academia, kaya wala na akong oras upang makahanap ng sinisinta," paliwanag niya na bahagya ko lamang pinaniwalaan. Imposibleng walang nakakarandapa sa isang tulad niya.

Nang may pumasok, kaagad kong narinig ang isang tikhim mula kay Lino. Mukhang inis pa rin ata siya sa akin o 'di kaya sa presensya ni Philip. Kasama naman nila si Grietta na walang bahid pa rin ng kahit anong emosyon ang kanyang mukha.

Pinakawalan nila siya at pinaupo. Hindi naman siya kaagad makakatakas dahil sa mga bantay sa tapat ng pintuan. "Bumabalik na sa dati ang lahat no'ng umalis ka rito. Ngayon, nagdurusa ulit ang mga tao dahil andito ka ulit, Kamahalan," panimula ni Grietta.

Patagal nang patagal ay lumilinaw na sa akin ang lahat. Ang hindi ko lang labis maintindihan—kung bakit kailangan pang madamay ang mamamayan ng aming Kaharian.

"Tandaan mo ang unang mga balita na hinatid ko sa inyo simula no'ng napadpad ako rito."

Naglakbay ang isip ko sa unang araw na naparito si Grietta sa Palasyo. Natatandaan kong sumang-ayon si Chonsela tungkol sa isang propesiya: kaguluhan dulot ng mga Alahas. Ika pa, hindi matatahimik ang mga buhay namin hangga't buhay pa ang mga ito.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon