Jai
Hindi pa sumisikat ang araw, ngunit gising na ang grupo namin. Kanina pa kami nagtitiis sa lamig ng simoy ng hangin, habang nag-aantay kami ng hudyat mula sa kabilang isla.
"Mukhang si Fidel na ata 'yan," turo ni Danaia sa isang taong magdalang tanglaw sa kabilang isla.
Lumingon siya sa akin, at binigyan ako ng isang ngiti. "Kung kailangan niyo ng tulong, andito lang kami," aniya saka kami nagpaalam sa kanya.
Sasama sa akin sina Ella, S'Norekko, at S'Akessiya sa Reino de Fuego, habang natira naman ay tutungo sa Reino del Aire. Mahahati ang aming grupo sa dalawa: kami ang susuko sa harap ng mga taga-Agua, sila naman ang hahanap kay Xandrus.
Kaya man namin ni Ella ang tumawid, wala namang kakayahan ang dalawa naming kasamang Sadhaka, kaya't sasakay nalang muna kami sa isang bangka papunta sa kabilang isla.
"Ipangako niyo sa akin na mag-iingat kayo," bilin ko kina Leia.
"Ipapangako namin," tugon niya, saka na kami nagpatuloy at tumawid sa madilim na karagatan.
May tiwala naman ako sa kanila. Nawa'y hindi nila ako bibiguin.
Tahimik kaming naglakbay sa tubig hanggang sa narating namin ang baybay ng Reino de Fuego. Si Fidel nga ang nag-aantay sa amin, hawak ang tanglaw na pansamantalang nagbibigay-liwanag sa lugar. May kasama rin siyang dalawang kawal at sila ang maghahatid sa amin sa kanilang Palasyo.
"Sumunod kayo sa amin," aniya at ginawa naman namin. Tahimik naming tinahak ang daan patungo sa sentro ng Reino. Tulog pa ang mga bayan, kaya't malaya kaming makakalakad sa mga lansangan. Ani Fidel, hindi raw muna kami magkakarwahe upang hindi magising ang anuman sa mga bayan.
Pangatlong beses ko na ata rito sa Reino nila. Hindi man naging maganda ang pagbungad nila sa akin sa mga naunang pagpunta ko rito, nakasisiguro naman akong hindi na ako mapapahamak dito gayong may kasunduan na kami.
Narating namin ang mga bakod ng Palasyo at sa tarangkahan, bumungad sa amin ang mga kawal. Nang makilala nila ako, batid kong medyo natakot sila sa akin, base sa kanilang unti-unting pag-atras palayo sa akin.
Hindi ko na sila masyadong pinansin at tumuloy na kami patungo sa Palasyo. Napansin ko ngang nakumpuni na ang mga sira rito dahil sa nangyari noong nakaraan.
Sinalubong naman kami ng Rei at Reina na kaagad yumuko at bumati sa akin at sa grupo ko. "Maligayang pagdating, Jairovski Oclamidos ng Titania," bati ng Rei.
"At, sa inyo rin," aniya naman nang mapansin niya ang mga kasama ko.
"Natanggap namin ang sulat mula kay Danaia. Nalulugod kaming mag-alok ng maitutulong sa inyong misyon," sabi naman ng Reina.
"Nagpadala na rin kami ng sulat sa Reino del Agua," balita mula sa Rei.
"Ano ang tugon nila?" aking tanong.
"Pumayag silang dadalhin namin ang mga invasor sa kanilang lupain, kapalit ang kalayaan ng mga bilanggo na mga sakop namin," sambit niya.
"Kailan kami lilisan?"
"Pagsikat ng araw," agad niyang sagot.
"Ngunit, ang napagkasunduan ay mamaya pang gabi," aking sambit.
"Hindi makapag-antay ang mga taga-Agua. Nais nilang makita kayo sa mas madaling panahon, kung 'di ay aatatakihin na naman nila ang aming Reino."
Hindi maiwasan ng mga kilay ko na magkasalubong sa aking narinig. Tama nga ang narinig namin tungkol sa pananalakay ng mga taga-Agua sa mga karatig isla.
"Paumanhin sa aming napagkasunduan. Batid naming manganganib ang mga buhay ng mamamayan namin kung hindi kami papayag sa kanilang kagustuhan," ani naman ng Rei.
"Kung gano'n, wala na kaming magagawa. Kami'y maghahanda na sa aming mga sarili gayong sumisilip na ang araw," aking tugon saka naman nila kami hinatid sa aming matutuluyan muna saglit.
Sa isang silid, nag-aantay sa amin ang kakailanganin naming mga sandata. Iniwan naman nila kami at kanya-kanya kami ng lapit sa nakahilerang mga sandata. Kinuha ko ang mga maliliit na madali ko lamang maitago, habang inusisa naman ng mga kasama ko ang ibang mga kagamitan.
"Dalhin niyo na ang lahat," isang boses mula sa pintuan. "Baka hindi pa kayo makabalik nang buhay rito."
Paglingon ko, bulto ng nakatatandang kapatid ni Fidel ang aking nakita, nakasandal sa pintuan at may bahid na pang-aasar ang kanyang ngisi. Hinding-hindi ko makakalimutan ang ginawa niyang pag-agaw ng kwintas mula sa akin.
"Nakasisiguro akong makakabalik kami, Foro," aking tugon.
Pansin ko namang naging alerto bigla ang tatlong Sadhaka sa tabi ko.
"Dapat lang. May kailangan ka pang isauli sa amin na hindi dapat hawak ng isang tulad mo," aniya saka siya lumisan.
"Siya ba 'yong sinasabi mong humablot sa kwintas mo?" tanong ni Ella.
"Siya nga."
"Psh, hambog naman ng isang 'yon. 'Kala niya ata, hindi pa tayo sanay na makipaggyera," aniya na bahagya kong ikinatawa.
Gayunpaman, kahit kailanma'y hindi ko batid na gusto niyang makisama sa amin simula umpisa pa lamang. Isa pa, isasantabi ko muna ang ganitong bagay upang hindi mawala sa isip namin ang aming pangunahing misyon.
Kinaulana'y binalikan kami ni Fidel pagkatapos ng aming paghihintay. "Oras na," kanyang matipid na paalam.
Lumapit sa amin ang mga kawal na kasama niya ang isa-isang ginapos ang aming mga kamay bilang parte ng plano. Kita kong nakangisi pa si Foro na nagmamasid sa aming gawi. "Mas bagay pala sa inyo ang igapos," kanyang komento.
"Mas bagay sa iyo ang manahimik kung wala ka namang maitutulong," walang prenong pagsumbat ni Ella.
Kaya naman, umaasim ang mukha ng kapatid ni Fidel. Buti naman, pinigilan siya nang nagtangka itong lumapit sa amin.
Sabay kaming lahat na lumabas sa kanilang Palasyo at bumungad sa amin ang pagsilip ng Haring Araw sa kalangitan. Ngayon, kami ay mga bihag ng Reino de Fuego na pinapaligiran ng mga bantay. Mamaya pa sana kami igagapos, ngunit hindi namin alam kung may espiyang taga-Agua na nagmamatyag sa labas. Gagawin naming mas kapani-paniwala ang lahat sa aming makakaya.
"Magtutungo na tayo sa Reino del Agua. Maghanda ang lahat," mawtoridad na pagpaalam ni Fidel sa amin.
Siya ang inatasan ng Hari na manguna sa misyon namin, habang nagpapanggap kaming mga bihag sa kanilang kampo. At sa paglabas namin sa tarangkahan, sumalubong sa amin ang mga taga-Fuego. Ramdam ko ang pagdapo ng kanilang tingin sa akin, gayong alam nila ang dinadala kong kapangyarihan. Nang iginala ko ang aking paningin sa kanila, umaatras naman sila at pilit makalayo sa aking mga mata.
Sa dalampasigan, nag-aantay na sa amin ang isang barko na maghahatid sa amin sa kabilang kaharian.
Bumalik naman sa aking isipan ang panahon na tunay akong bihag ng mga Siquestro't Pirata. Parang ganito rin ang nangyari sa akin. Kung noon, pinagdarasal kong sana makatakas ako sa kamay ng mga Siguestro, ngayon ay pinagdarasal kong maitakas namin ang mahal naming kaibigan sa kamay ng mga taga-Agua.
Nang nakarating na kami sa kubyerta ay kaagad nang pinalaot ang barko at tinahak ang mapayapang karagatan. Randam ko muli ang malamig na simoy ng hangin mula sa kabilang kaharian. Ang parehong hangin sumalubong sa akin noong oras na muntik ko na siyang maitakas.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasíaBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...