Kabanata XLIII

43 2 0
                                    

Jai

Ilang beses ko na siyang ginigising, pero ayaw niyang dumilat.

Nakahimlay ang kanyang katawan sa isang kama na napapaligiran ng mga sariwang bulaklak. Hindi ko inasahang darating ang araw na pagmamasdan ko siyang natutulog nang mahimbing sa ganitong paraan.

Nasa tabi lamang ako niya. Maga na ang aking mga mata. Wala akong gana. Nasa upuan naman ang aking mga kaibigan. Kung mabigat ang kanilang pakiramdam, mas mabigat ang dala-dala ko, gayong alam ko ang ginawa ni Philip.

"Iniwan mo ang Academia para sa akin," aking bulong habang pinagmamasdan siya.

Paulit-ulit kong tanong sa kanya kung bakit niya ginawa.

Bakit, Philip? Bakit?

Ayon kay Leia, ginamitan raw niya ako ng nikromacia—isang uri ng enchanta na magbabalik ng buhay ng isang bangkay, sa pag-aakalang iiwanan ko na sila nang tuluyan dahil sa malubhang lason sa katawan ko. Mahigpit itong ipinagbabawal na gamitin, lalo pa't posible itong kikitil ng buhay ng sinuman sasagawa nito.

"Jai," tawag sa akin ni Danaia. Siya ang naghanda sa lahat ngayon. "Umupo ka muna saglit. Kanina pa nakatayo sa tabi niya."

Hinatid niya ako sa pinakamalapit na mauupuan, habang hindi pa rin maayos ang takbo ng pag-iisip ko. Nakatingin lamang ako kung saan siya nakahimlay at bumabalik na naman sa aking isipan ang lahat ng pinagsamahan naming dalawa ni Philip.

"Magkababata kami," aking panimula nang tinatahan ako ni Danaia. "Utang ko ang aking buhay sa kanya at kanyang ama, simula noong nakita ako ng kanyang ama na palutang-lutang ako sa ilog sa loob ng isang basket."

"Pinalaki nila ako sa kanilang tahanan, sabay kaming lumaki ni Philip hanggang sa pinasok ako sa isang Academia. Nagkagiyera, bumagsak aming kaharian, hinanap ang mga alahas—kasama namin siya. Kahit malalagay sa kapamakan ang kanyang buhay, magpupumimilit talaga syang sasama."

Hindi ko na napigilan ang kanina pang nababadyang bumagsak na mga luha ko. Mas lalong sumikip ang loob ko, habang inaalala ang lahat.

"Simula noong nawala ang kanyang ama, ipinangako ko sa sarili na hinding-hindi ko siya pababayaan. Ngayon, iniwan pa niya ang Academia para sumama sa aking misyon papunta rito. At sa kasamaang-palad, nabigo akong protektahan siya."

Ramdam ko naman ang palad niya sa aking likod, habang sinusubukan niya ako akong patahanin. "Ang pinakaayaw ko talaga sa lahat, ang iwanan ako sa ganitong paraan. Dahil sa kapabayaan ko, wala na si Philip. Wala na siya."

"Jairovski," tawag niya sa akin. "Nawa'y maintindihan mo na hindi mo kasalanan ang lahat. Mahal ka lamang ni Philip kaya't ginawa niya ang lahat, mabuhay ka lamang."

Binigyan naman niya ako ng isang panyo. "Punasan mo ang iyong mga luha. Batid kong ayaw rin niyang makita kang malungkot," kanyang sabi.

Sa kalagitnaan ng aming pagluluksa, may dumating na hindi namin inaasahan.

Si Fidel.

Kita ko ang ngiti na sumilay sa kanyang mukha habang patakbo siya sa aming gawi upang salubungin si Danaia, ngunit nang madatnan niya ang kahihinatnan namin, nagtaka rin siya.

"Anong nangyari?" kanyang tanong kay Danaia, ngunit batid kong nag-aalangan naman si Danaia.

"Fidel, 'wag muna ngayon. Kami ay nagluluksa sa pagkawala ng isang invasor—"

"Danaia," pagputol niya sa wika ni Danaia. "Nasa amin na ang kapangyarihan ng Ave Fénix. Maibabalik na rin natin sa dati ang lahat!"

Sa kanyang sinambit, kumunot ang noo ng mga kasama ko. Batid kong hindi sila nagtataka rin sila.

"Anong ibig mong sabihin, Fidel?" tanong ni Danaia, at biglang nag-alab ang kamay ni Fidel.

"Hindi kami makapaniwala," ani Fidel.

Nagsipagtinginan naman sila sa akin, hanggang sa lumapit na si Leia sa akin. "Jai, ayos ka lang ba?" kanyang pangangamusta sa akin.

"Ayos lang ako. Siguro, hanggang do'n na rin ang aking pangangalaga sa kapangyarihan ng Ave Fénix. Ang mahalaga, bumalik na ito sa dating tagapangalaga," aking sambit habang nakatitig lamang sa aking palad.

Simula noong nagising ako, nawala na ang presensya ng Ave Fénix sa katawan ko. Suot ko pa rin ang kwintas, at ramdam ko ang kapangyarihan sa loob nito, ngunit hindi na ako makakakontrol pa ng apoy.

Hindi na ito bago sa aking pakiramdam. Minsan nang nawalay mula sa akin ang Ave Fenix noon, kaya't alam kong wala na ito sa akin.

Tumayo ako at lumapit kay Fidel. Dito ay aking hinubad ang kwintas na aking suot simula noong sanggol pa lamang ako. Inabot ko ito, ngunit pinigilan pa ako ni Raphael. "Oras na, Raphael," aking sambit.

Aking binaba ang kanyang braso na nakaharang at tuluyang binigay ang kwintas kay Fidel. "Ito ang natitirang piraso mula sa Banal na Bato ng Ave Fénix. Oras na para aking isuko ang bato sa totoong tagapangalaga nito."

Tinanggap naman niya ito, at bahagya siyang yumuko. "Maraming salamat. Lubos naming ikinalulugod ang kagandahang-loob ng tagapangalaga mula sa Titania," sabi niya, saka ako lumisan sa kanilang harapan.

Malayan kong nasa tabi na ako ng dagat. Pilit akong inaabot ng mga alon, habang pinagmamasdan ko ang kalawakan ng katubigan. Sa pag-ihip ng simoy ng hangin, batid ko ang presensya ni Philip.

"Ba't mo 'ko iniwan, Philip?" bulong ko sa hangin.

Isang golem naman ang nasagi ng aking paningin. Nakatingin ito sa aking gawi, at lumapit papunta sa akin. Batid kong binabantayan ako ni Danaia, gayong wala ako sa sarili ngayon dahil sa pagluluksa.

May parte pa rin sa akin na naniniwalang nanatili pa rin sa akin ang Ave Fenix, kaya't aking inangat ang aking kamay at hinawakan ang golem.

Hinintay kong may mangyari, ngunit nakatingin lamang ang golem sa akin. Inangat rin nito ang kanyang palad at isang pinitas na puting bulaklak ang kanyang inabot. Akin itong tinanggap. "Salamat."

Batid kong alam ng golem ang aking pakiramdam ngayon.

Kahit papaano, may karamay ako.

Sumapit ang hapon, kami ay nag-impake na. Kami ay uuwi na sa Titania, aking utos sa kanila. Balak pa akong pigilan ni Danaia dahil hindi pa namin nakukuha si Xandrus, ngunit aatras na ako.

Ayaw kong malagasan pa kami para lamg sa isang hangal na tumakwil sa amin. Wala nang saysay pang manatili rito, gayong naibalik ko na rin ang Ave Fénix sa tahanan nito.

"Maghanda ang lahat sa pagsapit ng bukang-liwayway. Tatahakin natin muli ang karagatan patungo sa ating pinanggalingan," lakas-loob kong anunsiyo sa aking mga kasamahan.

Isasama namin ang mga labi ni Philip. Ayaw ko namang magkahiwalay sila ng kanyang ama kung dito namin siya ihimlay.

Tungkol naman sa frigata namin, mabuti't naayos na ito pagkatapos sirain ng mga taga-Fuego. Tumulong sila sa pag-ayos nito, bilang isa sa mga kondisyon na alok ko kapalit ang Ave Fénix.

Nawa'y gabayan kami ng Diyos ng Titania sa aming muling paglalakbay.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon