Dumating na ang araw na kinatatakutan niya.
Isa-isang umahon mula sa lupa ang mga higanteng nilalang na gawa sa bato-na kung tawaging mga golem-at hinarap ang mga lumulusob na mga taga-Fuego. Labag man sa kalooban ni Danaia ang manakit ng kapwa, ngunit kailangan niya itong gawin upang protektahan ang kanyang sakop sa kamay ng kasamaan.
Alam niyang nakasaad sa isang propesiya na muling magkakagulo sa apat na Reino, ngunit kung kailan pa nagbalik ang mga Banal na Bato.
Naniwala siyang magkakaayos ang lahat at hindi magkakatotoo ang propesiya. Sa kanyang natatanaw ngayon, tila humupa ang pag-asang babalik sa dati ang takbo ng kanilang buhay.
"Danaia," isang tawag mula sa taga-Fuego na kay tagal na niyang kilala-naging kaibigan, hanggang sa nagkabutihan ang loob. Lahat ng kanilang pinagsamahan ay nasa bingit na ng pagkawala sa gitna ng tensyon ng dalawang Reino.
Pinagmasdan lamang niya si Fidel, at tila nagdadalawang-isip na harapin.
Sinubukan niyang talikuran ang taga-Fuego, ngunit nang nakarinig siya ng pagdaing, muli itong lumingon. Nakita niyang nakadapa na ito sa lupa, at iginagapos ng kasamahan ni Jai. Sa kabila ng iyon, hindi nawala ang tingin ni Fidel sa taga-Tierra.
Napagtanto ni Danaia: siguro nga't nabulag siya ng kanyang nararamdaman para sa kanya kaya't napahamak ang sarili niyang Reino.
Humakbang siya patungo sa gawi nila, habang ramdam ang pagkalukot ng kanyang kalooban. Siya'y napaluhod at umupo sa lupa, at kanyang inabot ang mukha ng taga-Fuego. Hinaplos niya ang kanyang palad upang makuha ang dumi sa pisngi niya, at isang mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang mukha.
"Hindi ko kailanman hiniling na mawalay ka sa akin, kaso pinagtaksilan mo ako, Fidel," kanyang sambit, habang pinipigilang bumugso ng kanyang damdamin.
"Danaia, pakiusap, pakinggan mo ako-"
Kaagad siyang tinalikuran ng taga-Tierra, at doon bumagsak ang mga luha mula sa pagtraydor ng pinakamamahal niya. Walang magawa sina Raphael kung 'di iligpit ang nakagapos na Fidel. Bago pa man nila ito magawa, muling nagsalita ang taga-Fuego.
"Pakiusap, iligtas niyo ang aming Reino," kanyang pagmamakaawa muli. "Pero, kung ayaw niyo-si Danaia na lang. Ilayo niyo siya sa mga taga-Agua. 'Yan na lang ang hihilingin ko."
Pansin rin nilang umaatras na ang mga taga-Fuego at hindi na umaatake sa mga taga-Tierra. Tila nag-iba ang ihip ng hangin sa oras na iyon.
"'Yan ang napapala ng mga pumapanig sa kasakiman," bulyaw ni Raphael.
Iniwan ng Fuego na apoy't abo ang Reino de Tierra, habang nag-uunahang makatawid pabalik sa kanilang Reino upang harapin ang mga mananalakay mula sa malamig na Reino. Sa kabilang banda, nagkaroon muli ng hindi inaasahang dayo ang Tierra.
Pinagmasdan nina Leia ang pagdating ni Hulian, kasama ang ilang taga-Aire, at muntikan pa itong matalisod nang lumapag sa lupa. Nakabawi naman ito at kaagad lumapit kay Danaia. "Danaia, kay tagal tayong hindi nagkita," kanyang pagbati.
"Hulian, naparito ka," kanyang sabi.
"Pasensya't mukhang nahuli na kami sa pagresponde," ani Hulian. Sumenyas naman ito sa mga kasamahan niya upang tulungan ang mga sugatang taga-Tierra.
"Salamat, Hulian," pasasalamat ng taga-Tierra. Aalis na sana si Danaia roon ngunit kaagad siyang pinigilan ni Hulian.
"Teka, hindi na ba tayo tutulong sa mga taga-Fuego?"
Kumunot ang noo ni Danaia. "Anong ibig mong sabihin?"
"Kailangan nating pigilan si Reina Naida bago niya tuluyang sakupin ang tatlong Reino."
Natawag nito ang pansin nina Jai. "Hindi ba't kakasalakay lang ng mga Fuego rito? Pati pa naman sila?" singit ni Raphael.
"Ang habol lang naman ng mga Fuego ay kayo, ngunit iba ang pakay ng Agua-at nakakita na sila ng tamang pagkakataon upang gawin ang matagal na nilang pinaplano," paliwanag ni Hulian.
Lumingon naman ang taga-Aire kay Jai. Ipinagkatiwala niya sa kanya ang pagbawi ng biyaya ng Aire Quimera sa kamay ng mga Agua, ngunit ramdam rin niya mula sa ihip ng hangin na mabigat na ang dala-dalang kalooban ng invasor.
Lumapit si Jai kay Hulian at bahagyang yumuko. "Paumanhin, Hulian, ngunit hindi namin nagawang makuha ang biyaya ng Aire Quimera mula sa kanila."
"'Di bale, invasor, may marami pa tayong pagkakataon," ani Hulian.
Nakarinig sila ng pagkulog sa kabilang isla, at nang nilingon nila ng pinanggalingan ng iyon, tila nilalamon na ng madilim na kalangitan ang Reino de Fuego. Nagpunta silang lahat sa dalampasigan, at doon nila nasaksihan ang pagkilos ng mga Agua.
"Kumikilos na sila. Pigilin na natin si Reina Naida," wika ni Hulian bilang pagbasag sa katahimikan.
Isang mabigat na hinga ang binitaw ni Danaia bago nagsalita muli upang tumugon. "Madaling sabihin, Hulian, pero mahihirapan tayo. Kung tama ngang hawak niya'y biyaya ng Agua Dragua at Aire Quimera, napakamakapangyarihan na ang kanilang Reino."
Sa kanyang ibinukang palad, isang hikaw ang biglang kumislap. May iba pa siyang naiisip bukod sa pagbawi ng biyaya sa kamay ng mga Agua. "Kung kukunin natin ang Aire Quimera mula sa kanila, may kasiguraduhan bang hindi na tayo tatantanan ng mga Agua?"
"Babawiin rin natin mula sa kanila ang biyaya ng Agua Dragua. Tapos, ibabalik natin lahat sa Banal na Kweba," mungkahi niya.
"Pero nakalubog na sa ilalim ng karagatan ang Kweba, Hulian. Wala nang paglalagyan ang mga Bato," saad ni Danaia. Tila mas nalungkot ito sa kanyang napagtanto.
"Wala pa ring kasiguraduhan ang lahat, mabawi man natin ang biyaya o hindi."
Isa muling mabigat na hinga ang nabitaw, ngunit mula na ito kay Hulian. "Isa lang naiisip kong solusyon, Danaia."
Humarap si Hulian sa lahat, at ipinaliwanag ang kanyang naiisip na paraan upang matigil na ang lahat. Hindi ito inaasahang marinig ng lahat, ngunit tila mapapansing walang reaksyon mula sa panig ni Danaia. Para rin sa kanya, iyon na rin ang nakikita niyang huling pag-asa upang magbalik ang kapayapaan sa apat na Reino.
"Ngunit, Danaia, mapapahamak ang lahat na naririto sa mundong 'to," pagtutol na natanggap ni Danaia mula sa pinuno ng mga invasor.
Umiling ito. "May tiwala ako sa Diyos, Jairovski. Hinding-hindi niya kami pababayaan," pagngiti niya sa kabila ng nangyayari.
Tinawag na niya ang hukbong sandatahan upang maghanda sa banta ng kasakiman mula sa Reino del Agua. Kasabay niyan ay ang pagdarasal niya na nawa'y basbasan sila ng proteksyon mula sa Tierra Tortuga.
Nakita naman niyang nagtatalo ang grupo ng mga invasor, hanggang sa nilisan ni Jai ang grupo at nagpunta kay Hulian. Sunod niyang nakita ay ang tila pagdadalawang-isip pa ni Hulian, hanggang sa tumango ito.
Sumunod ang kanyang mga kaibigan. Tila tumututol sila sa napagkasunduan, ngunit mapapansing hindi na magbabago ang desisyon ni Jai at wala nang magagawa ang mga kasamahan niya.
Sa huli, isang yakap ang natanggap ng grupo mula kay Jai, bago ito nagpunta kay Danaia. Doon ay ipinaalam niya ang napagkasunduan.
"Nawa'y mapatawad tayo ng Diyos at ng kanyang mga Alagad sa ating gagawin," tanging ani Danaia, habang inihahanda na ang sarili sa panibagong hamon na haharapin nila.
Inihanda na rin ni Jai ang kanyang sarili sa panibagong misyon, alang-alang sa kapakanan ng lahat. Dahil dito, isang bagong pangako ang kanyang tutuparin-at isa namang pangako ang nakaantabay na kanyang bibiguin.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasíaBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...