Kabanata II

95 4 0
                                    

Jai

Dahil sa nangyari, pinaliban muna ang mga gawain ko. Nakakapanibago lang kasi nasanay yung katawan ko na may ginagawa. Ngayong nagpapahinga ako, parang gusto pa rin ng katawan ko na may gawin.

Hatinggabi na ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Kaya, nagpasya akong lumabas ng aking silid at nagtungo sa pinakatuktok ng Palasyo. Mag-isa kong tinahak ang madilim na hagdanan ngunit isa-isang nagsindi ang mga lampara sa pader sa aking pagdaan hanggang sa narating ko ang pintuan. Pagbukas ko ay bumungad sa akin ang malamig na simoy ng hangin, at ang langit na puno ng mga nagningning na mga bituin. Pinagmasdan ko rin ang mga ilaw sa bayan na matatanaw dito sa itaas.

Napakatahimik ng paligid. Sa awa ng Diyos, hindi pa nakaranas ng kaguluhan dito sa Serentos. Sabi pa nila, ito na raw ang matagal nilang inaasam na kadalisayan sa kahariang ito. Wala na raw bahid ng takot ang mga kalooban ng naninirahan dito. Bagama't nagagalak akong marinig iyon mula sa kanila, natatakot ako na baka dumating ang araw na susubukin ang kakayahan ko bilang Hari rito kung mayroong sasalakay man. Sa ngayon, sinisiguro kong bantay-sarado ang mga hangganan ng lupain, lalo pa't nakatanggap kami ng isang balita na may mga kahina-hinalang nakapasok dito.

Nakaramdam naman ako na may naglagay ng kapa mula sa likuran ko. Paglingon ko, si Lino lang pala ang sumulpot. "Kay lamig ng hangin. Giginawin ka sa ganyang kasuotan."

Nakadamit-pantulog lang kasi ako. Hindi ko namang inaasahan ang hanging bubungad sa akin dito kaya hindi na ako nag-abalang magbihis pa dahil sa inip.

"Kamusta ang mga gawain?" tanong ko na siyang nagpabuntong-hininga sa kanya.

"Natapos ko naman. Hindi ko lang inaasahan na gano'n karami," tugon niya tsaka nagbanat ng buto.

"Ba't ka naman naparito?" muli kong tanong.

"Eh, kinakamusta lang kita. Alam ko namang maiinip ka roon sa kwarto mo," aniya at totoo naman. "Wala ka roon kaya naisip kong dito ka nagpunta."

"Kilala mo talaga ako," sambit ko na bahagya kong ikinatawa.

Pinagmasdan niya rin ang natutulog na bayan. Wala siyang suot na takip kaya kita ko ang pagningning mga bituin sa kanyang mga mata. "Kung 'di mo lang laging sinusuot 'yong takip mo, nakakasiguro akong marami ang nahuhulog sa'yo."

"Aanhin ko naman ang kay raming dilag kung ikaw naman ang—"

Hindi ko na pinatuloy ang sasabihin niya. "Aish! Tinutulungan ka nga para mawala na 'yang pagtingin mo sa akin. Alam mo namang hindi ko talaga kanyang suklian 'yang nararamdaman mo sa akin," sabi ko sa kanya.

Tinalikuran niya ang pinagmasdan niyang bayan at sumandal sa barikada. Tumingala naman siya sa langit at nasilayan ko ang ngiti sa kanyang mukha. "Kaya kong maghintay. Kaya ko hanggang sa kaya mo na akong mahalin."

Tinahan naman niya ako bago siya humakbang paalis. Naiwan akong mag-isa ngunit nasa akin pa rin ang binigay niyang kapa.

Kung alam lang ni Lino na masasaktan siya sa huli.

Kinabukasan, gumising sa akin ang sinag ng araw na tumatagos sa mga kurtina ng balkonahe. Umaga na pala nang ako'y nagising at ako'y umalis sa aking higaan nang may kumatok sa pinto.

"Tuloy," sabi ko at pumihit ang pinto.

Pumasok si Chonsela at kaagad akong binati. "Magandang umaga, Kamahalan," sabi niya. "May gusto lamang akong iparating na mensahe mula sa nakita ko kagabi sa aking panaginip."

Hindi pa medyo gising ang diwa ko pero tumango lang ako. "Ano 'yon?"

Lumapit siya at kinuha ang aking palad. Hihikab pa sana ako ngunit biglang may enerhiya ang lumakbay sa braso ko hanggang sa nagliwanag ang paningin ko.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon