Kabanata XLVIII

42 5 1
                                    


"Jai," tawag ni Leia sa kanyang kaibigan. Kanina pa nila sinusubukang kumbinsihin si Jai na ipasa sa iba ang misyon nito. "Mapapahamak ka kung itutuloy mo ang plano. Ayaw naming mangyari rin sa 'yo ang nangyari sa kapatid mo."

"Walang mangyayari, Leia. Magtiwala ka sa 'kin," tugon lamang ng Kamahalan. "Sabi mo nga, para sa'n pa ba ang lahat na natutunan natin sa Academia kung aatras lamang ako?"

"Jai, buhay mo ang nakasalalay rito. Papayag na lang ba kaming mamatay ka dahil sa mga batong iyan?"

"Leia, hindi ako mamamatay," diin niyang sabi. "At kung hindi ako ang gagawa, sino naman?"

"Ako," biglang singit ni Raphael. Lumingon naman si Leia sa kanya, nagkatagpo ang mga kilay at sinamaan ng tingin.

"Raphael, mas mabuting ako ang gagawa dahil dati akong may hawak ng isa sa mga Banal na Bato," katwiran naman ni Jai.

Nakarinig naman sila ng tunog ng kampana, hudyat na kikilos na sila. Tumakbo na si Jai at iniwan ang mga kasamahan niya. Walang magawa sina Leia kung 'di magtiwala sa kanilang kaibigan. Matutuloy ang plano sa ayaw't gusto nila.

Sa dalampasigan, nakaabang ang hukbo ng Reino de Tierra sa pangunguna ni Danaia. Nakaupo ito sa balikat ng isang golem, at naghihintay ang lahat sa sunod na hakbang ng pinuno ng mga taga-Tierra.

Sa pag-angat ng kamay ni Danaia, nakaramdam sila ng pagyanig, at doon nila nasaksihan ang kapangyarihan niya. Sa kanilang harapan, umahon mula sa ilalim ng karagatan ang lupa at naging tulay patungo sa kabilang Reino. Tila nahati ang dati dahil sa kanyang ginawa, at nang nabuo ang tulay, saka sila naglakad rito.

Hindi na sila nahirapan pang makatawid sa nanganganib na Reino. Doon ay nasaksihan rin nila ang 'di maipintang mukha ng mga taga-Fuego—puno ng takot at pangamba na madamay sa kaguluhang dala ng pagsalakay sa kanilang isla. Ngunit, sa kalagitnaan ng tensyon, sinalubong ni Danaia ang mga ito, at pinatawid sa gawa niyang tulay.

Walang magawa kung hindi magsipaglikas ang mga ayaw makipagbakbakan sa gulo, lalo na ang mga bata't matanda.

Ramdam rin nila ang hagupit ng Reino del Agua—sa bawat hampas ng alon sa tulay ay tila gustong lamunin ng karagatan ang mga tumatawid. Kay lamig rin ng ihip ng hangin, na parang bang hinahatak sila pabalik sa kanilang pinanggalingan, ngunit hindi na magbabago ang kanilang isipan.

Tutulong sila't pipigilan ang anumang plano ng Reino del Agua bago pa mahuli ang lahat.

Nang makarating sila sa dalampasigan ng Reino de Fuego, kaagad silang sumugod patungo sa apektadong parte ng isla. Patuloy rin nilang pinalilikas ang mga residente na ayaw madamay sa gulo, ngunit doon ay nasaksihan na nila ang isang nilalang na lumalamon sa mga taga-Fuego sa karagatan.

"Ang Agua Dragua," tanging nasambit ni Danaia nang masaksihan niya ito sa unang pagkakataon. Isinantabi muna niya ang pagkamangha nito at kaagad tumawag ng mga golem. Dahil umahon ang mga ito sa Reino de Fuego, tila bawat golem ang nagliyab at nagbabaga, iba sa itsura ng mga golem sa kanyang Reino.

Sa isang kumpas ng kamay ay sumugod ang mga golem sa nilalang mula Reino de Agua. Umatras na rin ang mga taga-Fuego, ngunit nakarinig naman sila ng malakas na pagsabog. Doon ay nasaksihan nila ang pagtilapon ng mga malalaking bato patungo sa mga paparating na isa pang hukbo mula sa kabilang Reino.

Kaya naman, habang hinaharap ng mga golem ang Agua Dragua, sinalubong na nina Danaia ang mga mananalakay mula sa Reino del Agua. Bigla namang nagkumpasan ng kamay ang mga dumating na taga-Agua at doon ay nasaksihan nila ang pag-ahon ng mga ahas mula sa dalampasigan at sumugod sa kanila.

Hindi rin nagpatalo ang mga taga-Fuego sa kakayahan nilang makontrol ang apoy, kaya't bawat ahas na lumalapit na pinapaulanan nila ng mga bolang apoy.

Sa gitna ng tensyong ito, kasama ni Jai ang iilang taga-Aire na sumulong sa Reino del Agua. Dahil nawalan na nga siya ng kapangyarihan ng Ave Fenix, nawalan na rin siya ng abilidad na makalipad. Kaya naman, hawak-hawak siya ng dalawang taga-Aire hanggang binitaw siya ng mga ito sa karagatan.

Doon ay muli siyang nilamon ng malamig na katubigan, at nang kaagad na nagkamalay ay sumisid ito pailalim. May dala siyang ilaw na bigay ni Hulian, kaya't ginamit niya iyon upang matunton ang sikretong lagusan.

Ayon pa kay Hulian, matagal na ang lagusang ito nang minsan niyang inaral ang isla ng Reino del Agua, ngunit hindi na siya sigurado kung mayroon pa ba ito sa ilalim. Gayunpaman, nanatili ang lagusang ito bilang tanging daan upang makapasok sa isla nang hindi sinasalubong ng mga bantay sa dalampasigan rito.

HIndi naman nawala ang pag-asa ni Jai na mahanap iyon nang mayroon siyang nakitang malaki't madilim na butas. Hindi na siya nag-alangan pa't pasukin iyon at tinahak ang kweba. Ngunit, ramdam niyang nauubusan na siya ng hangin.

Habang patuloy ang kanyang pagsisid, mas lumalamig na rin ang tubig. Binilisan pa niya ang paglangoy hanggang sa may natanaw na siyang liwanag.

Sa kanyang pag-ahon, kaagad siyang humahabol ng hininga habang lumalangoy patungo sa pinakamalapit na maabot niyang baybayin. Nagpahinga muna siya saglit, saka ginala ang tingin sa paligid.

Wala siyang nakikitang ibang tao sa loob ng kweba bukod sa kanyang sarili, at tila tanging naririnig lamang niya ay ang sariling hininga.

Akala lang niya.

Nakaramdam siya bigla ng mga yabag, kaya't itinago niya ang ilaw na dala niya. Kaagad naman siya naghanap ng sulok na mapagtataguan niya.

Inantay niyang magpakita ang sinumang dumating sa kweba, hanggang sa nakumpirma mismo niya na may tao nga. Laking pasasalamat niya't hindi nagkataon na nadatnan siya ng tao kanina sa pag-ahon niya. Buong akala niya hindi bantay-sarado ang kweba, gayong iyon ang sabi sa kanya ni Hulian.

Sumilip ulit siya at nakita niyang lumuhod sa tapat sa tubig ang tao. Napagtanto ni Jai na inuusisa ng lalaki ang tubig hanggang sa bigla itong lumingon sa gawi niya. Nagtago muli ito upang hindi makita, palayo sa nauna niyang pinagtaguan.

Habang palayo siya ay sumusunod naman ang mga yabag ng lalaki, kaya't nangamba siyang mahuhuli siya sa dis oras.

Patuloy ang paglayo niya, hanggang sa naramdaman niyang pader na ang nabunggo niya. Kaagad niyang nilibot ang tingin sa paligid, ngunit wala nang ibang daan bukod sa daan pabalik sa kung siya umahon.

Tumayo na lamang siya sa gilid—pinagdarasal na hindi siya mahuli. Hawak naman niya ang kanyang dalang sandata kung sakaling malalagay sa alanganin ang kanyang buhay.

Dumating nga ang sumusunod sa kanya, kaya't kaagad siyang napakagat-labi at sinigurong hindi siya makagagawa ng anumang ingay na makakapansin sa kanya. Iniisip naman niyang kaya niya itong kaharapin lalo pa't nag-iisa lamang ang sumunod sa kanya.

"Alam kong andito ka," biglang wika ng lalaki, kaya hinanda na ni Jai ang kanyang sarili sa posibleng mangyari.

Pero, napagtanto naman niya ang boses ng lalaki.

Hindi nagtagal ay itinapat ng lalaki ang ilaw sa kanya, at doon ay tuluyan siyang nahuli. Doon ay nakilala niya ang sumusunod sa kanya.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon