Epilogo

81 5 1
                                    

Sariwa pa sa aking isipan ang bawat alaala ng nakaraan. Panahong nalaman kong may dala-dala palang kapangyarihan ang suot kong kwintas, panganib sa aking buhay at ng mga tao sa paligid ko, at may kaakibat na responsibilidad bilang Tagahawak.

Hindi ko nag-akalang magiging ganito ang takbo ng aking buhay. Akala ko, magiging isang ordinaryong Sadhaka na lamang ako o 'di kaya'y isang lampang sibilyan na mapapahamak sa anumang panganib.

Sa loob ng halos siyam na taon, marami nang nagbago sa buhay ko. Nagsimula ang lahat sa isang simpleng pagkakaibigan, bangayan, hanggang sa ako'y umibig, nasaktan, bumangon, at ngayo'y hinihilom ang lahat na sugat na natamo.

Napakamapaglaro talaga ng tadhana, ngunit siguro, ito na nga ang itinakdang mangyari.

Pagkatapos ng pagkawala ni Haring Lino, inihabilin muli sa akin ang trono ng Palasyo. Labag man sa aking kalooban, kailangan kong ipamana sa iba ang Kaharian dahil sa kasunduan ko sa Ave Fenix.

Hindi ko na lubusang kontrol ang aking katawan. Kung ipagpapatuloy ko ang aking pamumuno, hindi malayong malalagay ko ang kapahamakan ng lahat dahil sa lakas ng taglay kong kapangyarihan.

Kahit na limampung taon na ang nakalipas, kinikilala pa rin nila akong Hari ng Silangang Serentos. Buong akala ng lahat na nandirito na patay na ako at hindi na makakabalik pa rito sa Titania. Kaya, hindi nila ako nakilala kaagad nang nakauwi na kami.

Inanunsyo ko sa lahat na ang bagong Hari ng Silangang Serentos ay si Xandrus. Tinanggap niya ang aking alok na posisyon sa Palasyo, at ipinangako niyang ipagpapatuloy niya ang nasinimulan ko at ni Haring Lino. Binabasbasan ko naman si Nexus na susunod sa yapak ni Xandrus. Andito pa rin naman sina S'Akessiya at S'Norekko na handang gumabay sa kanila sa pamumuno rito.

Sa ngayon, nakakasiguro akong mapapanatili ang kadalisayan rito sa Kaharian ng Silangang Serentos.

Tungkol naman sa Academia, nagkaroon na ng pagbabago roon simula dahil sa kawalan ng presensya ni Philip sa kay tagal na panahon. May pumalit sa kanyang pwesto at nasa mabuting kamay ang Academia. Rinig ko namang ang balitang nominado sina Leia, Raphael at Ella sa posisyon bilang Punongguro ng Academia. Nawa'y pagpalarin sila.

Ngayong malaya na ako tulad ng isang ibon, makakalipad na ako sa buong kalupaan ng Titania. Sa kabila nitong kalayaang hinandog sa akin, nangako ako sa Ave Fenix na ilayo ang lahat sa kapahamakan at sa kasamaan.

Nawa'y gabayan ako ng Diyos sa susunod na hakbang ng aking buhay...

"Jai?"

Isang boses ang tumawag sa akin. Nasa pinakatutok na palapag ng Palasyo ako ngayon at hinahayaang haplusin ng hangin ang aking mga pisngi sa malamig na ihip nito. Sa aking paglingon ay nakita ko ang bagong Hari na may dalang ngiti sa labi.

Tumabi siya sa akin at sumabay sa pagtanaw sa nagniningning na mga bayan ng Silangang Serentos mula rito sa itaas.

"Anong sadya mo rito?" aking tanong.

Bigla siyang nag-abot ng isang rosas, at ito'y aking tinanggap. "Salamat."

Inamoy ko ito at kahit papaano, napawi ng bango nito ang mga bagay na tumatakbo sa aking isip. "Batid kong may kaakibat itong mga matatamis na salita," aking wika.

"Gusto ko lang alamin kung may pag-asa pa rin ba ako?"

Nagkasalubong ang mga mata, at sabay kaming napatawa. Umiwas naman ako ng tingin at ibinalik ang atensyon sa mga ilaw ng mga bayan. "Alam mo naman ang sagot ko tungkol riyan, Xandrus."

"Nagbabaka-sakali lang ulit," kanyang sabi.

Aking hinubad ang suot kong makapal na balabal at ipinasuot ko sa kanya. "Baka lamigin ka pa."

Ibinuka ko naman ang aking mga pakpak, handa na sa paglisan. Tinalikuran ko siya, ngunit muli akong nagsalita. "Sa ngayon, maghintay ka muna. Kakayanin mo ba?"

"Kakayanin—"

Hindi ko na inantay ang karugtong ng kanyang sasabihin at ako'y lumilipad na palayo. Bawat pagaspas ng aking pakpak ay ang ramdam ko rin ang pintig ng aking puso.

Nawa'y gabayan ako ng Ave Fenix.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon