Rinig na rinig ang bawat yapak ng mga kawal sa mga kalsada't eskinita pagsapit ng gabi. Simula noong dumating si Grietta ay hindi na mapakali ang mga tao sa hatid niyang balita. Lumubog na ang araw ngunit bukambibig pa rin ng lahat ang di-umano'y darating na paghihirap ng Kaharian.
Ni wala namang maisagot ang mga tao kung saan nagtatago si Grietta. Hangga't hindi siya mapapaalis sa Kaharian ay panigurong magpapatuloy pa rin siyang mananakot ng mga tao.
Sa gabing iyon, lumalamig na rin ang ihip ng hangin.
Habang pinaghahanap ang dalaga, tinatanaw lamang niya sa bintana ang mga kawal na walang kaalam-alam sa kanyang pinagtataguan. Nang makahigop mula sa kanyang kape, huminga siya nang malalim at napailing. Walang nakakaalam sa kanyang nais—sa kanyang mithiing sa likod ng lahat ng mga ginawa niya.
Sa Palasyo naman, nag-aantay ang Hari sa pagbabalik ng kanyang sinisinta. Bagama't matatagal pang makabalik ang Pinuno dahil sa kanyang utos, hindi maiwasang manabik sa kanya. Doon sa balkonahe ay nakatingala siya sa kalangitan, dinarasal na sana'y gabayan siya ng Diyos ng Titania sa isang pagsubok na kinakaharap niya ngayon.
Nagpasya naman ang Hari na bumaba at magtungo sa malawak na parang sa likod ng Palasyo. Sa ganitong oras, tahimik na paligid kaya't wala nang makakasaksi sa gagawin niya. Kung mayroon man, hindi na sila magugulat pa dahil ilang beses na niya rin itong ginagawa dito sa parang.
Ayaw niya ring masayang ang pinag-aralan niya sa lahat ng mga pagsasanay doon sa Academia.
Tinutok niya ang kanyang palad sa lupa at kaagad nagliyab ito. Sa kanyang pag-ikot ay nakabuo siya ng isang bilog ng apoy kung saan nasa loob siya nito.
Sa kay tagal na niyang hawak ang kapangyarihan ng Ave Fénix at sa kay raming panahon na lumilipas, marami na siyang natutunan upang makontrol ito sa pinakamahina hanggang sa pinakamalakas na paraan.
Bahagya siyang lumutang at nagpokus—hindi niya mapapasunod ang apoy kung kay gulo naman ang kanyang isip. Sa kanyang pagbitaw ng malalim na paghinga ay ikinumpas niya ang kanyang kamay at tatlong bola ng apoy ang tumapon sa magka-ibang direksyon. Tumama ang lahat sa lupa at nagliyab ang lupang tinamaan ng mga ito. Sa pag-ikot ng kanyang palad ay nakabuo rin ng mga bilog ang mga apoy.
"Transferir."
Nang ibigkas niya iyon ay nilamon siya ng bilog na apoy. Mainit iyon sa pakiramdam niya ngunit tiniis niya. Nang bahagyang humupa ang apoy, wala na siya sa kanyang kinatatayuan kanina. Nasa isa siya sa tatlong mga bilog na apoy na binuo niya kanina.
Sa pamamagitan ng apoy, kaya niyang lumipat ng lokasyon.
Inuulit niya ang ginawa niya hanggang sa nagawa niyang magpalipat-lipat sa apat na bilog na apoy nang humupa lahat ng mga apoy dahil sa malakas na hangin.
Naudlot ang kanyang pagsasanay at napayakap na lamang sa sarili dahil sa lamig na dala ng ihip ng hangin. Tumingala ulit siya sa langit na napansin niyang makakapal na ang mga ulap sa itaas. Hindi na makita ang mga bituin at ang buwan.
Hindi niya inalis ang kanyang tingin sa itaas hanggang sa may napansin siyang nahuhulog mula sa kalangitan. Iniangat niya ang kanyang kamay at inaabot ito—napakaliit ngunit ramdam mo ang lamig rito.
"Nyebe."
Nagtaka naman siya kung bakit may nyebe gayong hindi nagnyenyebe rito sa Kaharian nila.
Unti-unting dumarami ang nahuhulog mula sa kalangitan. Masama ang kutob ng Hari rito. Kaya, nagpasya siyang bumalik sa Palasyo upang ipagsabi ang kanyang natuklasan.
Isang bulong ang kanyang narinig mula sa kawalan. "Dumating na," sabi nito at napalingon ang Hari sa kanyang pinanggalingan, ngunit wala siyang makita na kahit sinuman.
Pinailaw niya ang buong Palasyo gamit lamang ang kanyang kapangyarihan, at maya-maya'y nagsipaglabasan ang mga tauhan niya na panigurong magpapahinga na sana. "Maghanda ang lahat. Masama ang magiging panahon ngayon," kanyang biglang anunsiyo.
"May bagyo po ba, Kamahalan?" tanong ng isa sa tatlong mga dalaga.
"'Di lang basta bagyo—nagnyenyebe sa labas," kanyang tugon na nagpa-ingay sa lahat. "Maghanda ang lahat sa parating na taglamig."
Sa hindi inaasahan, naging abala tuloy ang lahat sa paghahanda sa gabing iyon. Nag-aalala ngayon ang Hari sa magiging lagay ng taumbayan dahil sa biglaang pagbago ng panahon, kaya kaagad siya nag-utos ng mga kawal na pagsabihan ang lahat na may paparating na taglamig.
Nakarating ang balita sa mga tahimik na bahay dahil sa nagsisigawan na mga kawal, magising lamang ang mga natutulog. Karamihan sa kanila'y lumabas pa ng bahay upang malaman kung totoo ang sinasabi ng mga kawal; halo-halo ang reaksyon ng mga tao rito. May nasurpresa, at may natakot.
Sa gabing iyon, binalot ng kadiliman at nyebe ang buong Kaharian. Lahat ay gising upang makahanap ng mga panggatong at makagawa ng mga apoy sa kani-kanilang mga tahanan. Nasa labas rin ang Hari, at tinutulungan ang lahat sa abot ng kanyang makakaya.
Sa isang malawak na espasyo sa Barrio La Trinidana ay gumawa siya ng isang siga upang kahit papaano, hindi malamigan ang mga tao. Namangha sila sa kapangyarihan ng kanilang Hari dahil sa lakas ng kanyang binitawang enerhiya ay bahagyang natunaw ang mga nyebe sa paligid at nagpainit sa kanilang mga pakiramdam, ngunit hindi nagtagal ay bumalik rin ang lamig ng panahon.
"Kamahalan," isang tinig na nagpaagaw sa atensyon ng Hari.
"Ano ang maipaglilingkod ko?" magalang na tugon ng Hari sa may kaedarang ginoo.
"Eto na ba ang sinasabi nilang kamalasang dadarating dito sa Kaharian? Sa kay tagal naming pamumuhay rito ay hindi pa kami nakaranas ng taglamig," ani ng ginoo.
Napagtanto ng Hari ang kanyang tinutukoy. Gusto man itong paniwalaan ng Hari ngunit itinanggi niya. "Huwag kayong maniwala sa mga kumakalat na sabi-sabi. Ginagawa namin ang lahat upang alamin kung bakit biglang nag-iba ang panahon natin rito," kanyang tugon at pasimpleng umalis.
"Kamahalan," isang tinig naman ang tumawag sa kanyang atensyon ngunit nakilala niya ang boses kaagad. "Kung kayo'y napapagod na, maaari na kayong magpahinga."
"Kaya ko pa—" sabi ng Hari ngunit siya'y napaluhod nang nanginig ang katawan niya sa lamig.
Kaagad namang siyang inalalayan ng Pinuno. "Dahil na kita sa inyong silid," sabi niya saka kinarga ang Hari upang isakay sa kabayo at umalis pabalik sa Palasyo. Kasabay ng panghihina niya ay ang pagkislap ng kwintas ng Hari na siyang napansin niya.
Ito ang unang beses na kumislap ulit ito simula noong naging Hari siya rito. Alam niya ang ibig iparating ng Ave Fénix, ngunit nananatili pa rin ang kanyang paniniwala na babalik rin ang lahat kinabukasan.
Akala lang niya.
Kinabukasan, ganoon pa rin ang sitwasyon ng buong Kaharian. Isang malamig na umaga ang sumalubong sa lahat, at may kanya-kanya silang suot na makakapal na kasuotan. Nagtipon ang taumbayan sa harap ng Palasyo, nag-aantay sa kaagad na anunsiyo ng Hari.
Lumabas mismo ang Hari, at nagsiingay ang mga trumpeta.
"Mahal kong mamamayan ng Silangang Serentos," kanyang panimula. "Alam kong nagtataka kayong lahat sa biglaang pagbago ng ating panahon dito sa Kaharian. Ako ay humihingi ng paumanhin dahil nagkulang ako—hindi ko nakita nang maaga ang pagdating ng taglamig sa Silangang Serentos. Ang magagawa lang namin sa inyo ngayon ay pagkalooban ang lahat sa kanilang mga pangangailangan. Diringgin namin ang lahat at sisiguraduhin naming walang maiiwan na magdurusa sa pagsubok na ito," isang mahabang anunsiyo ng Hari na ikinagalak ng lahat na marinig. Kahit papaano ay may naipinta siyang pag-asa sa kanilang mga mukha.
Habang sinisiguro niyang may maiibigay siyang tulong sa mamamayan, dumating naman ang dalawang Sadhaka na may dalang balita. "Kamahalan," pagbati ng dalawa at nagbigay-galang. "Ikinatataka namin ang biglang lamig ng panahon."
Isang pergamino ang inabot ni S'Akessiya sa Hari. "Magpapadala ng tulong ang Hilagang Serentos sa ating Kaharian. Inaasahang darating bukas."
"Kumusta sila? Nagnenyebe rin ba sa kanila ngayon?" naitanong ng Hari.
Nagsipagtinginan sa isa't isa ang dalawa. "Sa katunayan, ang ating Kaharian lamang ang apektado nitong taglamig," tugon ni S'Norekko. "Kaya, ikinatataka namin kung bakit biglaang naging ganito rito habang walang anumang nangyayari sa ibang mga Kaharian."
Nasaksihan naman ng dalawa ang muling pagkislap ng kwintas ng Hari. "Kamahalan, nasa panganib ang inyong buhay," nag-aalalang sabi ni S'Akessiya sapagkat alam nila ang ibig sabihin ng pagkislap.
Itinago ng Hari ang kanyang kwintas. "Huwag niyo masyadong isipin ito," aniya. "Kailangan niyo munang asikasuhin ang taumbayan. Sila ang totoong nasa panganib," utos niya sa dalawa.
"Masusunod," tugon nila saka umalis, ngunit hindi maalis sa isipan ng dalawa ang pagkislap ng kwintas ng Hari. Kaya, ang isa sa kanila ay nagtungo kay Pinunong Lino upang ipaalam ang tungkol dito. Nang marinig ng Pinuno, kaagad naman siyang nagtungo sa Hari na nasa labas ng Palasyo, tumutulong sa mga tauhan.
"Kamahalan," pagbati niya. "Masyado ka nang matagal dito sa labas. Magpahinga na kayo."
Mababakas ng Hari ang pag-alala sa mukha ng kanyang sinisinta. "Kung magtatagal kayo sa labas, ako rin. Hindi puwedeng nakatunganga ako sa loob ng Palasyo habang naghihirap ang lahat dito."
"Pero nasabi ni S'Akessiya na kumislap—"
"Lino," pag-udlot niya sa kanyang sinabi. "Ako na ang bahala rito," sabi niya habang mahigit na hinawakan ang kanyang mga kamay. Doon ay nakaramdam ng ginhawa ang Pinuno mula sa mainit na palad ng Hari.
Gustuhin mang yakapin ng Pinuno ang kanyang sinisinta ngunit hindi pa nila magawa. Tanging ngiti na lang ang kanyang sinukli at isang matamis na salita. "Mahal kita," kanyang sabi bago umalis upang pangunahan ang mga kawal.
Napahawak naman ang Hari sa kanyang kwintas na nagbibigay sa kanya ng lakas ngayong kay lamig ng panahon. Alam niya kung bakit kumikislap ang kanyang kwintas.
"Gusto ko pang manatili rito," kanyang bulong sa sarili.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...