Nagpalipas ng araw ang grupo ni Jai sa Reino de Tierra sa pangangalaga ni Danaia, kung saan binigyan niya sila ng makakain at pampahilom ng kanilang mga natamong sugat mula sa engkwentro nila sa Reino de Fuego. Nananatili pa rin silang malayo sa mata ng mga taga-Tierra nang sa gayon ay hindi sila mapagdikistahan tulad ng mga Taga-Fuego. Batid nilang hindi sila malugod na tinatanggap sa lugar na narating nila.
Sa pananatili nila, unti-unti na nilang nasasagot ang mga katanungan tungkol sa mga banal na alahas. Nalaman nila ang tungkol sa Apat na Alagad ng Diyos na siyang nagbigay ng mga banal na bato sa mga Reino, at ang pagkasira ng mga ito. Kung gayon, nalaman nila kung gaano kinasusuklaman ng mga Reino ang mga invasor, ang tawag sa mga dayo na napapadpad rito.
Isa sa mga katanungang natitirang misteryo pa rin sa kanila ay ang kung saan na napadpad si Xandrus, kasama ang dalawang alahas, ngunit gayong narating na ng grupo nila ang dalawang Reino, lumalakas ang kutob nilang nasa dalawang natitirang Reino ang kanilang dating kaibigan. Hindi naman makatulong sa kanila ang kasama nilang Grietta, gayong tahimik pa rin ito simula noong hinuli sila ng mga Taga-Fuego. Sa kabila ng kanyang katahimikan, napapansin naman nilang parati itong nakatingin sa direksyon patungo sa nakalutang na Reino.
Pagsapit ng dapit-hapon, kumilos na si Jai, Leia, at ang dalawang kambal na siyang magtutungo sa Reino del Aire upang makakalap ng impormasyon na makakatulong sa kanila. Ito ay ayon sa payo ni Danaia na nagsabing may makakakatulong sa kanila roon. "Huwag kayong pangunahan ng takot dahil iba ang mga Taga-Aire sa mga Taga-Fuego," kanyang paalala sa grupong lilisan.
Isasama nila si Grietta sa kanilang paglalakbay. Mananatili naman ang ibang kasamahan ni Jai sa pangangalaga ni Danaia dahil isa pa, mahihirapan silang makarating doon gayong wala silang kakayahang lumutang sa ere bukod kina Jai. Pinagdarasal naman ni Danaia na palarin sila kanilang misyon.
Sabay-sabay nagsipaglutang ang grupo ni Jai at nagtungo sa direksyong pakanluran. Hawak ni Jai ang isang kamay ni Grietta habang nakakapit naman ang kabila kay Raphael upang maibuhat siya patungo sa kabiang reino. Dahil dito, medyo masama ang tingin ni Leia kay Raphael. Upang hindi magtampo, sinubukang abutin ni Raphael ang kamay ni Leia ngunit lumayo ito at inirapan ang salamangkero.
Sinalubong sila ng malamig na ihip ng hangin habang naglalakbay sa ibabaw ng malawak na karagatan. Naging alerto sila kung sakaling dakpin na naman sila tulad ng nangyari sa kabilang Reino.
Nang nakalapit na sila sa nakalutang na isla, kaagad silang lumipad paakyat, at tila may puwersang tumutulak sa kanila pababa. Sa kabila ng pwersa, hindi sila nagtigil hanggang sa narating nila ang itaas ng bangin. Hingal na hingal ang apat sa kanilang paglapag sa lupa, ngunit kaagad namang nakabawi ng lakas, saka iginala ang paningin sa paligid.
Hindi masyadong malinaw ang tanawin dahil sa kapal ng mga ulap na nagkalat kahit saan. At isa pa, lumubog na araw kaya't tatahakin nila ang lugar sa gitna ng dilim. Hindi pa nila alam kung anong nag-aantay sa likod ng mga ulap.
Lumutang muli si Jai, at sumunod naman ang tatlo, sabay-sabay na tinahak ang malabong daan nang dahan-dahan. Gusto pa sanang magtapon ng bola ng ilaw si Raphael mula sa kanyang majika, ngunit kaagad silang pinigilan ni Leia. "Baka makaagaw tayo ng atensyon," kanyang paalala sa kanya.
Nang sila ay tuluyang makatagos sa humaharang na mga ulap, bumungad sa kanila ang tanawing ngayong lamang nila nakita sa buong buhay. Tila nagniningning ang mga bituin sa kalangitan na siyang, kahit papaano, nagbibigay-liwanag sa gabi. Bukod sa malaking tipak na bato na kanilang inaapakan, mayroon pang ibang mga isla na nakalutang sa ere. Ang mga makakalapit na mga lupa ay dinudugtungan ng mga tulay, hanggang sa dumapo ang kanilang tingin sa isang lupa kung saan may mapapansin na palasyo rito.
May napapansin rin silang mga lumilipad na mga tao rito, palipat-lipat ng isla. Sa tingin nila'y sila na ang mga taga-Aire.
"Saan tayo magtutungo?" tanong ni Leia kay Jai. Si Jai lamang ang napagsabihan ni Danaia sa kanilang pupuntahan dito sa Reino del Aire.
Tumingala siya't nagsimula muling kumilos sa ere, patungo sa sentro ng reino. Hindi naman sila napapansin ng mga bumababa mula sa itaas. At habang pataas nang pataas ang kanilang lipad ay mas lalong lumalamig rin ang sumasalubong na hangin.
Nang naabot nila ang kanilang paroroonan, hindi naman nila inaasahan ang kanilang nadatnan.
Kung sila mismo lumapag ay may nakatayo na roon na parang bang kanina pa nag-aantay sa kanilang pagdating.
Mga naka-puting bestidang babae ang pumalibot kaagad sa kanila, nagtataka sa presenya ng grupo ni Jai sa kanilang reino. "Sino kayo?" kaagad na tanong mula sa isa sa mga babae.
Medyo nagtataka rin si Jai dahil inakala niyang isang kawal ang sasalubong sa kanila rito.
Inabot naman ni Jai sa kanila ang isang balumbon na galing kay Danaia, at tinanggap naman iyong ng isang babae. Isang pagtango ang kanilang natanggap nina Jai at pinasunod sila ng mga naka-puting bestida.
Sila ay nagtungo isang puting palasyo, tahimik at walang imik na tinatahak ang daan papunta roon. Hindi maiwasan ni Jai na kabahan, ngunit sa kabila ng iyon, nakakasiguro siyang hindi sila mapapahamak rito.
Nang makarating sila't pumasok sa palasyo, wala masyadong ilaw na nagbibigay-liwanag sa buong lugar. Tanging sinag ng buwan lamang, at iilang gamo-gamo na pakalat-kalat rito.
Bigla namang huminto ang mga dilag, kaya huminto na rin ang grupo ni Jai. Nagsipagbulungan naman ang ilan sa mga dilag na naka-bestida at pansin ni Jai ang pag-iling ng iba sa kanila.
Lumapit ang isang dilag sa kanila kay Jai. "Paumanhin, ngunit nagpapahinga na sa mga oras na ito ang—"
Isang tawa ang umalingawngaw sa Palasyo na siyang hindi inaasahan ng lahat na marinig. Hindi ito natatakot na tawa kung pakinggan, ngunit parang lamang isang tawang gawa ng isang biro.
Mula sa madilim na pasilyo, isang naka-damit pantulog na lalaki ang sumulpot sa kanilang paningin. Medyo nagulat rin ang lalaki dahil sa biglaang pagdating ng mga panauhin. "Ano meron?" tanong ng lalaking hindi gaano ka katangkaran, may bigote at medyo kumakalbong ulo.
Ibinigay naman ng isang dilag ang balumbon na inabot ni Jai kanina. Sinubukan niyang basahin, at kita ng lahat ang 'di mapinta niyang mukha. "Ang dilim, 'di ko mabasa."
May lumapit na isa pang dilag sa kanya at hinawakan ang balumbon. Nagliwanag ito at nagawa nang basahin ng lalaki ang nakasulat rito.
Bigla naman itong napasinghap. "Hala, mga invasor?!" gulat niyang sabi saka siya nahimatay.
Sinalo siya ng mga dilag, ngunit kaagad rin naman siya nakatayo ulit. Hindi pa rin maalis ang gulat sa mukha niya. "Tama nga lahat na naririnig naming tsismis sa mga nakaraang araw. May invasor nga!"
Hindi matukoy ng grupo ni Jai kung natutuwa, naguguluhan, o natatakot ang lalaki sa kanila. Hindi rin nila alam kung sino 'tong sumulpot sa harap nila.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...