Kabanata XXX

42 2 1
                                    


Sa baybayin ng Reino de Fuego, nagkaharap ang grupo ni Jai at ng Prinsipe Fidel. Ngunit, tila gumunaw ang tensyon ng biglang lumutang sa ere si Jai. Nasaksihan muli nina Philip ang anyong minsang gumunaw sa isla ng mga Siquestro noon—nagbabagang katawan, lumiliyab na mga pakpak, at liwanag mula sa mga mata. Pag-alala't takot ang mababakas sa mga mukha ng kanyang mga kaibigan, ngunit sa kabila nito, isang kaaya-ayang tanawin ito sa mga mata ni Fidel.

"Reino de Fuego, muli tayong nagkita," mga salitang lumabas sa bibig ni Jai ngunit mula sa ibang boses.

"Ave Fenix, alagad ng Diyos, ikaw ay nagbalik," pagbati ni Fidel. "Maligayang pagbaba—"

"Pakawalan mo sila."

Iyon ang utos ng Ave Fenix, ngunit hindi ito nagustuhan ni Fidel. Sasalungat na sana siya sa utos ngunit dumating ang kanyang mga magulang, ang Rei at Reina. Doon ay nasaksihan rin nila ang anyo ng Ave Fenix sa katawan ng isang invasor. Tila kay tagal na mula noong huli nilang nakita ang alagad ng Diyos, kaya't hindi sila makapaniwalang nasa harap nila muli ito, nagliliyab sa pagbabalik nito.

"Ang Ave Fenix," tanging nasambit ng Reina habang pinagmamasdan ito sa ere. Nagbigay-galang naman silang lahat sa alagad ng Diyos.

"Ano ang maipaglilingkod namin sa inyo?" tanong ng Rei sa Ave Fenix.

"Pakawalan ninyo sila," kanya muling utos.

"Ngunit, sila ang naghatid ng kapahamakan ng apat na Reino. Hindi ba dapat sila ay parusahan sa pagnakaw ng mga sagradong bato?" walang takot na sabi ni Fidel na siyang hindi nagustuhan ng kanyang mga magulang.

"Mayroon kayong pagkakataong magkaisa at panatilihin ang kapayapaan rito kahit wala ang mga bato, ngunit mas pinili niyong magpalamon sa ganid at kasakiman. Sino ba ang nararapat ngayon na parusahan?"

Dahil sa binitaw ng Ave Fenix ay nakaramdaman ng bigat sa kalooban ang mga taga-Reino de Fuego. Hindi nila inasahan ang magiging tugon ng alagad ng Diyos, gayong akala nila'y papanig ito sa kanila.

"Ang biyaya ay muling magbabalik, sa oras na kayo'y maging mapagkumbaba muli kagaya ng dati," muling bitaw ng Ave Fenix saka humupa ang liwanag sa katawan ni Jai at bumagsak mula sa ere.

Sinalo naman siya ni Philip at nagbalik ang wisyo ni Jai, habang walang imik ang kampo ni Fidel pagkatapos sermunan ng alagad ng Diyos. Sina Fidel naman ay pinagmasdan lamang nila si Jai, ang anyong hiniram ng Ave Fenix.

Kinamusta naman si Jai at inamin niyang nasaksihan niya ang lahat, sadyang kontrolado ng Ave Fenix ang kanyang katawan kanina. Ngayong muli nilang hinarap ang mga taga-Reino de Fuego, hindi alam nina Jai kung anong sunod na hakbang ang tatahakin ng Reino de Fuego, gayong magbabalik ang Ave Fenix sa kanilang kaharian.

Kusa namang lumapit ang Rei at Reina sa grupo nina Jai, nag-alok ng pagtanggap sa kanila sa Reino de Fuego, ngunit tumanggi mismo si Jai. "Babalik kami rito ayon sa utos ng Ave Fenix," kanyang tugon saka sila lumisan at umakyat sa kanilang frigata.

Pumalaot ang grupo ni Jai patungo sa Reino de Tierra, habang walang magawa ang kampon ni Fidel at pinagmasdan ang frigata ng mga invasor. Labag man sa kalooban ang patakasin sila, ngunit kailangan nila sundin bawat salita ng Ave Fenix upang bumalik sa kanila ang biyaya nito.

Sa baybayin ng Reino de Tierra, sinalubong sina Jai ng pagbati ni Danaia kasama ang mga golem na siyang natuwa nang makitang ligtas na nakabalik ang invasor kasama ang mga kaibigan niya. Pinalikas muna ni Danaia ang mga invasor sa isang lugar kung saan sila pwede makapagpahinga pagkatapos ang lahat-lahat, at malayo sa sentro ng Reino.

Sa kanilang pagpapahinga, doon na nagkakilala ang mga kaibigan ni Jai at si Danaia. Malugod naman silang tinanggap ng taga-Tierra.

Doon na rin naikwento ni Jai ang nangyari sa kanya pagkatapos higupin ng ipo-ipo, gayundin sina Philip at kanyang karanasan sa kamay ng mga taga-Fuego.

Binunyag nina Leia ang malaking galit ng taga-Fuego nang dumaong sila sa isla nila. Sinalubong sila ng mga guwardiya at kaagad inatake, dahilan na nalagasan muli ang kanilang grupo at tanging sila na lamang ang natira.

Sinubukan nilang tumakas ngunit nadakip sina Philip, Leia, Norekko, at Akessiya. Nang sinubukan ng kambal na iligtas ang mga kasama, nahuli rin sila at nagising na lamang sa kulungan sa Palasyo ng Fuego.

Doon rin nila nakilala si Fidel na nagkainteres sa kanila at pilit na hinihingi ang sagradong bato mula sa kanila. Nabanggit rin ni Fidel sa kanila na may isang invasor sa Reino de Tierra, kaya nabuhayan ang kanilang kalooban na marinig ang tungkol iyon.

Si Raphael naman, dahil sa anghang nitong bibig, napagdiskitahan siya ni Fidel at binugbog kaya nagkagalos siya. Dahil din do'n, sumama muli ang loob ni Jai sa taga-Fuego.

Nakwento rin nila na bibitayin sana sila ng mga taga-Fuego ngunit bago pa man sila sunduin ng mga guwardiya, nagawa nilang makatakas mula sa kulungan.

No'ng oras na tumatakas na sila, nakaramdam si Philip na enerhiya mula kay Jai, kaya nagpaiwan siya habang bumalik sa frigata ang iba.

Pasikat na ang araw dahil sa mahaba nilang pag-uusap kaya't nagpasya na silang magpahinga na, habang nanatiling gising si Jai na nagpapahangin sa balkonahe.

"Hindi ka ba napagod sa nangyari?" isang tanong mula sa taga-Tierra na tumabi sa kanya, habang pinagmamasdan ang madilim na kakahuyan ng Reino de Tierra.

"Napagod, kaso kay raming tumatakbo sa isip ko ngayon," tugon ni Jai.

"Tungkol nga pala sa kaibigan mo," panimula ni Danaia na siyang ikinalingon ni Jai.

"Kina Philip? Bakit, may problema ba?"

Umiling naman si Danaia. "Hindi, tungkol sa hinahanap niyo na kaibigan."

Sa oras na iyon, biglang kumabog ang puso ni Jai. Hindi man labis maintindihan ang dahilan nito, ngunit ituon niya ang kanyang buong atensyon kay Danaia.

"May alam ako kung sino ang makakatulong sa inyo."

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon