Jai
Wala pa ring kaming matanaw na mga isla. Tatlong araw na ata kaming naglalakbay sa dagat. Maayos pa naman kami, sa ngayon. May nagtatampisaw sa baba, may nagpapahinga lang sa mga silid, tapos may nakadungaw lang sa gilid ng kubyerta. Batid kong naiinip na rin sila sa layo ng aming byahe tungo sa kawalan.
"Jai," isang boses ang umagaw sa aking atensyon. Si Philip. "Samahan mo ako sa baba."
"Bakit?"
"May susubukan lang akong gawin."
Sinamahan ko siya sa ibabang parte ng fragata kung saan mararating ang dagat mismo. Nadatnan naming nagtatampisaw ang dalawang naghaharutan. "Oh, naparito kayo," sabi ni Leia nang mapansin nila kami.
"Pasensya sa istorbo," sambit ni Philip.
Sinunod ko lang siya hanggang sa napaluhod at napaupo na siya sa sahig. "Ano gagawin mo?" naitanong ko, saka ako umupo rin.
"Gusto kong subukang alamin ang memorya ng karagatan," aniya. Sa pagkakatanda ko, hindi ko pa nakitang ginawa niya ito dati. Binabasa niya lamang ang memorya ng lupa na naging malaking tulong sa amin upang mahanap ang mga kuta ng kalaban.
"Nasubukan mo na ba 'to dati?"
Umiling siya. "Hindi pa, pero sa mga tubig na nasa baso, oo."
Ilahad niya ang kanyang kamay sa akin. "Hawakan mo 'ko para makita mo rin."
Hinawakan ko ang kanyang kamay, saka siya nagliwanag sa kulay berde. Naramdaman ko ang enerhiya mula sa kanya, at nang inabot niya ang asul na karagatan sa harap namin, may nakita akong tanawin sa aking isipan.
Isang maliwanag na umaga na bumungad sa mga manlalakbay. Limang malalaking fragata na naglalakbay sa karagatan. Marami sila. Hindi ko maibilang. Batid kong isa itong eksipidisyon na naganap noon. Parang ipinadala ata sila ng isang kaharian mula sa Serentos.
Nang magbago ang tanawin, isang malamig na gabi ang bumangad sa akin. Mga nakalutang na piraso ng kahoy. Mga sigaw ng mga kawal na humihingi ng tulong. Mga barkong nasusunog at lumulubog nang tuluyan patungo sa ilalim ng karagatan.
Sa isang iglap, nawala ang mga nakita ko at bumalik sa kasalukuyan ang lahat. Nagkatinginan kami ni Philip at hindi ko maipinta ang kanyang mukha. Pareho kaming hindi makapagsalita ni Philip dahil sa aming nakita.
"Oh, ba't parang nakakita kayo ng multo?" tanong ni Raphael sa amin.
Nagdadalawang-isip pa akong sabihin ang lahat na nakita ko ngunit bigla na lamang tumayo si Philip at hinila ako pabalik sa kubyerta. Rinig ko pang tinawag kami ng dalawa ngunit nakalayo na kami at pumasok sa isang silid.
"Philip, totoo ba 'yon—"
"Sshh, teka lang. Baka magpanic ang lahat kapag sinabi mo ang lahat na nakita natin," aniya nang tinakpan niya ang kanyang baba gamit ang kanyang palad. Inalis ko iyon at nagsalita muli.
"Philip, kita ko ang lahat. May nauna na sa atin dito, at may nangyari sa kanilang lahat. Mas mabuti na lang siguro na ihinto na natin 'to," sabi ko ngunit hindi siya sumang-ayon.
"Jai," tawag niya sa akin at hinawakan ang magkabila kong balikat. "Tandaan mo ang rason kung bakit tayo narito. Kung babalik tayo, may mangyayari rin sa Kaharian mo. May mangyayari rin sa lahat kapag umatras pa tayo ngayon."
"Philip, ayaw kong may mangyari sa inyo. Hindi natin alam kung anong panganib ang nag-aantay sa atin rito. Hindi natin alam kung bakit lahat ng mga manlalakbay na umabot rito ay lumubog at hindi na nakabalik pa ng buhay sa Titania."
Napatigil naman kami saglit nang biglang tumunog ang kampanilya sa itaas. Kaya, lumabas kami ng silid at nagtungo sa kubyerta. Doon at nadatnan naming nagkasiyahan ang lahat nang may matanaw na isla sa aming paroroonan. Medyo maulap sa paligid nito kaya hindi namin masyado makita kung ano ang nakatago sa likod ng mga makakapal na ulap.
"Mabuti naman! May nakita na tayong isla! Mukhang totoo nga 'yong mga isla sa mapa ni Akessiya!" sabi naman ni Rafaela ngunit nang mapansin niya ako, nagtaka naman siya.
"Ba't ganyan ang mga itsura niyo?" tanong niya.
"Kailangan nating umatras," 'yon lamang ang aking sinabi saka ko sila nilagpasan at nagtungo sa aming kapitana.
"Kamahalan," bati niya. "May isla n—"
"Umatras na tayo," utos ko na ikinataka niya.
"Ngunit malapit na tayo, Kamahalan."
"Jai," singit ni Philip. "Wag mong gawin."
"Ako ang masusunod, Philip."
Lumingon ako kay Akessiya na nagdadalawang-isip pa, ngunit sa huli, sumunod naman siya. Sa pag-iba ng position ng mga layag, lumiko na aming fragata.
"Oh, sa'n na tayo papunta?" rinig kong sabi ni Leia sa kabilang parte ng kubyerta.
Pagliko ng aming fragata ay napansin naming may umaahon sa harap namin. Ilang saglit lang ay may isang malaking nilalang ang umahon at umiingay ng kay tinis. Masama ang kutob ko rito.
"Krakken! Mapanganib ang isang iyan!" sigaw ni Norekko kaya nagsipagkilos ang lahat. Napako lamang ako sa aking kinatatayuan at nakatingin sa dambuhalang nilalang habang inaangat nito ang dalawang braso at ginagalaw ang dalawa nitong dila. Naaalala ko na.
"Jai!" tawag sa akin ni Philip na nagpabalik sa aking wisyo. "Ano na gagawin?"
Lumingon ulit ako sa krakken at nakita kong paparating na siya sa amin. "Akessiya! Norekko! Kayo na bahala sa fragata!" sigaw ko saka ako lumipad patungo sa nilalang. Narinig kong may tumawag pa sa akin ngunit binalewala ko na at ituon ang pansin sa krakken.
Pasugod na sana ito sa aming fragata nang pinigilan ko. Nagpa-ulan ako ng mga bolang apoy na tumama sa kanyang katawan. Napahinto ito at umingay ulit. Kinuha ko na ang pagkakataon at sumigaw nang kay lakas. Magpapaulan sana ulit ako nang matamaan ako ng isa sa mga dila niya.
Nawalan ako ng balanse at babagsak na sana sa tubig nang may sumalo sa akin. "Hindi mo man lang kami hinintay," sabi ni Raphael sabay iwas sa atake ng krakken.
Saka ko naman nakita si Rafaela at Leia na nagbitiw ng mga tira sa nilalang. Binitawan na ako ni Raphael nang makabawi na ako ng lakas saka kami sumugod. Sabay-sabay kaming umatake na nagpaingay sa daing sa krakken. Natamaan pa ang mga dila ng mga pana mula kay Leia.
Nang lingunin ko naman ang fragata, nagulat ako nang may humahabol pang isang krakken sa kanila. "May isa pa!" sigaw ko saka ako sumugod sa kabila.
Hindi na nagawa ng krakken na lumingon sa akin at bumulusok ang pulang liwanag mula sa mga palad ko sa kanyang mukha. Napahinto rin siya kaya malayang nakalayo ang aming fragata.
"Jai! Ilag!"
Napalingon ako sa sigaw ni Philip ngunit huli na upang umilag pa ako sa mahabang dila ng krakken na nagpatilapon sa akin, at diretso sa tubig ako bumagsak.
Lumubog ako sa dagat at nabingi ako. Pagdilat ko, bumungad sa akin ang kaasulan ng karagatan. Nagpalingon ako ngunit wala akong makita kung 'di ang mga binti ng krakken. Bahagya ko namang narinig ang mga ingay mula sa kung saan. Mga himig na hindi ko maintindihan.
Binalewala ko muna ang aking narinig at nagpakawala ng liwanag na tumama sa mga binti ng krakken.
Sumulpot naman sa harap ko si Philip at inahon ako hanggang sa marating namin ang ibabaw. "SIRA KA BA?!" singhal ko sa kanya matapos makahinga nang malalim.
"Magpasalamat ka na lang!" aniya.
Saktong pag-ahon namin ay bumagsak na ang huling krakken. Dumaing ito at tuluyan lumubog sa karagatan.
Inahon ko si Philip at dinala sa kubyerta. Nagsipagbalik naman ang tatlong tumapos sa mga krakken. Halatang napagod sila sa hindi inaasahang labanan ngayong araw.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...