Kabanata LVIII

41 3 0
                                    


Hinarap ni Jai ang mga ahas na tumatangka sa buhay niya. Nagbitaw siya ng mga sigaw, ngunit kaakibat naman niyan ay ang unti-unting pagkaubos ng kanyang hangin. Kahit nahihirapan, pinilit niyang lumapit kay Reina Naida.

"Ave Fénix," pagtawag niya sa Alagad ng Diyos.

"Jairovski Oclamidos," pagtugon nito sa kanyang isipan. "Handa mo na bang isuko ang lahat sa akin?"

Nang marinig ni Jai iyon, hindi niya maiwasang magdalawang-isip saglit. Bago pa man bumalik sa kanya ang Ave Fénix mula kay Fidel, may hinandog na kondisyon ang Alagad ng Diyos, kapalit ang tulong nito upang magawa ni Jai ang kanyang misyon, alang-alang sa kapayapaan ng Apat na Reino.

Bagama't walang kasiguraduhan na mabibigyan siya muli ng pagkakataong mabuhay, sa ayaw niya't gusto, tatangapin niya ang alok ng Ave Fénix—anuman man ang mangyari sa kanya.

"Nagdulot ako ng kaguluhan sa mga Reino. Kaya, ako ang tatapos sa aking sinimulan," kanyang sabi.

Doon ay nakaramdam siya ng enerhiya mula sa kwintas, at nang dumaloy ito sa buo niyang katawan, ramdam niyang unti-unti nang sumasapi sa kanya ang Ave Fénix.

Muli niyang ginalaw ang kanyang mga braso't binti at sumisid patungo sa Reina, habang patuloy pa rin ang bugso ng mga atake sa kanya. Hindi nagtagal, isang matulis na yelo ang dumaplis sa kanyang tagiliran, at doon na siya nakaramdam ng pagkirot rito hanggang sa nakita niyang may pulang likido nang dumadaloy sa tubig.

Sa kabila ng tama, hindi siya tumigil sa paglapit at pag-ilag.

Nang marating niya ang malaking bula at pumutok ito, saka nagising ang totoong katawan ng Reina. Nagbitaw ng isang sipa si Jai na siyang hindi naiwasan ng Reina, ngunit kasunod ng iyon ay hinablot niya ang kanyang patalim na may dugo ng Sirena.

Hindi iyon napansin ni Jai at nagawang madaplisan ni Reina Naida ang braso ni Jai. Napadaing ang Tagahawak ng Ave Fenix, at muling nabawasan ang inipon niyang hangin.

Bagama't nagtamo ng sugat, ininda niya ang kirot at sumugod sa Reina. Nagpalitan sila ng suntok at sipa, hanggang sa nabitaw ng Reina ang kanyang patalim. Kaagad kumilos si Jai at kinuha ito, saka sinaksak sa likod ng Reina.

Bumaon ang patalim at hindi ito natiis ng Reina. Sinubukan pa nitong magbitaw ng huling atake kay Jai, ngunit lahat ng yelong bumulusok kay Jai ay naharangan ng mga pakpak.

Nagulat si Jai sa biglang pagsulpot ng mga pakpak na naging panangga niya sa mga atake. Sa kabila nito, batid niyang nakakabit na sa kanyang likuran ang mga ito—nagliliwanag sa pulang kulay.

Hindi nagtagal, tuluyang napabitaw ng huling hininga ang Reina. Bago pa man ito hilahin ng tubig paibaba, kinuha ni Jai ang kwintas ng Reina. Nagawa niyang makuha ang huling Banal na Alahas.

Kaagad siyang umahon sa karagatan, at tila parang ibon na nakalaya sa isang kulungan nang kanyang binuka ang mga pakpak niya't pinapagaspas. Bagama't kamangha-mangha, ito ang bunga ng pagtanggap ng alok niya sa Ave Fénix.

Sa ibabaw ng karagatan, nasaksihan niya ang paghupa ng malaking harang ng tubig at muling pagbalik nito sa dating kapayapaan. Mula doon, siya'y lumipad pabalik ng Reino del Agua kung saan siya sinalubong ng mga kaibigan niyang sugatan.

Sa kanyang paglapag, hindi maiwasan na mabighani ang lahat sa bagong katangian na tinaglay niya. Ramdam nila na mayroong kakaibang presensya mula kay Jai.

"Nakuha ko na ang Agua Dragua," kanyang sabi.

Gumaan ang loob ng lahat ng marinig si Jai, ngunit kaagad naman napawi iyon nang mapagtantong gagawin na niya ang huling hakbang ng kanilang misyon.

Inabot ni Ella ang dalawa pang mga Banal na Alahas sa palad ni Jai. Kita nila ang pagkislap ng mga ito, isang hudyat na nagbalik na sa mga Alahas ang Kapangyarihan ng Tierra Tortuga at ng Aire Quimera.

Ibig sabihin, wala na rin ang kanyang kapatid na nasa kontrol lamang ng Reina Naida.

"Jai," pagtawag ni Ella. "Ipinangako mo sa amin na babalik ka."

Lumapit na rin ang kakambal niya at hindi nito maitago ang pangamba niya sa maaaring mangyari kay Jai. "Pwede bang hindi na lang natin ito ituloy?" kanyang mungkahi.

"Raphael, pinag-usapan na natin 'to—"

Naudlot ang tugon ni Jai nang napadaing ito bigla. Aalalayan na sana siya, ngunit umatras ito at pinigilan silang lumapit. "Pakiusap, ilayo niyo na ang lahat rito. Sila ang unahin niyo."

"Jai—"

Sa kabila ng sakit dulot ng lason at sa unti-unting pagsanib ng Ave Fénix sa kanya, sumilay sa kanyang labi ang isang ngiti. "Salamat sa lahat-lahat. Buong buhay ko'y naging makulay dahil sa inyo, Leia, Raphael, Ella," kanyang sambit, na animo'y huling pagkikita na nila.

"Jai, bumalik ka," sabi ni Leia, habang ramdam niya ang pagragasa ng mga luha sa kanyang pisngi. Yakap naman si Raphael, upang hindi na siya makalapit kay Jai.

Nagliliwanag na rin si Jai, ngunit tila umiitim na ang balat niya dahil sa pagkasunog mula sa enerhiyang dumadaloy sa katawan niya. Pinipigilan rin niyang manghina at pinipilit na maging matatag kahit sa kanyang huling sandali.

Aakma na sana siyang lilisan nang may tumawag sa kanya.

"Jai," isang pamilyar na boses sa Tagahawak. Nang siya'y lumingon, natanaw niya si Xandrus.

Doon niya napagtantong naaalala na siya ni Xandrus, isang pagkakataong inaantay niya nang matagal. Pinalaya na ng Agua Dragua ang kanyang mga memorya na ikinulong ng Reina.

"Xandrus," kanyang pagtawag sa kanyang pangalan. "Salamat sa lahat. Kung hindi dahil sa'yo, hindi ko taglay ang tatag ng loob ko ngayon. Minahal kita, at masaya akong makitang buhay ka."

Hindi na inantay ni Jai ang tugon ni Xandrus dahil hinihinila na siya nito ng Ave Fénix palayo at tuluyang lumisan sa Reino del Agua. Rinig niya ang sigaw ng mga kaibigan na animo'y makakapigil sa kanya, ngunit buo na ang desisyon ni Jai.

Pagdating sa gitna ng karagatang pinalibutan ng mga Reino, bumulusok siya't sumisid sa tubig. Hindi na siya nahirapang matunton ang kwebang tinutukoy nina Danaia.

Narating niya ito at pumasok rito. Sa loob ay nadatnan niya ang apat na rebulto ng tao, nakalahad ang mga palad kung saan dating nakalagay ang bawat Banal na Bato.

Napadaing muli si Jai, at hindi niya kayang tiisin pa ang pagkalat ng lason sa kanyang katawan. Bago pa man siya tuluyang mawalan ng malay, tinipon niya lahat ng Alahas sa kanyang mga palad.

"Hakkayi."

Sa pagbitaw niya ng enchanta, isang malaking pwersa ang sumabog sa kweba. Tila lumiwanag ang ilalim ng karagatan dahil sa pagsabog.

Dulot nito, naging magulo ang daloy ng karagatan. Nagkaroon ng pagyanig sa Apat na Reino. Nagkagulo rin ang mga lumilikas na sibilyan, nangangambang tuluyang mawala sa kanilang paningin ang mga Reinong naging tirahan nila.

Tumagal ang pagyanig, ngunit pansin nilang lahat na tuluyang nagkakonektado ang mga Reino. Ni kahit ang lumulutang na Reino del Aire ay bumaba sa kalangitan at kinalauna'y konektado na rin sa mga kalapit na Reino.

Sa kabila ng kaguluhan, sumilay ang pag-asa sa mukha ni Danaia, at ng iba pang mga kasama niya dahil sa kanilang nasaksaksihang pagbabago sa mga Reino.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon