Jai
Sa gabing iyon, isang 'di inaasahang piging ang sumalubong sa amin sa Palasyo nila. Doon ay nakilala ko si Haring Erio at si Reyna Wineya. Sa tagal ng aming naging negosasyon sa pakikipagkalakalan ay iyon pa ang aming personal na pagkikita. Nakakahiya man sa ganitong itsura pa ako nila makilala ngunit nalulugod naman sila sa aming pagdating. "Tunay ngang may itsura ang Hari ng Silangang Serentos," aniya ng Reyna.
"Ngunit wala namang papantay sa taglay na kakisigan at kagandahan ng Hari at Reyna dito," papuri ko na ikinagalak nilang marinig.
Napahaba ang aming pag-uusap na umabot sa mga negosasyon namin, ngunit ipinaalam ko sa kanila na mayroon kaming misyon na aasikasuhin at ipinapaubaya ko ang Kaharian sa kanang kamay ko. "Ngunit napakadelikado para sa isang Hari na maglakbay sa mga lupain," pag-aalala ng Reyna.
"Nakakasiguro akong magagawa namin ang misyon na walang mapapahamak sa gabay ng Diyos ng Titania," aking tugon.
Nakisalamuha naman ako sa ibang tauhan rito habang hindi umaalis ang tingin ng dalawang Sadhaka sa akin. Minsan na akong nawala noon sa isang piging sa aming Palasyo, kaya alam kong nag-aalala rin sila sa akin.
"Kamahalan," pagbati ni Epifanio.
"Prinsipe Epifanio," aking pagtawag sa kanya.
"Ang sabi ng Hari at Reyna, kung batid mo'y kailangan mo nang magpahinga ay ihahatid kita sa silid mo," wika niya.
Kumunot ang noo ko. "Baka ang kinakausap ko'y hindi mismo ang prinsipe," tugon ko. "Mamaya'y akusahan na naman ako na may dalang banta sa kanya."
Bahagya siyang natawa. "Kita mo namang kinaladkad na sa piitan si Bartolome," aniya. Si Bartolome ang taong nagpanggap na Ginoong Laran. Siya raw ang dati nilang dakilang propeta dito sa Palasyo ngunit napatunayang walang bahid ng katotohanan ang mga propesiya niya. Ginamit niya ako kanina upang maging totoo ang propesiya niya na ako ang papahamak sa Prinsipe. Siya rin mismo ang pumaslang sa mga bantay doon sa gubat. At, ang pagbabalat-anyo niya ay dahil tulong ng isang salamangkero na tinutugis pa nila hanggang ngayon.
"Medyo napapagod na rin ako dahil sa haba ng biyahe, ngunit wala akong tiwala sa iyo," sabi ko saka ko sinenyasan ang mga Sadhaka.
Inirapan naman ako ng prinsipe. "Psh, edi wag," sabi niya saka umalis.
Nagtaka naman ang dalawa sa pag-alis ng prinsipe. "Anong mayroon, Kamahalan?" tanong ni S'Akessiya.
"Gusto ko nang magpahinga. Maaga pa naman tayo magpapatuloy sa ating biyahe bukas," paalala ko sa kanila. Sa tulong ng kanilang tauhan ay naihatid kami sa aming silid. Si S'Akessiya ay sa kabilang silid habang sasama sa akin si S'Norekko. Ayaw rin naman nila na mag-isa ako sa aking silid, lalo pa't wala kami sa aming Palasyo.
"Nasaan pala si Grietta?" tanong ko kay S'Norekko na nag-aayos sa kanyang higaan.
"Nasa kabilang silid, Kamahalan, kasama si Akessiya," tugon niya.
"Mabuti naman kung gano'n."
Noong kasagsagan ng kaguluhan sa bayan ng Hermania, nadatnan naming nasa loob lamang siya ng karwahe na parang bang walang nangyari. Mabuti't hindi siya napahamak.
Dinalaw na ako ng antok kaya nakaidlip na ako.
Maya-maya'y nagising ako sa gitna ng kawalan. Pawang kadiliman lamang ang aking paligid. Walang tao. Walang sinuman kung 'di ako lang.
Nang makarinig ako ng pagtawag ng aking pangalan, hinanap ko kung saan nanggaling iyon. Nakilala ko ang may-ari ng boses na iyon. "Xandrus."
Bigla naman akong napadilat at napabalikwas sa kama. Siya na naman.
Nakita kong naghahanda na si S'Norekko at nag-aayos sa sarili. Nang mapansin ang aking paggising, binati niya ako. "Magandang umaga, Kamahalan."
"Magandang umaga rin."
Nag-ayos na rin ako at hinanda ang sarili. Kailangan na naming umalis sa pagsilip ng araw. Paglabas namin ng silid ay sumalubong sa amin si S'Akessiya at Grietta, kasama ang ilang kawal na hahatid sa amin palabas.
Sa labas ng palasyo ay nag-aantay ulit sa amin ang karwahe namin. Nauna nang pumasok si Grietta. Susunod na sana ako nang may umagaw sa atensyon namin. "Teka!"
Tumakbo ang prinsipe papunta sa amin at nang napahinto ay hingal na hingal naman siya. May dala siyang mga tampipi na inabot niya sa amin. "Iyan ay may laman na mga kagamitan at pagkain na magagamit niyo sa inyong biyahe," aniya. "Ito'y kapalit sa nangyari kahapon."
"Hindi ko ito inaasahan ngunit maraming salamat sa iyong kabaitan, Prinsipe," aking pasasalamat. "Aasahan mong ibabalik namin sa inyo ang kabaitang ipinakita ninyo sa amin."
"Kung babalik ka man rito, handa akong ilibot rito sa aming Palasyo," wika niya.
"Iyan ay kung Hari ka na ng Kahariang ito, Prinsipe," aking tugon. Pumasok na ako sa karwahe kasama ang dalawang Sadhaka. Maya-maya'y nagsimula nang tumakbo ang aming karwahe. Gustuhin ko ring maglibot rito ngunit may uunahin pa kaming gagawin.
Muli naming tinahak ang kagubatan at ngayo'y may mga bantay ulit kaming nakakasalubong. 'Di maipagkakaila na napapanatili talaga nila ang kapayapaan rito.
Upang hindi ako mainip sa aming biyahe ay nanggantsilyo ako. Tahimik naman ang mga Sadhaka, gayon din si Grietta na halatang ayaw makipag-usap. Nag-aantay lang kami sa kanyang hudyat kung narating na ba namin ang pakanlurang sinasabi niya.
Maya-maya'y nakatawid na kami sa Kanlurang Serentos. Kung sagana sa mga damuhan ang Timog, dito ay puro nagtataasang mga kanyon lamang ang matatanaw rito. Medyo mabuhangin at tahimik. Wala masyadong tao.
"Sundan ang ilog," biglang sambit ni Grietta sa likuran. Inutusan naman ni S'Norekko ang kawal na sumunod sa ilog. Sa pagkakaalam namin, sasalubungin nito ang karagatan sa dulo nito.
Naisipan ko namang maghalughog sa mga bibigay ni Prinsipe Epifanio. Karamihan ay mga pagkain na hindi madaling mabulok, ngunit mayroon namang isang kahon na may lamang mga kagamitan. Kumuha sa atensyon ko ang isang papel na binasa ko.
"Mag-ingat sa mga Astuto."
Sa ilalim nito ay mga gintong barya na hindi ko mabilang sa dami.
Napatingin naman ako sa dalawa. "Astuto. Isang grupo ng mga tuso na nangingikil sa mga tao rito," sambit ni S'Norekko.
"Kadalasan, hinihingi nila ay ginto," dagdag naman ni S'Akessiya. "Kung hindi nila makuha ang gusto mo, maghahasik sila ng kaguluhan."
Sa tingin ko'y nakasalamuha na nila Prinsipe Epifanio ang grupong ito, kaya binigyan niya kami ng ganito.
Bigla namang huminto ang karwahe at nakarinig kami ng ingay ng mga lalaki sa labas. Pinatago naman nila ako sa isang kumot. Hindi nagtagal ay may humampas sa pinto ng karwahe. "Napakagandang karwahe," rinig kong sabi ng isang lalaki. "Bago kayo rito?"
"Pabalik-balik na kami rito, ginoo," sagot ni S'Norekko.
"Ngayon lang namin kayo nakita rito. Anong sadya niyo rito?" tanong pa ng lalaki.
"Makikipagkalakalan sana."
"Psh. Bago kayo tumuloy, bigay niyo sa amin ang ginto niyo," sambit niya.
Narinig kong may kinuha ang mga Sadhaka at alam kong mga ginto iyon mula sa kahon na ibinigay ng prinsipe.
"Kulang pa ito."
May kinuha ulit sila.
"Kulang pa rin."
"Wala na kaming barya. 'Yan na lang ang natira."
"Eh, kulang pa 'to. Ibigay niyo na sa amin lahat ng ginto niyo. Kung hindi, ipapatumba namin itong karwahe niyo," pamamanta pa niya.
"Pasensya na, ginoo. 'Yan lang talaga—"
"SABING AMIN NA!"
Nasindak ako sa pagsigaw ng lalaki. Akala ko huli na yung Bartolome ngunit may hahabol pa ata sa kanya ngayon.
Bigla namang nangati ang ilong ko kaya napabahing ako sa dis-oras at nahulog sa sahig ang kumot na tumatakip sa akin. Nagkatagpo naman ang tingin namin ng lalaki na dumudungaw sa bintana ng karwahe.
Napatawa ang lalaki nang makita ako. "May tinatago pala kayo ha."
Bigla namang tumabingi ang karwahe at sa pagsandal ni S'Akessiya sa pinto ay bumukas ito saka kami tuluyan nahulog palabas. Ngayo'y nakadapa kami sa lupa.
Ginala ko ang aking paningin at sa tantsa ko ay nasa sampu sila na nakapalibot sa amin. Napakadungis nila, may batik sa katawan at may hawak na mga patalim.
"Ibigay niyo sa amin ang lahat niyong dala o ikaw ang aming kukunin," sabi ng kasama ng lalaki.
Panay tingin naman sila sa akin hanggang sa napagtanto kong nakalabas pala ang kwintas ko. Dahil dito, naagaw nito ang atensyon nilang lahat.
"Ang ganda naman ng kwintas mo. 'Yan na lang ang ibibigay at kayo'y papalayain namin kaagad."
Dahil sa sikat ng araw, mas lalong kuminang ang kwintas ko. Sa pagtayo ko ay tinutukan nila ako ng patalim. Napataas ko na lamang ang dalawa kong mga kamay sa ere. Patawa-tawa pa ang iba, habang tinututukan rin nila ng patalim ang mga Sadhaka.
Nang may lumapit sa akin, kaagad siyang ipinatumba ni S'Norekko. Doon nagsimulang gumulo.
Hindi ako nagdalawang-isip na tirahin ng nagbabagang-apoy ang dalawang sumugod sa akin. May humawak pa sa akin ngunit kaagad siyang napaso at dumaing, saka ko siya sinipa ng kay lakas. Napatumba na rin ng dalawa ang iba hanggang sa isa na lang ang natira sa grupo.
Nakatingin lamang siya sa amin habang dumadaing sa sakit ang mga kasama niya. Napagtanto niya sigurong mali ang pinili nilang istorbohin.
Bakas sa kanyang mukha ang takot at 'di nagtagal ay tumakbo siya palayo. Paika-ika naman silang umalis ay iniwan ang mga walang-malay.
Tatakbo rin naman pala.
Inayos namin ang aming mga sarili bago pumasok sa karwahe namin. Nagpatuloy ang aming biyahe na parang walang nangyari. Si Grietta? Gano'n pa rin sa loob. May sarili ata siyang mundo.
Habang patuloy na lumalayo ang aming karwahe, nakarinig naman kami ng mga yapak na paparating. Kaagad na sumilip si S'Norekko, at biglang sumigaw. "Bilisan ang pagtakbo!"
Sumunod ang kawal sa utos ng Sadhaka kaya bumilis ang takbo ng karwahe namin. "Anong meron?" aking tanong.
"Mga Astuto. Sinundan nila tayo."
Nakarinig rin kami ng hiyawan ng mga lalaki kaya paniguradong sila ulit iyon. Ayaw pa pala nila kami tatantanan.
Binuksan ko ang munting pinto sa kisame tsaka pumatong sa silya. Doon ay natanaw ko ang mga Astuto na sumusunod sa amin. Lahat sila ay nakasakay sa kabayo, kung kaya't nakahabol sila sa amin.
Kaagad akong nagpakawala ng mga nagbabagang apoy patungo sa kanila, ngunit nagawa nilang iwasan ang mga iyon. Napakawala ulit ako at gumawa ng isang linya ng apoy upang mapahinto sila sa pagsunod namin. May ibang nakalusot at kita ko ang inis sa kanilang mga mukha. Nang naglabas na sila ng mga palaso nila ay bumaba na ako at sinara ang pinto.
Nag-isip naman ako ng paraan upang mapigil sila.
"Kamahalan," tawag sa akin ni S'Norekko. "Tamaan mo ang kanyon sa unahan."
Sumilip ako sa bintana at tinanaw ang mataas na kanyon. Kung ipapaguho ko ang kanyon, kailangan naming makalagpas sa tamang oras upang ang mga Astuto ang maabutan nito.
Naglabas na rin mga palaso ang mga Sadhaka. "Kami na bahala sa kanila. Ikaw na sa kanyon, Kamahalan," sabi ni S'Akessiya na kaagad kong sinang-ayunan.
Tuluyan akong lumabas sa munting pinto sa kisame at lumutang sa ere. Lumapit ako sa kanyon at nagpakawala ng napakalakas na enerhiya. Isang malaking bola ng apoy ang aking napakawala at ito'y tumilapon hanggang sa tumama nga ito sa kanyon. Tamang-tama, makakalagpas na ang aming karwahe sa guguhong mga bato. Nilagpasan ko ang mga gumuguhong bato at bumalik sa karwahe.
Nang tuluyang bumaba sa lupa ang mga bato ng kanyon ay nakagawa ito ng isang harang kaya hindi nalusot pa ang mga Astuto. Natakasan namin sila.
Nang makalayo kami ay saka pa huminto muna at nagpahinga sa tabi ng ilog. Nanghilamos muna ako sa preskong tubig rito. Hindi na rin kami nagtagal sa lugar dahil maabutan pa kami ng tusong grupo.
Naabutan na kami ng dilim sa daan kaya nagpasya kaming ihinto muna ang biyahe at magpalipas ng gabi rito.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...