Jai
Mabuti na lang, nahanap ako ng mga Myusa sa kweba kung saan ako itinago ni Reina Naida.
Kung hindi pa nila ako nahanap, nanigas na ako sa lamig doon at tuluyan naging yelo.
At kung hindi rin ako nakaabot dito, malamang nasa kamay na rin ni Eirob ang Ave Fénix.
"Buhay ka pa pala," pagbati niya sa akin.
"Dapat ako nga ang nagtatanong nyan sa'yo," aking tugon.
Napatawa naman siya kahit walang nakakatawa sa lahat ng ginawa niya rito. "Batid ko ang pananabik mo sa muli nating pagkikita," aniya.
"Tama na ang satsat, Eirob. Isuko mo na ang Aire Quimera at Tierra Tortuga, o mapipilitan akong kunin ang lahat ng iyan sa'yo," pagbitaw ko ng banta.
"Iyan ay kung kaya mo," kanyang sabi at sumugod patungo sa akin ang mga golem na kanina'y kontrol pa ni Danaia.
Nanatili lamang ako sa aking kinatatayuan, at sa isang iglap, nasa ere na ako. Lahat ng golem ay nagkabanggaan sa ibaba ko't gumuho.
Kasunod ng iyon ay ang pagbitaw ni Eirob ng isang malakas na hangin.
Napagsasabay niya talaga ang dalawang kapangyarihan. Hindi pa ako sigurado kung may kontrol rin siya sa tubig, kahit nasa kamay ni Reina Naida ang Agua Dragua.
Iniwasan ko lamang ang bawat atake niya.
Iyan muna ang gagawin ko sa ngayon.
"Nababagot na ako sa pag-iiwas mo. Lumaban ka o sila ang tatamaan ko," aniya sabay turo sa gawi nina Leia.
"Ang Ave Fenix ang kailangan mo, 'di ba? Kaya, ako ang harapin mo."
"At sino ka ba para sundin ko?" hirit naman niya.
"Eh 'di kapatid mo," aking sabi.
"Wala akong kapatid sa pagkakatanda ko," aniya.
"Ulyanin ka na siguro."
Bigla siyang sumulpot sa harap ko't muling nagpakawala ang pwersa ng hangin, ngunit nagawa kong kontrahin 'to ng isang malakas na sigaw. Dahil sa ginawa ko, pansin kong parang bubuwag ang katawan niya.
Kinuha ko ang pagkakataon at bumulusok patungo sa kanya, saka ako muling nagbitaw ng sunod-sunod na matinis na sigaw. Kita kong nabubwisit na siya sa bawat ganti ko.
At sa huling pwersang naipon ko, nagpakawala ang aking mga palad ng apoy. Hindi ako tumitigil hangga't hindi sumusuko ang isang 'to.
"Tapos ka na ba?" isang boses ang narinig ko mula sa likuran.
Sa aking paglingon ay sinalubong ako ng isang malakas na hampas ng hangin na siyang nagpatilapon sa akin. Nagawa ko pa rin namang kontrolin ang katawan ko't nakababa nang maayos sa yelong lupa.
Nawala sa isip kong hindi tunay ang katawan niya ngayon; bagkus—sa pagkakatanda ko—isa lamang siyang tubig na nabuo mula sa memorya. Kaya't ayaw kong sayangin ang lahat ng pisikal na lakas ko, gayong hindi naman siya napupuruhan nang tuluyan.
"Mukhang halata naman siguro kung sino sa ating dalawa ang susuko ngayon," aniya.
"Kung gano'n, handa akong sumuko," tugon na ikinalingon sa akin ng mga Sadhaka.
Sa aking inaasahan, nakita ko ang pangisi niya. "Magaling—"
"Iyan ay kung mapatunayan mo ang iyong katapatan kay Reina Naida," aking pag-udlot.
"Psh, wala akong panahon sa mga laro mo, Jairovski."
"Hindi rin dapat sinasayang ng Reina Naida ang kanyang oras sa mga katulad mong traydor," aking sambit.
Alam kong nakikinig si Reina Naida ngayon sa amin, at tila nag-aantay na mapasakamay ang iba pang mga kapangyarihan. Kailangan ko lang silang maisahan para kusang sumuko si Eirob.
"Nababasa ng Reina Naida ang bawat memorya sa buhay mo, Eirob. Hindi malabong hindi niya nakita ang pagtraydor mo kay Ransé sa huli nating pagharap," sabi ko.
"At bakit ko naman pagtatraydoran ang Reina ng mga taga-Agua?" kanyang tanong.
"Alam mo ang sagot niyan, Eirob. Hindi mo ba nababatid ang dugo ng mga Grellega na dumadaloy sa iyong katauhan? Isa ka ring tusong tulad ko, mahal kong kapatid. Nakapagtataka't nagawang pagkatiwalaan ka ng Reina Naida, gayong traydor ka na kahit noon pa man."
"Hindi uubra ang pagtatalumpati mo d'yan, hunghang. Animo'y papanig ang Reina sa 'yo."
Kasunod ng salitan namin ng salita ay nasa harap ko na siya't pinaulanan ako ng mga kamao niya. Bawat suntok niya'y nailagan ko. Wala pa akong planong gumamit pa ng Kapangyarihan ng Ave Fenix, gayong hinihigop rin nito ang pisikal na lakas ng sinumang tagahawak. Kaya't madali lamang napagod si Fidel sa paggamit nito't nawalan pa ng malay.
"Hindi ka pa rin nagbago, Jairovski. Handa mong ipahamak ang sarili mo para sa mga mahihinang nilalang!"
"Ang pinagkaiba lang naman natin ay mayroon akong mga pamilya't kaibigan, at ikaw—wala."
"Pamilya? Kaibigan? Nakakasukang pakinggan."
Sa huling bitaw niya ng suntok ay hindi ko nagawang maiwasan, at napaatras ako palayo sa kanya.
"Pwes, kung tunay mo nga silang kaibigan..."
Pansin kong umaangat sa ere ang mga kaibigan ko't parang sinasakal nang makita kong hawak-hawak nila ang kanilang mga leeg.
"...Patunayan mo."
Inilahad ni Eirob ang kanyang palad at nag-aantay na iabot ko sa kanya ang suot kong kwintas. "Napakarumi mo naman makipaglaro, Eirob. Bitawan mo silang lahat bago ka magsisisi sa iyong ginawa."
"Tuso rin ako, 'di ba?"
Sa ayaw't sa gusto ko, ito na lamang ang nakikita kong paraan.
"Nawa'y patawarin ako ni Ina at Ama sa aking gagawin. Noon pa ma'y sinubukan kitang isalba mula sa kamay ng kasakiman, ngunit tuluyan mo nang itinakwil ang ating kapatiran."
Ramdam ko ang mainit na pwersang dumadaloy sa buo kong katawan. Batid ko ang pag-aalab ng aking puso, hanggang sa nilamon ako ng naglalagablab na kapangyarihan.
"Jairovski Oclamidos. Patunayan mong ikaw lamang ang Tagahawak ng aking kapangyarihan at wala nang iba pa," isang pamilyar na boses na aking narinig sa aking isipan.
Ang Ave Fenix.
Ramdam ko ang presenya niya na gumagabay sa bawat kilos ko.
Ibinuka ko ang aking braso at isang malakas na pwersa ang pumaligid sa akin. Muli akong lumutang mula sa lupa't nakatingin lamang sa kinatatayuan ni Eirob. Bakas sa mukha niya't naguguluhan rin siya kung ano ang gagamitin niyang Kapangyarihan, gayong panigurong nagtatalo ang dalawang Alagad ng Diyos sa loob niya.
Kaya, hindi lubusang matawag nang sabay-sabay ang mga Alagad ng Diyos sa iisang Tagahawak.
"Tumigil ka't papaslangin ko silang laha—"
Naudlot ang aking banta nang aking ikinumpas ang aking palad at nagpakawala ng isang malakas na pwersa. Mas malakas ito kumpara sa binitaw ko kanina, ngunit kapalit niyan ay parang may susunog sa balat ko.
"Jai!" tawag ni Leia sa akin, ngunit hindi ko magawang makalingon sa kanila.
Parang may sariling buhay ang aking katawan.
"Jai, si Reina Naida ang kumukontrol kay Eirob. Hindi siya mamamatay hangga't patuloy na binubuhay siya ng Reina," rinig kong sabi niya.
Saka ko lang napagtanto ang tungkol riyan.
Humupa ang pwersang binitaw ko kay Eirob. Sa halip, tinalikuran ko siya't nagtungo sa Palasyo ng Reino del Agua. Nang makalapit doon ay nagsiliparan naman ang mga pana papunta sa akin, at kitang-kita ko ang bawat likido na tumutulo sa dulo ng mga matutulis na pana.
Papatayin na naman niya ako gamit ang parehong lason na muntik kumitil sa aking buhay.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...