Kabanata XI

53 5 0
                                    


Jai

Tatlong araw ang lumipas. Tila wala pa ring nagbago.

Nabalot sa nyebe ang buong Kaharian. Limitado na rin ang mga pangangailangan ng lahat. Pagkain. Malinis na tubig. Panggatong. May nagkakasakit na rin dahil sa sobrang lamig.

Minsan ko nang pinagmasdan ang kapaligiran sa aking balkonahe. Sarado ang kanilang mga pinto't bintana. Wala masyadong lumalabas. Kay tahimik lamang, ngunit alam kong nagdurusa na ang mga tao sa loob ng kanilang mga tahanan.

May naiisip akong paraan upang matapos ito—ngunit malalagay naman sa kapakanan ang mga buhay ng tao kung gagawin ko man. Ang masama pa rito, baka ikawasak pa ng aming Kaharian.

Nasa parang ulit ako, nakatingala sa puting langit. Sa kabila ng malamig na panahon, mainit pa rin ang pakiramdam ko. Yun nga lang, kapag napapasobra ang gamit ko ng kapangyarihan, nanghihina naman ako.

Bumuo ako ng isang bolang apoy at inihagis nang kay lakas sa itaas. Kay layo ng narating ng bola at pumutok naman ito, ngunit walang nagbago sa kalangitan—umuulan pa ng nyebe.

"Malamig rito, Kamahalan," isang pagbasag sa katahimikan. Nang akin siyang nilingon, kaagad niya ako binigyan ng ngiti.

Nagtungo ako sa kanya at niyakap. Kay tagal na akong nananabik na muli ko siyang makita. "Maligayang pagdating sa aming Palasyo," aking bati.

Nagtungo kami sa Palasyo at nadatnan naming nagkagulo ang mga tao. Nang lumingon sila sa amin, parang guminhawa sila. "Master Philip, andito ka na pala," sabi ni Chonsela. "At kasama mo na pala ang Mahal na Hari."

Nahuli ko namang masama ang tingin ni Lino kay Philip na kaagad niyang binawi nang mapansin niya ako.

"Batid kong kailangan niyo ang aking tulong, Mahal na Hari?" aniya na siyang sinang-ayunan ko.

Nagtungo kami sa silid-pagpupulong at nagpaliwanag ako sa kanya tungkol sa nangyari kamakailan lamang dito sa Kaharian namin. Siya lamang ang naiisip kong makatutulong sa amin na malutas ang misteryong bumabalot dito. "Sa katunayan, hindi na makita ni Chonsela ang hinaharap naming lahat," ani ko na pinakinggan niyang maagi. "Nangangamba ako sa kaligtasan ng mga mamamayan."

"Kung gano'n, sinasabi mong may kinalaman ito sa naging propesiya ni Grietta?" tanong niya na nagdadalawang isip pa akong sagutin.

"Ayaw ko sanang paniwalaan, ngunit siya lang ang naiisip kong may alam rito."

Pinahawak ko sa kanya ang aking palad at doon ay nagsimulang magliwanag ang kanyang mga mata. "Siya nga—ang dating may hawak ng Pulseras ng Aire Quimera," aniya. Batid kong nakikita niya ang aking mga memorya habang nararamdaman ko ang kanyang enerhiya sa aking ulo.

Nang binitawan niya ang aking palad ay humupa rin ang kanyang enerhiya at napabuntong-hininga. "Kailangan natin siyang mahanap."

Lumabas kami ng Palasyo kahit sinasalubong kami ng umuulang nyebe. Nagtungo kami sa huling lugar kung saan huling namataan ang dalaga na siyang tinuro ni Pinunong Lino. Hawak naman ni Philip ang isang panyo na ginamit ni Grietta na naiwan sa silid doon sa Palasyo. Gagamitin niya iyon upang masundan niya ang parehong enerhiya mula rito sa mga kalsada.

Lumuhod siya at sinubukang hawakan ang malamig sa lupa. Napalingon naman siya sa akin. "Mukhang kailangan ko ang iyong mapalad upang hindi ako ginawin sa lamig ng lupa," sabi niya kaya napaluhod na rin ako at humawak sa kanyang braso. Nang ginawa ko iyon, nahuli kong nakasimangot si Lino. Binalewala ko na lang.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon