Jai
Napahinto ang grupo namin nang makarating sa isang malawak na ilog. Wala kaming matanaw na tulay kaya sinundan muna namin ang daloy ng tubig. Kung magpapasya kaming gamitin ang kakayahan naming lumipad, baka may makahuli sa amin at kaagad malalagay sa kapamakan ang mga buhay namin.
Nang may matanaw kaming tulay, may napansin naman kaming mga tao rito, kaya't napatago muna kami sa likod ng mga bato.
Mga bantay. Tunay na mahigpit nga talaga ang seguridad dito.
"Sa ilalim ng tulay na lang kaya tayo tatawid?" suhestyon ni Leia.
"Malay mo, may bantay rin sa ilalim," ani Raphael.
Balak ko naman sanang maghagis ng pwersa sa dakong malayo upang maagaw ang atensyon ng mga bantay, ngunit nangangamba akong mas dadagsa ang mga bantay at makakasalubong pa namin sa daan.
"May majika ba kayong alam para maglaho tayo sa paningin nila?" aking tanong.
Nagsipagtanguan naman ang dalawang salamangkero. "Syempre, meron," tugon ni Raphael.
"Ngunit, hindi magtatagal ang epekto nito, kaya't kailangan natin kumilos nang mabilis," paalala ni Ella sa amin.
Tumabi si Ella sa akin habang si Raphael naman sa tabi ni Leia. Sabay na nagliwanag ang kanilang mga kamay, at ako'y nakaramdam ng enerhiya na dumaloy sa aking katawan. "Lipad," sabi ni Ella bilang hudyat na kumilos na kami.
Magkahawak-kamay kaming lumipad at tumawid sa ilog, at nang nilingon ko ang mga bantay sa tulay, hindi talaga nila kami napansin.
Nasa ere na kami nang biglang kumislap ang kwintas ko. Nakaramdam naman ako ng kirot na siyang nagpadaing sa akin bigla.
Umalingawngaw ang pagdaing ko, kasabay ang pagsira ng pwersang gawa ng majika.
"Ayun sila!" isang sigaw mula sa mga bantay sa tulay.
"Nakita nila tayo," sabi ni Ella kaya't mas binilisan namin ang aming pagtawid.
Narating namin ang kabilang gilid ng ilog at hindi na kami bumaba pa sa nagnyenyebeng lupa. Patuloy lamang kami sa paglipad at tinahak ang gubat, ngunit hindi nawala ang kaba ko dahil nakita nila kami.
Nilingon ko ang likod namin, at hindi na kami naabutan pa ng mga bantay.
Bumaba na kami nang makarating na kami sa pinakamalapit na bayan rito. Nagtago muna kami sa likod ng isang iglu.
"Ayos ka lang ba, Jai?" pangangamusta ni Ella sa akin.
"Ayos lang ako. 'Wag nyo kong aalahanin," sabi ko sa kanila saka kami nagpatuloy sa aming misyon.
Medyo maraming tao ngayon rito, at hindi talaga nalalayo ang aming kasuotan sa mga taga-Agua. Panlaban nila sa malamig na klima ay makakapal na kasuotan. Pasimple kaming sumabay sa mga tao at naglakad, diretso ang tingin, at tahimik lamang. Magkatabi pa rin kami ni Ella, habang hindi naman nalalayo sa amin sina Raphael at Leia.
May nakasalubong pa kaming mga bantay ngunit hindi namin pinansin. Nalagpsan naman nila kami, kaya't nakahinga ako nang maluwag, kahit papaano.
Ang mga daanan naming mga bahay at bilihan ay gawa sa bato, kahoy, at yelo. Batid kong hanapbuhay nila rito ay pangingisda, gayong samu't saring huling mga isda ang binebenta nila. May mga nakasabay pa kaming mga bata na naglalaro sa kalsada, hanggang sa may bumangga sa akin.
"Pasensya na po," kaagad na panghihingi ng tawag ng bata.
"Ayos lang," aking tugon, at kasabay n'on ay ang pagkislap muli ng aking kwintas.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...