Jai
Nagising ako kinabukasan. Pag-akyat ko sa kubyerta, nadatnan ko pang natutulog ang mga kasamahan namin, habang ang ilan sa kanila ay nagmamatyag sa karagatan. Pasikat na ang araw. "Kamahalan," bati ni S'Norekko. "Magandang umaga."
"Magandang umaga rin," bati ko rin. "Kamusta?"
"Wala pa rin kaming makitang mga isla. Mukhang malayo-layo pa ang ating lalakbayin," aniya.
Napatango lamang ako. "Saan na tayo patungo?" aking tanong.
Kanyang nilabas ang isang aguhon. "Digri treinta mula kanluran ng timog."
Nakita ko naman ang kapitana na si S'Akessiya na abala sa pagmamaneho ng fragata.
Nagtungo ako sa dulo ng kubyerta at pinagmasdan ang mapayapang karagatan. Malayo na na aming narating nang hindi ko na matanaw ang aming pinanggalingan. Malayo na kami sa kalupaan ng Titania. Nasiyahan naman ako nang may sumunod na mga lumba-lumba sa aming fragata. Ayon sa mga aklat, may hatid silang swerte sa mga manlalakbay sa karagatan.
"Pwede kang humiling sa kanila," isang boses mula sa aking likuran. Nang aking nilingon, si Raphael lang pala.
"Talaga ba?"
"Dali, habang hindi pa sila lumalayo," sabi pa niya kaya pinagmasdan ko ang mga lumba-lumba at humiling.
Sana makita namin si Xandrus.
Pagkatapos kong humiling, narinig ko ang hagikgik ng katabi ko. "Uto-uto ka naman," aniya.
Napaismid ako sa ginawa niya. "Nakakabwiset ka talaga no, kahit kailan."
"Kalma mo ang puso, kamahalan," sabi niya tsaka siya umakbay sa akin. "Lagi ka nang seryoso, 'di na mabiro. Ganyan ba 'pag kasal na?"
Alam na pala nila ang tungkol sa amin ni Lino. "'Di naman. Sa dami lang siguro ng mga kailangang gawin sa Palasyo, nakakalimutan ko nang pasayahin ang sarili ko. Kaya, nasanay na akong seryoso."
"Para sa'n nga 'tong paglalayag natin?" tanong niya.
"Para makuha ang mga Alahas," tugon ko.
"Tsaka mahanap si Xandrus?"
Tumango lamang ako.
Napailing naman siya. "Kaya pala gustong humabol ni Lino."
May punto rin naman siya. "Parang gano'n na nga."
Napabuntong-hininga naman siya. "Kung makikita natin siya, sasabihin mo bang kasal ka na sa iba?"
Nasurpresa ako sa tanong niya. Napaiwas ako ng tingin at binalik ang pagmamasid sa karagatan. "Ewan."
Hindi ko inisip ang tungkol sa kanyang naitanong. "Sa totoo lang, hindi ko talaga labis na maintindihan kung bakit nangyayari ang lahat na 'to. Gusto ko lang naman ng kapayapaan at kaligayahan sa buhay. Tapos kung kailan nakahanap na ako ng katuwang sa buhay, darating naman itong panibagong hamon na walang kasiguraduhang magagawa ko."
"Andito naman kami," aniya. "Tutulungan ka namin. Ilang pagsubok na ating nalampasan ng magkasama, susuko ka pa ba?"
May punto ulit siya. Napagtanto kong kay raming mga pagkakataong magkasama kami sa anumang pagsubok sa buhay simula noong nasa Academia pa kami. Nakaligtas kami mula sa kamay ni Ahriman at Valentina, ni Ranse at ng Siquestros. "Ang swerte ko talaga sa inyo," aking nasabi.
"Hoy," isang boses naman ang sumingit. "Konti na lang, magseselos na ako dito," sabi ni Leia kaya binawi kaagad ni Raphael ang kamay niya mula sa balikat ko.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasiBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...