Kabanata LII

42 4 0
                                    


Reina Naida.

Iyan ay ang sabay-sabay na pagkilala ng lahat sa biglang pagdating ng panauhin sa dalampasigan ng Reino de Fuego. Kasabay ng pagdalo niya sa labanan ay ang biglang paghampas ng mga alon na siyang nagpaahon sa mga kawal ng Reino del Agua.

"Batid kong may dumakip ng aking asawa't anak dito," pagbati ng Reina sa kanyang paggala ng tingin sa lahat, hanggang sa dumapo ito kay Jai.

Ngumisi ang Reina, sa kabila ng poot na nararamdaman niya sa invasor. "Inagaw mo sa aking pamilya, dakilang invasor. At higit sa lahat, inagaw mo sa akin ang Pulseras."

Kumislap ang Pulseras na parang bang tumututol ito sa binitaw ng Reina, gayong hindi naman ito pagmamay-ari ng Agua.

"Gahaman ka, Reina Naida. Ipinagkait mo sa mga taga-Aire ang biyayang nararapat na bumalik sa kanila," diin ni Jai, ngunit napatawa lamang nito ang Reina.

"Kung nararapat man itong bumalik sa kanila, ba't pa ito napadpad sa aming Reino? Sa kay tagal nitong nanatili sa amin, ni hindi naman namin nabatid na kailangan pa itong ibalik sa kanila," pangangatwiran pa ng Reina.

Sumulpot naman si Hulian at napansin rin ang suot ni Jai na Pulseras. "Iyan na ba ang biyaya ng Aire Quimera?" kanyang tanong.

Isang pagtango ang tugon ni Jai, at hinawakan ni Hulian ang Pulseras. Doon ay lumiwanag ang kamay nila, ngunit hindi ito nagustuhang tanawin ng Reina.

Kinuha niya ang pagkakataong umatake sa dalawa.

Inangat niya ang kanyang kamay at ikinumpas sa gawi nina Jai at Hulian, ngunit sa pagbulusok ng tubig, tumama ito sa isang harang at kaagad kumalat ang tubig. Nang humupa ang liwanag, doon ay nakita ni Reina Naida na nakaangat na ang kamay ni Hulian at nagliwanag ang mga mata nito.

Wala nang mababakas na pag-aalinlangan sa mukha ni Hulian, at tuluyan na itong napalitan ng kumpyansa, gayong nasa kanyang panig na muli ang Kapangyarihan ng Aire Quimera.

Dahil sa nangyari, mas lumala ang pagkayamot ng Reina. "Hindi maaari!" diin niya't umatake muli.

Kasabay ng bawat bitaw niya ng mga bumubulusok na tubig ay ang pag-abante muli ng mga taga-Agua sa Reino de Fuego. Nagsipag-ahon ang mga ahas sa kabuhanginan at iniisa-isa ang mga kawal ng Fuego't Tierra.

Habang pinipigilan ng mga invasor ang mga taga-Agua, hinarap naman ni Danaia at Hulian ang Reina Naida. Kaya ngayo'y naglalaban na ang mga tagahawak ng mga biyaya.

Habang abala silang paatrasin ang mga taga-Agua, napansin naman ni Leia na hindi mahagilap si Jai.

"Nasaan si Jai?" tanong niya sa mga kapwa-invasor.

Palinga-linga ang mga kasamahan niya sa paligid. Ni kahit si S'Norekko, hindi na rin niya mahagilap ang Kamahalan.

"Jai!"

"Kamahalan!"

"Nasaan ka, Jai?!"

Sa gitna ng labanan, hinanap nila si Jai, ngunit hindi na nila ito makita. Ni wala rin silang naririnig na tugon mula sa kanya. Kani-kanina lamang, nasa tabi pa lang ito ni Hulian.

Pagkatapos ng salitan ng pag-atake, isang mapang-asar na ngiti ang sumilay sa labi ng Reina Naida. "Masyado niyong minaliit ang aking kakayahan. Ngayong kinuha ninyo ang akin, pwes, kukunin ko rin ang sa inyo," kanyang wika at isang lalaki ang umahon mula sa dalampasigan.

Tila nagulat ang lahat sa bilis ng pangyayari.

Ang kanilang natanaw ay walang iba kung 'di si Jai, at hawak siya ng Agua Dragua habang pilit makawala mula rito. Basa na ang kanyang kasuotan, tanda na nilamon pala siya ng tubig.

Lalapit na sana sina Raphael upang iligtas si Jai, ngunit pinigilan sila ng Reina Naida. "Isang maling hakbang, ilulubog ko sa kaila-ilaliman ng karagatan ang kaibigan niyo. Ayaw niyo naman sigurong may mangyaring masama sa kanya, 'di ba?"

Hindi ito nagustuhan ng lahat.

Napatawa na lamang ang Reina habang bakas sa mukha ng lahat ang pangamba gayong hawak niya si Jai.

"Pakawalan mo siya, Naida," sabi ni Danaia.

"Iyan ay kung maibalik niyo sa akin ang aking pamilya," kanyang tugon.

"'Wag! Huwag niyo silang ibalik sa kanya!" pagtutol ni Jai. "Manganganib si Xandru—"

Naudlot ang pagsalita ni Jai nang pinalupot ng tubig ang bibig niya. "Mabuti't isinuko mo ang Aire Quimera. Nawalan ka tuloy ng kapangyarihang dapat isasangga mo laban sa akin, inutil."

Muling hinarap ng Reina ang lahat. "Ibalik niyo sila't isuko niyo lahat na mga Banal na Bato sa akin, o masasaksihan niyo ang kamatayan ng pinakamamahal niyong invasor."

Nagpakawala ng isang halakhak ang Reina at nilamon ng lahat ng taga-Agua ng karagatan. Tanging naiwan sa baybayin ay ang mga taga-Tierra, taga-Fuego, taga-Aire, at ang mga invasor.

Ngayon, wala na si Jai. Hawak siya ng Reina Naida, kaya't hindi na niya magagawa ang misyong tinanggap niya upang maisalba ang mga Reino sa posibleng pagwawakas nito.

Si Jai naman ay hinihila ng Agua Dragua sa ilalim ng karagatan. Hindi siya matakas gayong wala na sa kanya ang kapangyarihan ng Aire Quimera. Wala na siyang kalaban-laban sa Reina ng Agua.

Muntikan na siyang mawalan ng hangin nang inahon na siya ng Agua Dragua mula sa dagat, at kaharap niya muli ang Reina. "Gusto na sana kitang tapusin, kaso gagamitin pa kita upang mapasaakin ang lahat ng mga biyaya ng mga Alagad ng Diyos," kanyang wika.

Inuubo man, pinilit ni Jai na magsalita. "Nilalagay mo sa kapahamakan ang lahat kung may plano ka mang angkinin ang mga biyaya, Reina Naida. Pati ang Reino mo, babagsak rin kung hahayaan mong lamunin ka ng ganid," katwiran ng invasor, ngunit tinawanan lamang siya.

"Tumahimik ka, invasor. 'Di hamak na dayo ka lamang at wala kang nalalaman sa aming mga biyaya," aniya at humakbang ito kay Jai na hindi pa rin makawala sa pagkakahawak ng Agua Dragua. Hinawakan ng Reina ang panga ng invasor, at tila sinusubukang patayin sa tingin ang invasor.

"Kung tutuusin, kayong mga pakialmerong invasor ang naglagay sa amin sa ganitong sitwasyon. Kung hindi niyo sinira't ninakaw sa amin ang mga biyaya, hindi sana kami nagpapatayan ngayon. Sinira niyo ang mundo namin, at sisiguraduhin kong pagbabayaran niyo lahat ng ginawa niyo!" diin niyang sambit habang hinihigpit ang hawak sa panga ni Jai.

Binitawan na niya ito't tinalikuran. "Ipagdarasal mo na lang na mailigtas ka ng mga kapwa mo invasor, ngunit sisiguraduhin kong matutumba muna sila bago makarating rito," sabi ng Reina.

"Binabalaan kita, Reina Naida. 'Wag kang mag-antay na kailangan pang makialam ng mga Alagad ng Diyos sa mga plano mo," babala ni Jai.

"Hindi 'yan mangyayari," tugon ng Reina.

Ramdam ni Jai ang biglang paglamig ng kweba na nagmumula sa kinatatayuan ng Reina, hanggang sa naging yelo ang tubig na pumupulupot sa kanya. Doon ay tuluyang lumisan ang Reina Naida at iniwang balot sa yelo ang invasor.

Nagpumiglas muli ang invasor, ngunit bigo itong makatakas. Gayong hawak siya ng Reina Naida, nakakatiyak siya na malalagay sa alanganin ang mga buhay ng mga kasama niya dahil sa kanya.

"Paano ko na ngayon makukuha ang kwintas ni Eirob mula sa kanya?" kanyang tanong sa kawalan.

Habang patagal ng patagal, humihina na rin ang katawan niya dulot ng lamig ng yelo na bumabalot sa kanya.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon