Kabanata XXVI

44 2 0
                                    

Jai

Ikinuwento ko kay Danaia kung paano ko nabawi ang Hikaw ng Tierra Tortuga. "Isang digmaan ang naganap ilang taon na ang nakalipas at may kinalaman ang apat na banal na alahas rito," panimula ko.

Nagamit ito ni Khalios noon ngunit pagkatapos ng digmaan ay isinauli niya ito sa akin dahil kailanma'y hindi niya kagustuhan maging makapangyarihan. Mabuti't dinala ko ito sa aming paglalakbay.

"Mukhang uuwi ang alahas sa tahanan nito," sambit ko na ikinaiyak ni Danaia saka niya ako niyakap.

"Maraming salamat," aniya. "Hindi ako nagkamali na darating din ang araw, babalik rin ang lahat."

Natutuwa naman akong marinig iyon mula sa kanya. Siguro, ito talaga ang rason kung bakit pinapaalis ako ng Titania at maglakbay.

Sabi naman ni Danaia, malaking bagay ito sa kanila ngayong may sagradong bato ulit sila kahit na maliit lang na parte ng bato ang nasa hikaw. Aniya, kasing laki raw ng isang palad ang mga bato ngunit dahil sinira ito ng mga invasor noon, pinaniniwalaan nilang nagpipiraso-piraso na ang apat na banal na bato. Ang piraso na nasa kwintas ko ay halos isang-katlo lamang ng buong sagradong bato ng Ave Fenix.

Sinabi ko rin ang tungkol sa dalawang pang alahas na naglalaman ng bato ng Agua Dragua at Aire Quimera. "Naging gahaman ang aking kapatid sa kapangyarihan. Pinagkaisa niya ang dalawang alahas na siyang ikinapahamak niya at ng kaibigan ko na pinigilan siya sa kanilang balak na maghasik ng kasamaan," wika ko. "Sinira ng kaibigan ko ang suot niyang mga alahas at naglaho silang dalawa. Hindi namin alam kung saan sila dinala ng mga alahas, hanggang sa dumating ang araw na napagpasyahan kong maglakbay at kinalauna'y dito ako dinala ng aking kapalaran."

"Nalulungkot akong marinig ang tungkol sa iyong kapatid at kaibigan," aniya.

"Salamat," aking tugon. "Hindi pa ako sigurado kung buhay pa sila, ngunit gayunpaman, may kutob akong naririto lamang sila o nasa ibang mga kaharian."

"Sa mga nakalipas na taon, wala naman kaming nabalitaang napadpad dito na mga invasor," sabi naman niya. "Ngayon lamang."

Hinawakan niya ang aking kamay, at binigyan muli ng isang matamis na ngiti. "'Wag kang mag-alala. Tutulungan kitang mahanap ang mga kasama mo, ang kapatid mo, at ang kaibigan mo. Ipapangako iyan ni Danaia," aniya na ikinatuwa kong marinig.

"Nga pala, hangga't maaari, 'wag mong ipag-alam sa iba ang tungkol sa hawak mong kapangyarihan ng Ave Fenix. Kapag nagkataon, baka umabot ang balita sa Reino de Fuego at sumugod sila rito," paalala niya sa akin.

"Naiintindihan ko," aking tugon.

Saka naman ikinuwento ni Danaia ang lugar kung saan kami ngayon. Ito ay ang tahanan mula pa sa kanyang ninuno na ipinamana sa kanya. Dito siya paminsan-minsang pumupunta kapag may aasikasuhin siyang mga bagay-bagay.

Nasa isang higaan ako kung saan pinapahinga muna ako ni Danaia. Halos pareho lamang ang silid na ito sa kung saan ako nagising kanina, ngunit mas malawak pa ito at may iba pang silid rito.

Lumabas naman si Danaia mula sa isang silid at may dalang damit na siyang ibinigay niya sa akin. "Hangga't naririto ka, magsuot ka muna ng kasuotan ng aming Reino. Kung mananatili kang ganyan ang iyong itsura, hinding-hindi ka tatantanan ng mga tao sa labas."

Malugod ko namang tinanggap ang ibinigay niyang mga damit saka niya ako hinatid sa isang paliguan rito. Iniwan naman niya ako at doon ay naglinis na ako ng katawan. Naginhawaan ako sa tubig na umaagos rito, dahil sakto lamang ang pagkamaligamgam nito. Pagkatapos ay nagbihis na rin ako at isinuot ang bigay niya. Medyo naninibago ako kasi walang manggas ang mahabang chaleko na kulay maputlang berde, na siyang pinares ko sa madilim na berdeng sinturon. Kinuha ko naman ang mga gamit ko mula sa marumi kong damit at inilipat na sa aking suot.

Nang ako'y lumabas, nadatnan kong nag-aantay pala sa akin si Danaia na mukhang napako sa kanyang kinatatayuan. "Sa kinis ng iyong balat, mukhang pati mga kalalakihan rito'y maakit mo," kanyang sabi at ako'y nahiya bigla.

Bumalik ulit siya sa isang silid at paglabas niya'y may inabot naman siyang damit. "Takpan mo kutis kung ayaw mong dumugin ng mga manliligaw mamaya," sabi niya kaya kaagad akong nagbihis ulit.

Nang lumabas ako. nilapitan naman niya ako at may inabot na piraso ng tela. "Ito naman ay ibabalot sa iyong mukha, nang sa gayon ay hindi masyadong matandaan ang iyong itsura," sambit niya saka niya ako tinutulungan ibalot iyon sa kahalati ng aking mukha.

May inabot muli siya ngunit ito'y isang sandata na. "Kailangan mo iyan, dahil pupunta tayo sa kabilang Reino. Marunong ka namang makipagsandatahan, batid ko," aniya na aking ikinatungo. "Ngayon, magkukunwari kang aking bantay. 'Wag kang magpahalatang sa sinumang makakasalubong natin roon. Sa ganitong paraan lamang kita madadala roon ng ligtas."

"Maraming salamat, Danaia."

"Walang anuman."

Mula roon ay bumaba kami at nagkunwari akong bantay ni Danaia. Gano'n pa rin, walang nagbago. Pinagtitinginan pa rin ako ng mga tao. "May mali ba sa suot ko, Danaia?" aking nag-aalalang tanong.

"Wala naman, bihira lang kasi sila makakita ng bantay sa tabi ko. 'Wag mo na silang alahanin pa," sabi niya na aking sinunod.

Sinuong namin ang daanan sa gitna ng napakayabong na kagubatan. Gaya ng nasaksihan ko kanina, umiiwas ang mga damo upang magbigay-daan sa amin ni Danaia.

"Danaia," aking tawag sa kanya. "Maaari ka bang magkwento muli tungkol sa mundong ito?"

Bahagya naman siya natawa. "Oh sige, sabi mo eh."

Kwento niya, simula nang nabiyayaan ang apat na Reino ng mga alagad ng Diyos, nagkaroon daw ng kontrol bawat kaharian sa mga elementong itinalaga sa kanila, hindi lang dito kung 'di pati na rin sa mortal na mundo at sa Titania. "Kami ang nagsilbing tagaprotekta at tagabanta sa dalawang mundo kung may ginagawa ang mga tao na hindi gusto ng Diyos," wika niya.

Aniya, ang Titania ay dapat raw mananatiling mundo ng hiwaga't majika, habang ang mortal na mundo ay hindi magiging makapangyarihan kailanman.

Ngunit, nang masira ang mga bato ay nawalan na sila ng kontrol sa dalawang mundo at tanging ginawa lamang nila sa ilang mga dekadang lumipas ay payabungin ang kanilang mundo hangga't buhay pa. "Wala na kaming ideya kung ano ang ginagawa ng mga tao sa dalawang mundo. Saka, buti nga, hindi tuluyang naglaho ang mga Reino dito gayong mula sa mga sagradong bato ang aming mga kapangyarihan," dagdag pa niya. "Kung tuluyan nasira ang mga bato, siguro wala na kami rito. Mula noon ay naniwala kaming buhay pa ang mga sagradong bato dahil buhay pa kami, at umasa kaming babalik rin ang mga ipinagkaloob sa amin na mga bato ng mga alagad ng Diyos."

Pansin ko namang batuhan na aming dinadaanan kumpara sa madamong lugar na nilagpasan namin kanina.

"Hindi ba kayo nagtangkang maglakbay sa karagatan?" tanong ko muli na ikinailing niya.

"Mahigpit na ipinagbabawal sa amin ang maglakbay sa karagatan. Ikakapahamak lamang ng mga tao namin ang maglakbay na hindi naman kagustuhan ng Diyos sa amin," kanyang tugon.

Sa dulo ng aming tinatahak ay baybayin na pala kung saan sinasalubong ng mga bato ang mga hampas ng alon. Doon ay may natanaw akong dalawa pang isla sa karagatan, at isa naman na nakalutang sa ere. Tinuro naman ni Danaia ang islang nakalutang. "'Yan ang Reino del Aire." Sunod niyang tinuro ay ang isla na nakatapat rito. "'Yan ang Reino del Agua."

Huli niyang tinuro ay ang isla sa kaliwa namin. "'Yan naman ang Reino de Fuego, ang pinanggalingan ng iyong kapangyarihan."

"Handa ka na bang tumawid sa kabilang Reino?" kanyang tanong.

"Handa na ako, Danaia."

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon