Kabanata XLVI

49 6 2
                                    


Sunod-sunod ang paglusong ng mga kawal sa tubig mula sa bangka, nang marating nito ang dalampasigan. Pinangunahan sila ni Jai at nagtungo sa kagubatan. Amoy nila ang mga natutupok mula sa sentro ng isla—senyas na tuluyan ng nilusob ng mga Fuego ang Tierra.

Hindi pa sila nakakaabot sa sentro ay sinalubong na sila ng alipores ni Foro. Kaagad silang pinaulanan ng mga apoy. Nailagan ni Jai ang bawat tira nila, ngunit hindi siya sanay na gagamitin na laban sa kanya ang minsan naging kapangyarihan niya ng kay tagal nang panahon. Hindi siya nagsayang ng pagkakataon at nilabas ang kanyang patalim.

Sa palagiang pagsasanay sa Palasyo ay natuto na siyang maging maliksi't malakas, kahit walang gamit na kapangyarihan mula sa Ave Fénix. Kaya't sa pag-aakalang mapapatumba nila ang dating tagahawak, tila bumaliktad ang kanilang tadhana hanggang sa nakita na lamang nila ang kanilang mga sarili na sugatan at nakahandusay sa lupa.

"Kamahalan!" isang tawag mula kay S'Norekko na siyang ikinalingon niya.

Huli na para kanyang iwasan ang isang patalim, ngunit muli niyang pagdilat, tila tumilapon ito sa ibang direksyon. Nakita niyang tumama ito sa puno sa may 'di kalayuan mula sa kanyang kinatatayuan, at nang nilingon ang direksyon ng pinanggalingan ng isa pang patalim tumama rito ay nakita niya si Leia.

Isang pagtango ang tugon ng Kamahalan sa pagsalba nito sa kanyang buhay, at sila'y nagpatuloy sa pagharap sa mga taga-Fuego.

Dumiretso si Jai sa mga hiyawan ng inosenteng mga taga-Tierra at isa-isang niligtas ang nanganib sa kamay ng mga taga-Fuego. Hindi niya maiwasang igala ang tingin sa dating mayamang kalikasan—na ngayo'y tinutupok na ng apoy.

"Kamahalan," isang tawag muli sa kanya, ngunit hindi na ito mula sa mga kasamahan niya. Sa kanyang paglingon ay nakita niya ang bulto ng kapatid ni Fidel. "Muli tayong nagkita."

Mas humigpit ang paghawak niya sa patalim, kasabay ng namumuong galit sa kanyang loob. "Ano bang kasalanan nila't nilalagay niyo kapahamakan ang mga taga-Tierra?" kanyang wika.

Sumilay ang mapang-asar na ngisi ng taga-Fuego. "Eh, ayaw nilang sabihin kung nasaan kayo."

"Wala ito sa ating kasunduan, Foro. Nasa inyo na ang Ave Fenix. Ano pa ba ang kailangan niyo sa amin—"

Biglang tumira ng apoy si Foro at bumagsak ito sa tabi lamang ni Jai. "Alam kong mayroon pa kayong tinatago mula sa amin. Kung ayaw mong maging abo ang lahat ng buhay na naririto, mas mabuti pang ibigay niyo sa amin ang natitirang piraso ng aming Banal na Bato."

"Kung gano'n, iyon ang pakay nila," sabi ni Jai sa kanyang isipan.

Umabante ng ilang hakbang ang kamahalan—walang kinatatakutan sa kabila ng banta mula sa nangangalit na tingin ni Foro. "Wala kaming tinatago, Foro. Pinaglalaruan ka lang ng malikot mong isipan," kanyang sambit.

"Sinungaling ka!" sigaw ng taga-Fuego at sumugod kay Jai. Itinutok niya ang naglagablab ng mga palad sa gawi ni Jai, at naglabas ito ang walang tigil na apoy.

Nang humupa ito, akala niya naging abo na ang dating tagahawak ng Ave Fenix. "Yan lang ba ang kaya mong gawin?" isang mapang-asar na tinig mula sa kanyang likuran.

Paglingon ni Foro, ando'n na ang kanyang kaharap kani-kanina lamang. "May tinatago ka ngang kapangyarihan," aniya na ikinatawa lamang ni Jai.

"Wala naman, ngunit tatanggapin ko iyan bilang papuri," tugon ng Kamahalan at sumugod muli ang inis na Foro sa kanya.

Inulit ng taga-Fuego ang kanyang ginawa kanina, ngunit nawala ulit sa kanyang paningin si Jai. Hindi pa siya nakakalingon, nakaramdam na siya ng isang matulis na bagay na nakatutok sa kanyang batok. "Wala iyan sa kapangyarihan, Foro. Nasa husay iyan—isang bagay na hinding-hindi mo maaral sa loob ng isang araw."

Dahan-dahang humarap ang taga-Fuego at napangisi ulit. Nakarinig sila ng mga ingay na pumalibot sa kanila—mga kasamahan ni Foro. Sa kabila dyan, hindi pa rin natakot ang kamahalan.

"Kay hina mo naman pala't kailangan mo pa ng kasama upang kaharapin ako," ani Jai.

Hindi na sumagot si Foro at kaagad na humablot ng patalim bilang panangga sa hawak na espada ni Jai. Isa-isang sumugod ang limang kasamahan ni Foro at kaagad winasiwas ni Jai ang sandata niya laban sa kanila. Hindi mababakas sa mukha ni Jai na nahihirapan, bagkus nabubuhayan ang kanyang pagkamagiting.

Sa bilis ng bawat galaw, nagawa niyang patumbahin ang dalawa, ngunit nagtamo naman siya ng isang guhit ng tama sa kanyang braso, na siyang bahagyang pumunit sa kanyang manggas.

"Sumuko ka na't isuko sa amin ang hindi inyo," wika ni Foro na nanood lamang sa munting tanghalan sa pagitan ni Jai at sa tatlong natirang taga-Fuego.

"Tunay na duwag lamang ang marunong sumuko," tugon ni Jai at sumugod muli ang mga kaharap niya.

Natatawa lamang si Foro na pagmasdan ang nahihirapang kamahalan, ngunit nilapitan naman siya ng isang kanang kamay nito.

"Psh, sino naman ang isang 'to—"

Sa hindi niya inaasahan, biglang nagsipagliparan mula sa kanya ang mga dala niyang patalim patungo kay S'Norekko.

"Saan ka naman balak magpunta, Foro?" boses mula sa Kamahalan.

Ngayon, ang taga-Fuego na ang nasa bingit ng kapahamakan. Napilitan siyang gamitin ang kapangyarihan niya, ngunit hindi ito nagpaatras sa dalawang kaharap niya.

Hindi nagtagal ay napatumba na rin siya ni Jai. Sa lupa, nakadapa siya't inis na inis dahil sa pagkakagapos ni S'Norekko sa kanyang mga kamay mula sa metal ng kanyang mga patalim.

Sa kabila nito, tila paramg sumilay ang pag-asa kay Foro na makawala mula kay Jai nang makita nito ang kanyang kapatid, at dali-dali itong lumapit sa kanila.

"Pakawalan niyo ang aking kapatid," pagmamakaawa ni Fidel.

"Nilagay niyo sa kapahamakan ang Reino ni Danaia, at gusto mong pakawalan ko ang pasimuno rito?" ani Jai. "Ganyan ba kayo kaganid sa kapangyarihan?"

"Hindi ako narito upang maghasik ng sakim," tugon ni Fidel. "Nilulusob ng Reino del Agua ang aming Reino!"

Natawa lamang ang kanyang kapatid. "Nagpapatawa ka ba, Fidel? Tayo ang lumusob sa kanila!"

"Nang dahil sa'yo, Foro. Nang dahil sa'yo! Ngayon ay gumaganti na sila!" mariin niyang sabi, kaya't bumakas sa mukha ni Foro ang sobrang pagkainis.

Naguguluhan rin si Jai sa kanyang narinig mula kay Fidel. Bigla naman itong lumuhod sa kanilang harap at yumuko. "Tulungan ninyo kami."

Ito ang lumabas sa bibig ng taga-Fuego. Kani-kanina lamang ay kinamumuhian ni Jai ang mga taga-Fuego, ngunit tila humuhupa ito sa pagmamakaawa ni Fidel.

Bahagyang humakbang si Jai, ngunit pinigilan siya ni S'Norekko. "Kamahalan, baka tayo'y nililinlang lamang niya't nilalagay sa isang patibong."

Napagtanto ito ng Kamahalan. Kaya't nagbago kaagad ang isipan nito. "Hangga't hindi tumitigil ang mga taga-Fuego rito sa Reino de Tierra, walang matutulungang taga-Fuego," kanyang wika at tuluyang iniwan ang magkapatid.

"Wala ka talagang kwentang kapatid," tanging nasabi na lamang ni Fidel nang pagmasdan ang nakagapos na Foro. "Nang dahil rin sa'yo, nawala na ang tiwala ni Danaia sa akin."

Isang malakas na sipa ang binitaw niya sa tyan ni Foro, at wala itong magawa kung 'di dumaing sa sakit nito.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon