Kabanata LIII

51 5 0
                                    


Humupa na ang tensyon sa pagitan ng mga Reino...



...sa ngayon.

Mga sugatang sibilyan at kawal. Mga nawasak na tirahan. Mga nag-aalalang kaibigan. Iyan ang sitwasyon ngayon sa Reino de Fuego at Reino de Tierra. Bagama't magkatulad lamang ang hinaharap ng dalawang Reino, isa lamang ang handang lumusob sa Reino del Agua upang kunin ang dinakip na invasor.

"Ayaw nga namin!" pagtutol ni Foro nang sinusubukan silang kumbinsihin na tumulong sa pagpigil sa plano ng Reina Naida.

"Matapos mong lusubin ang aming Reino ng walang takot, papairalin mo ang iyong kaduwagan?" seryosong tanong ni Danaia, siyang malayo sa nakaugaliang tono nito sa pagsasalita.

"Hindi namin kaano-ano ang invasor. Ba't pa namin ilalagay sa peligro ang aming mga buhay para lamang isasalba ang isang buhay na isang 'di hamak na mahinang nilalang?" kanyang katwiran na hindi nagustuhang madinig ng mga kaibigan ni Jai.

Isang patalim ang itinutok ni S'Norekko sa leeg ni Foro.

"Baka nakalimutan mong dahil sa kanya, naibalik sa inyo ang biyaya ng Ave Fenix," wika naman ni Leia.

"At hindi mo kailanman mapapantay ang kagitingan niya bilang isang tagahawak ng Kapangyarihan ng Ave Fenix," sabi ni Raphael.

"Baka magising kayo bukas na bumalik na iyan sa isang invasor dahil pinapatunayan niyo lamang ang mga sarili niyo na hindi kayo karapat-dapat sa biyaya ng Ave Fenix," ani Danaia, at nagkatagpo muli ang mga kilay ni Foro.

May bigla namang dumating sa tagpuan at inangat nito ang espada sa harap ng kanyang kapatid. Kapansin-pansing kumikislap ang mga mata nito't masama ang tingin kay Foro.

"Ang magaling kong kapatid," asik ni Foro. "Pumapanig ka na talaga sa kanil—"

Sa bilis ng pangyayari, bumagsak si Foro sa lupa't ngayo'y inaapakan ni Fidel. "Ikaw pa naman ang susunod na tatanghaling Hari sa ating Reino, ngunit nakakasuka lamang pagmasdan ang kaduwagan mo, Foro," diin niya.

"Isasakripisyo mo ba ang buhay ng lahat para lamang sa isang invasor?" tanong ni Foro.

"Hindi lamang siya isang invasor, duwag," ani Fidel. "Kay rami niyang pinagdaanan pagsubok para lamang manatiling buhay ang biyaya ng Ave Fenix. Nakita ko ang lahat. LAHAT."

Doon ay nakita nilang suot na pala niya ang kwintas. "Hindi siya nandito para guluhin ang mga Reino, Foro. Siya ang naging pag-asa ng mga Alagad ng Diyos na maibalik ang mga biyaya sa mga Reino. Kung hindi mo magawang kilalanin ang mahinang invasor na iyong tinutukoy, makakatikim ka ng hagupit ng 'di lamang galing sa Ave Fenix, kung 'di pati na rin ang Aire Quimera at ang Tierra Tortuga."

Doon ay mas natakot si Foro nang nagpakita sa kanya ang tatlong Alagad ng Diyos sa likod nina Fidel, Danaia, at Hulian. Hindi siya halos makapagsalita gayong nakatingin sa kanya ang mga tatlong makapangyarihang nilalang—nanlilisik at parang kinakain siya ng buhay.

"OO, S-SASAMA AKO! PAPAYAG NA AKO!" natataranta niyang pagpayag habang nasisilawan sa liwanag ng mga Alagad ng Diyos.

Kaagad itong bumangon at tumakbo papunta sa kanilang Palasyo. Habang nag-aantay sila sa opisyal na anunsiyo mula sa Rei at Reina ng Reino de Fuego, lumapit naman sina Raphael kay Fidel dahil sa sinabi niya kanina.

"Anong ibig mong sabihin na nakita mo ang lahat?" tanong ni Leia sa kanya.

"Pinakita sa akin ng Ave Fenix ang lahat ng pinagdaanan niya mula noong hawak niya ito," tugon niya.

"Nasaksihan ko ang mga giyerang hinarap niya at ang pagkawala ng mga mahal niya sa buhay. Napagtanto kong hindi naging madali sa kanya ang bawat pagsubok na dumating sa kanyang buhay para lamang mapigilan lamang ang bawat magtangkang magpalawig ng kadiliman sa inyong kalupaan."

Kumislap ang kwintas niya, na parang bang sumasang-ayon ito sa kanyang inilahad. "Hindi papayag ang Ave Fenix na malagay na lamang ang kanyang buhay sa panganib. Kailangan natin siyang iligtas sa lalong madaling panahon at pigilan ang anumang balak na gawin ng Reina Naida," kanyang dagdag.

Doon ay ramdam na ramdam na niyang dumadaloy sa buong katawan ang naglalagablab na kapangyarihan ng Ave Fenix.

Hindi nagtagal ay dumating na rin si Foro at ang mga sandatang kailangan nila. Tatlong tagahawak man ang nasa kanilang panig, ngunit hindi sila pakakampante lalo pa't matagal na sa kamay ni Reina Naida ang biyaya ng Agua Dragua. Kaya't gamay na gamay na niya ang paggamit ng kapangyarihan mula rito.

"Maghanda sa ating paglusob sa Reino del Agua," anunsiyo ni Fidel sa lahat.

Muling gumawa ng tulay si Danaia sa isang malakas na pagtapak lamang sa lupa, at narating nito ang kabilang Reino.

"Sugod!" utos ni Foro at nagsipagkilos ang lahat.

Tulad ng kanilang inaasahan, umahon mula sa karagatan ang mga malalaking bulto ng tubig sa anyo ng mga ahas. Inatake nito ang mga tumatawid sa tulay kaya't kumilos na rin ang tatlong bagong tagahawak ng mga Banal na Alahas.

Ang mga nakailag at nakaligtas mula sa mga ahas ay nakatawid sa kabilang Reino, ngunit doon ay sinalubong naman sila ng mga kawal ng Reino del Agua. Kaya't tuluyan muling bumalik ang tensyon sa pagitan ng mga Reino. Nagkapalitan lahat ng tira at nagsipagkalansingan ang mga espada't sibat.

Habang nasa ere si Hulian at nasaksihan niya ang nagsisipagtumbahan na ang mga kawal mula sa kanilang panig. Kaya't siya'y nag-ipon ng enerhiya't ikinumpas ang kamay sa mga kawal ng Reino del Agua.

"Hulian!" tawag ni Danaia sa kanya, ngunit huli na nang mapansing hahampasin na siya ng isang ahas.

Natamaan si Hulian at bumagsak sa tulay. Kaagad naman siyang inalalayan ni Danaia, ngunit may susugod namang ahas sa kanilang dalawa. Sa pagbulusok ng tubig sa kanila ay gumawa ng harang si Danaia na gawa sa lupa. Hindi nagtagal ang harang at tuluyan itong nasira.

Si Fidel naman ay hingal na hingal sa pagtapon ng apoy sa mga kawal. Mauubos lamang ang kanyang lakas kung haharapin niya ang mga ahas sa karagatan, gayong wala siyang laban sa mga ito.

Hindi nagtagal ang kanyang pag-iiwas nang siya naman ang pinunterya ng mga ahas. Nang bumulusok ang mga ahas sa kanya ay nagpakawala ito ng pwersa, ngunit hindi rin iyon nagtagal at tuluyan siyang tumilapon.

Napilitang protektahan nina Leia, Raphael, at Ella ang mga Tagahawak, gayong maaaring makuha ng mga ahas ang mga hawak nilang Alahas. Dahil doon, napabayaan nila ang ibang kawal na hindi pa tuluyang nakatawid sa tulay at nilalamon na ang iba ng karagatan.

Doon nila napagtantong kahit sila ang mga karapat-dapat na mangalaga ng mga biyaya, hindi nila kaagad mapapantayan ang lakas na naipon ni Jai bilang dating tagahawak.

Ngunit, kung aatras pa sila, mas lalong manganganib ang buhay ni Jai.

"Walang susuko!" sigaw ni Raphael habang pinigilan niya ang ahas na makalapit sa mga tagahawak.

Sa kabila ng kanilang paghihirap ay tila nasisiyahan naman ang Reina habang pinagmamasdan ang eksena sa kanilang dalampasigan. Kitang-kita niya ang lahat mula sa kaniyang yelong kristal.

Pinalitan naman niya ang eksena at pinakita ng kristal ang paghihirap ni Jai habang nilalaban ang lamig mula sa yelong bumabalot sa kanya.

Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon