Kinabukasan, naging masigla ang tanghalian sa Palasyo kasama ang Hari at mga tauhan rito. Hindi man ito ang nakasanayan sa ibang mga Kaharian ngunit ganito makipaghalubilo ang Hari rito. Parang lang siyang nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan kung makipaghalubilo. Gayunpaman, andyan pa rin ang respeto ng mga tauhan sa kanilang Hari gayong dahil sa kanya ay nananatiling matiwasay ang Kaharian ng Silangang Serentos.
Bakante ang upuan sa tabi ng Hari. Hindi pa rin maalis sa kanyang isipan ang nasaksihan niya kagabi. Sakto namang dumating si Pinunong Lino na nakita nilang hawak-hawak pa ang sentido nito saka nagbigay-galang sa Hari.
"Pasensya na't ako'y nahuli, Kamahalan," panghihingi niya ng paumanhin sa Hari.
"Maupo ka," sabi ng Hari na sinunod namam ng kanyang kanang-kamay.
Nagpatuloy ang palitan ng hirit ang mga tauhan habang ang Hari ay umiwas muna sa usapan. Bago pa man makasubo ay nagsalita ito, tamang-tama lamang na ang Pinuno lang ang makakarinig. "Batid kong masama ang iyong pakiramdam dahil buong araw ka raw naglagok ng alak kahapon. Tama ba ako, Pinunong Lino?"
"Opo, kamahalan," agarang sagot ni Pinunong Lino.
"Maayos ba ang tulog mo kagabi? Mukhang napuyat ka ata," dagdag pa ng Hari na parang nagpaparinig ata sa nangyari kagabi.
Kumunot ang noo ng Pinuno habang inaalala ang nangyari sa kanya kagabi. "Wala masyadong naalala," aniya.
"Magpagaling ka at gawin mo ang tungkulin mo bilang Pinuno ng mga kawal lalo na't bukas na ang Araw ng Kapayapaan. Sana nama't isantabi mo muna ang pansariling kasiyahan ngayon," paalala ng Hari bago niya tinapos ang kanyang pagkain at nagpaalam na sa lahat.
Naiwang nagtataka ang Pinuno sa biglang malamig na pakikitungo ng Hari. Dumako ang kanyang tingin kay Chonsela ngunit kibit-balikat lamang ito.
Tumayo mula sa kanyang upuan ang Pinuno at kaagad nagtungo sa pintuan upang sundan ang Hari ngunit kanyang nakasalubong naman si Grietta. Nasilayan muli ng Pinuno ang mapupungay nitong mata na parang bang may ibig ipahiwatig. Naalipin siya saglit sa nakaakit nitong tingin sa kanya.
Nagbigay-galang ang dalaga sa kanya. "Magandang umaga, Pinunong Lino."
Doon ay nagsimulang bumalik sa kanyang isipan ang mga nangyari kahapon. Napahawak siya ulit sa kanyang sentido at hindi na pinansin pa ang dalaga nang tumakbo na nito sa pasilyo.
"Hindi maaari," bulong niya sa kanuang sarili. Duda siyang may nasaksihan ang Hari na hindi dapat niya nakita kahapon.
Nagtungo siya sa silid ng Hari ngunit pinigilan siya ng dalawang gwardiya. "Pasensya na, Pinuno, ngunit utos ng Hari na huwag kang papasukin sa kanyang silid."
Alam niyang hindi na siya makakapalag pa kapag ang Hari ay binabantayan ng ibang gwardiya, ngunit nanatili muna siya sa tapat ng pintuan. "Kamahalan, pakiusap. Ako'y magpapaliwanag."
"Pinuno—"
Bigla namang bumukas ang pinto. Bihis na bihis na ang Hari dahil sa balak nitong lumabas ng Palasyo. Sa kabila ng malamig na pakikitungo ay nagawa pa rin ng Hari na bigyan ng ngiti ang Pinuno. "Ako'y dadayo sa mga bayan. Kukumustahin ko lamang ang taumbayan bago ang kasiyahan bukas."
"Sasama ako," sabi ng Pinuno ngunit umiling ang Hari.
"Ikaw na muna ang bahala rito," utos ng Hari at nilagpasan siya kasama ang mga gwardiya.
"Ngunit hindi ka dapat lalabas ng Palasyo na wala ako, Kamahala—"
"Utos ko'y dapat mong sundin, Pinunong Lino. Kaya ko na ang sarili ko. Nawa'y maintindihan mo," maawtoridad nitong sabi ng Hari na hindi inaasahan ng Pinuno.
Bago pa man magpatuloy ang Hari ay bahagyang lumingon ito kay Pinunong Lino. "Magpakasaya ka muna rito kasama si Grietta."
Pagkatapos binitawan iyon ay nagsimula na silang maglakad paalis ng pasilyo at naiwang dismayado ang Pinuno. Hindi niya malaman kung galit ba ang Hari sa kanya o pinaglalaruan lamang siya nito.
Sa labas naman ay inaanyayahan ang Hari na sumakay ng karwahe ngunit nagpumilit itong maglakad lamang papunta sa mga bayan. Walang nagawa ang mga tauhan kung 'di ang sumunod sa kanyang utos.
Paglabas ng Palasyo, kaagad siyang namangha sa mga palamuti sa paligid na pinagkaabalahan ng mga taumbayan para sa selebrasyon bukas. Hindi naman inaasahan ng mga tao ang biglang presensya ng Hari kaya nataranta ang lahat.
"Magandang araw sa lahat!" masigasig na bati ng Hari na siyang ikinatuwa naman ng lahat.
"Magpatuloy lamang ang lahat sa mga gawain. Nais ko lamang bumisita sa mga bayan upang kumustahin ang lahat," anunsiyo niya sa lahat na napahinto dahil sa kanyang pagdating.
Mababakas sa mga mukha ng mga tao ang kagalakang makita ang Hari, sapagkat bihira lamang ito nakakadalaw sa mga bayan. Nakihalubilo rin ang Hari sa mga tao at dumako sa Barrio La Trinidana kung saan kay raming tao ang dumadayo upang mamili. Dahil sa hindi inaasahang pagdating niya ay kaagad namang nagsipag-alisan ang iba para lamang makapagbigay ng daan sa Hari.
Ayaw na sanang tumuloy ang Hari dahil aberyang dulot ng kanyang pagdalaw kaya saglit lamang siya doon at nagtungo sa kalapit-bayan. Sa kanyang paglakbay ay hindi inaasahan rin ang paghabol ni Chonsela sa kanila. "Oh, Chonsela, nariyan ka na pala."
Mababakas sa mukha ng tagapayo ang pag-alala sa Hari. "Kamahalan, ba't hindi mo sinabi na lalabas ka ng Palasyo," hingal niyang sabi.
"Gusto ko lamang dumayo sa mga bayan bago magkasiyahan bukas," masiglang tugon ng Hari.
Napabuntong-hininga na lamang ang tagapayo sa kulit ng Hari. Medyo nakakalayo na nga sila ngunit pansin ng tagapayo na hindi pa ito pinagpapawisan. "Hindi ka ba napapagod, Kamahalan? Kay layo na ng narating niyo. Nag-alala ako sa inyo."
"Isipin mo, Chonsela," aniya, "...nagawa naming maglakbay mula sa Academia papunta sa Palasyo noon. Wala pa kaming sinakyan, muntikan pa kaming kainin ng mga Jiangshi sa Tareen. Mas malala pa rito ang paglalakbay namin noon."
Nakatingin lamang sa hangin ang Hari habang inaalala ang mga sandaling kapiling pa niya ang kanyang kasintahan. Bahagya siyang natuwa ngunit napalitan rin ng lungkot ang kanyang kalooban.
Nakarating sila sa huling bayan na dulo na ng Silangang Serento na kilala sa mayabong hardin na puno ng makukulay na bulaklak. Sila'y namangha sa kagandahan ng tanawin ng Barrio de Flores. Bigla namang binigay ng Hari ang kanyang korona kay Chonsela bago napatakbo papunta sa hardin na parang bang bata. Bumungad sa kanya ang napakasariwang hangin na tumatangay sa kanyang buhok at kasuotan.
Tila napawi ang kaunting pagod at lungkot sa kanyang pagtanaw sa malawak na hardin, ngunit sa oras na iyon ay hinihiling niya sana nasa tabi niya ngayon ang kasintahan niya habang tumitingin sa tanawin.
"Ikaw ba ang Kamahalan?" isang boses mula sa kanyang likuran. Paglingon niya ay natanaw niya ang isang may mag-asawa. May suot silang salakot habang bumabaluktot na rin sila dahil sa katandaan.
Nagbigay-galang ang Hari sa kanila. "Paumanhin sa naging kilos ko," sabi niya.
Kahit na hindi na sinabi ng Hari, kumbisido naman ang mag-asawa na siya nga ang Hari. Nagbigay-galang rin sila sa pagdating niya. "Kung may kailangan kayo, Kamahalan, magagalak kaming paglingkuran ka," sabi ng ginang.
"Ako po'y naparito dahil dumadayo ako sa mga bayan bago ang Araw ng Kapayapaan," aniya. "Hindi na rin ako magtatagal dahil maghahanda na rin kami sa Palasyo. Nawa'y yumabong pa ang bayan na ito."
Aalis na sana ang Hari nang tinawag siya ng mag-asawa. Umalis ang ginoo at kaagad namang bumalik na may dalang basket. Puno ito ng sariwang bulaklak na kakapitas pa lang, at amoy na amoy ang bango nito. Natuwa ang mag-asawa sa kanya.
May kinuha naman ang Hari na isang bulsita at inaabot ito sa kanila. "Nawa'y makatulong ito sa inyo," sabi niya habang sinusubukan na tanggihan ng mag-asawa ang munting handog ng Hari. Pinilit sila ng Hari na tanggapin iyon kaya kinuha nila ang bulsita. Nagulat sila nang makitang puno iyon ng gintong barya, habang ang Hari naman ay kaagad nang umalis.
Tuwang-tuwang umuwi pabalik sa Palasyo ang Hari dala ang basket ng bulaklak. Kahit papaano, nasilayan ng mga kasama niya ang ngiti niya sa kabila ng kalungkutan at pangungulila.
Pagdating nila sa Palasyo ay kaagad hinatid ng tagapayo ang Hari sa kanyang silid upang pagpahingahin na siya bago ang selebrasyon bukas. Saka pa nakaramdam ng pagod ang Hari ngunit gaya ng kanyang nakagawian ay hindi pa siya kaagad matutulog.
Sumapit ang gabi kung saan kay tahimik na ng Kaharian. Pasikretong bumaba ang Hari sa Palasyo at nagtungo sa munting hardin. Ganoon pa rin ang kulay ng mga rosas na kanyang nadatnan—kulay puti. Habang itinatanim niya ang ibang bulaklak mula sa basket ay may naisip siyang gawin sa mga puting rosas.
Kasabay no'n ay ang kakaibang ihip ng hangin. Ito'y parang bang tinutulak ang Hari sa kagustuhan nitong gawin sa mga rosas.
Pumitas siya ng isang rosas at lumayo. Isang malalim na paghinga ang kanyang binitaw bago hinagis sa ere at sinunog.
Muling nakakita ng mga imahe ang Hari sa kanyang isipan ngunit katulad noong unang pagkakataon ay hindi niya ito labis na maintindihan. Naghahalong mga boses ang kanyang naririnig na parang mabibingi na siya rito.
Hindi niya matiis ang kakaiba nitong pwersa hanggang sa bumalik ang malay niya at napadapa sa lupa, hingal na hingal. Sa harapan niya ay may sumulpot na dalaga, si Grietta. "Wala kang maiintindihan sa nakikita mo hangga't hindi ka pa kumikilos, mahal na Hari," aniya.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix III: Ang Huling Alab [COMPLETED]
FantasyBook 3 of 3 Dalawang taon na matapos ang huling kaguluhan sa Titania. Dalawang taon na ring namuhay si Jai bilang Hari ng Kaharian ng Silangang Serentos, ngunit hindi pa rin lubos niyang matanggap ang sinapit ng kanyang minamahal. Patuloy itong baba...